DIRECTOR:
CATHY GARCIA-MOLINA; LEAD CAST: RONALDO VALDEZ, AGA MULACH. DINGDONG DANTES,
CRISTINE REYES, ENRIQUE GIL; SCREENWRITER: VANESSA VALDEZ, ROUMELLA
MONGE, KIKO ABRILLO, JORELL GONZAGA; PRODUCER: CHARO SANTOS-CONCIO, MALOU
CONCIO; EDITOR: MARYO IGNACIO; GENRE: FAMILY DRAMA DISTRIBUTOR: STAR
CINEMA LOCATION: PHILIPPINES
RUNNING
TIME: 128 MINUTES
Technical assessment: 4
Moral assessment: 4
CINEMA rating: VA
Kaarawan ni Manuel Bonifacio (Veldez) at inaasahan niya ang
pagdating ng kanyang apat na anak upang makipagdiwang. Kaya nga lamang
kailangang isugod sa ospital ang asawa ng panganay na si Alex (Muhlach), habang
nasa Singapore naman si Bryan (Dantes); ang pangatlong si Cha (Reyes) ay may
importanteng kliyente, at hindi naman mahagilap ang bunsong si Dexter (Gil).
Tanging ang kaibigang doktor lamang anv makakahabol. Kaya nga lamang ay may
dalang malungkot na balita—may cancer
si Manuel at dalawang buwan na lamang ang taning. Dahil dito ay mapipilitan ang
apat na saluhan at pasayahin ang ama sa huling pitong Linggo ng kanyang buhay.
Ang kaso nga lamang ay bukod sa may kani-kanyang personal na pinagdaraanan ang
apat, ay mga kimkim na sama ng loob pa sila sa isa’t isa. Ang tanong, magkakasundo ba ang magkakapatid
bago matapos ang pitong Linggo?
Sa ngayon ay alam na nang nakararami ang sagot dahil unang
araw pa lamang ng Seven Sundays ay
pinag-usapan at pinilahan na ito. Bakit nga hindi e bukod sa powerhouse casting, tema ng pamilya na malapit sa loob ng Pinoy ito at may halong drama
at komedya pa na kinagigiliwan ng mga manunuod. Pero sa totoo lang—hindi ang
pormula ang naging dahilan ng tagumpay ng pelikula. Unang una, ang matalinong
pagkakapili sa mga nagsiganap dahil ang pagka-angkop ay hindi lamang pisikal
kundi sa kanilang ugnayan sa mga eksena. Walang naging pabigat, kalabisan o
nang-aagaw pansin. Lahat ay may tamang kinalagyan. At hindi lamang ito usapan
ng husay sa pagganap kundi kakayahan na bigyan ng balangkas ang emosyonal at
pagganyak ng mga kaeksena. Sa madaling salita—naging natural ang dating at
nakakaugnay ang mga nanunuod dito. Ikalawa: ang mismong kwento. Hindi naman ito
bago o katangi-tangi. Marami nang nagdaang pelikula na ganito rin ang tema (mula Tanging Yaman hanggang
Four Sisters and a Wedding) pero ang balanseng timpla ng drama at katatawanan ay madaling
sabayan. Madudurog ang puso sa hinagpis na pinagdaraanan ng mga tauhan, sasakit
ang tiyan sa kalokohan ng mga eksena, mangingiti sa kulitan ng magkakapatid at
sa likod nito, matatalupan ang buod ng hinanakit, kasaysayan at pagmamahalan sa
loob ng pamilya. Ang kwento ay simple pero isang paglalakbay sa buhay. Dapat
rin bigyan nang puna ang mabusising disenyo ng produksyon dahil mahigpit ang
pagkakahabi nito sa mga mensahe ng eksena. Sa kabuuan, ang tagumpay ng Seven Sundays ay ang tamang paggamit sa
mga elemento ng produksyon na tumulong upang maisulong ang kwento at mangibabaw
ang mensahe.
Sabi nila, ang pagiging magkapatid ay nangangahulugan ng pagpapatawaran,
pagbibigayan at pagmamahalan lagi. Madaling sabihin, mahirap gawin. Dahil kadalasan, kung sino pa ang kapatid ay siyang
mas pinagseselosan, pinagkikimkiman ng sama nang loob, pinagdaramutan ng
pasensya, kinakalimutan,isinasantabi. Siguro, iniisip na porke’t kapatid e hindi na kailangang maging maingat sa pakikitungo, “tutal kadugo”. At dahil sa katwirang ito, madalas nasisira ang samahan. Nagkakanta-kanya hanggang tuluyan nang mawalan nang pakialam sa isat isa. Pero sa huli, ang makakahilom ayang pagkakabuklod, hindi lamang dahil kadugo kundi dahil iyon ang mismong kalikasan ng pagiging tao… pagiging kapwa…pagiging kapatid. Ang kwento ng mga Bonifacio ay kwento ng bawat pamilya--nagkakatampuhan, nagkakainggitan, may napapabayaan… may nasasaktan. Pero sa huli, nagkakapatawaran. Nagmamahalan. Ang kwento ay angkop sa lahat ng gulang—lalo para sa mga bata dahil makikita nila ang halaga ng pagiging buo at kahulugan ng pagiging kapatid.