DIRECTOR:
Giselle Andres LEAD CAST: Maymay Entrata, Edward Barber, Kisses Delavin,
Marco Gallo SCREENWRITER: Kristine S. Gabriel, Anj HawPRODUCER: Charo Santos-Concio, Malou Santos PRODUCTION CO: ABS CBN Film Productions, Inc.
SOUNDTRACK: Michael Pangilinan;
Marion Aunor GENRE: Filipino romantic
comedy DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION:
Philippines RUNNING TIME: 2 hours
Technical assessment:
3
Moral assessment:
3
CINEMA rating: V
13 (for Viewers aged 13 and below with parental guidance)
MTRCB Rating: PG
Si
Shine (Maymay Entrata) ay isang mapagbigay at mapagmahal na kapatid at tiyahin
na handang gawin ang lahat para sa kapakanan ng mga mahal niya—maging ang
makiparte sa krimen tulad ng padurukot. Sa insidenteng ito magiging biktima si Luke
(Edward Barber), laking-Amerika at may
dugong Amerikano na first time umuwi
sa Pilipinas. Sa kalagitnaan ng matinding pagsisisi ni Shine sa nagawa nito kay
Luke ay magku-krus ang kanilang landas pagkat nakatira pala ang pamilya ni Luke
sa katapat niyang bahay. Dito malalaman ni Shine na ang perang ninakaw ng
kanilang grupo kay Luke ay pamasahe nito pabalik ng Amerika sapagkat wala siyang
balak magtagal sa bansa; malaki ang galit niya sa kanyang ina (Carmi Martin) at
napauwi lamang siya upang magpa-pirma ng ilang papeles. Dahil naging maliit na
ang mundo nina Shine at Luke, malalaman din ni Luke ang katotohanan—at sa
pagmamakaawa ni Shine, papayag si Luke na bayaran nito ang ninakaw sa kanya sa
pamamagitan ng pagpasok sa lahat ng trabahong ipapagawa ni Luke. Hanggang
kailang magiging alipin si Shine ni Luke? Maging alipin din kaya sila ng
kanilang mga puso sakaling mahulog ang loob nila sa isa’t-isa?
Kung sa
pagpapatawa ang pag-uusapan, naging matagumpay ang Loving in Tandem. Maraming nakakatawa at nakakatuwang eksena na
talaga namang hahagalpak sa tawa ang manonood, May mga ilang iyakan din na nakakaantig ng
damdamin. Ngunit kung kilig ang titingnan—tila yata marami pang kulang.
Bagama’t maituturing nang mahusay ang baguhang tambalang Maymay Entrata at
Edward Barber—nagkulang pa rin ang pelikula sa pagpapalawig ng pagmamahalan ng
dalawang pusong magkaiba ang pinanggalingan at magkaiba sa lahat ng bagay.
Nagkulang sa hagod ang kuwento kung patungkol sa mga karakter nila Shine at
Luke ang pag-uusapan. Tila baga lagi na lang si Shine ang panalo kahit pa gawin
siyang alipin dahil sadyang napaka-guwapo para sa kanya ni Luke. Hindi patas
ang turing at laging may paga-alinlangan—pag-ibig nga ba ito? Masyado ring
maraming sanga-sanga ang kuwento at di malaman kung ano ba talaga ang
pinaka-sentro nito at nais sabihin sa kabuuan.
Maraming mensahe
ang Loving in Tandem patungkol sa
pamilya. Nariyan ang pagpapatawad at pagmamahalang wagas na makikita lamang sa
loob ng pamilya. Nariyan din ang matinding pagsasakrispisyo ng isang kapamilya
alang-alang sa kinabukasan ng mga mahal sa buhay. Angat ang karakter ni Shine
bilang mapagbigay at matiising kapatid at tiyahin—at sumunod ay bilang kaibigan
at nobya. Isang magandang huwaran siya para sa mga kabataan. May aral din ang
pelikula ukol sa pagmamahal sa sarili. Lubos namang nakababahala ang tila
mababaw na pagtanaw nito sa kriminalidad—at ginawa pa sa loob ng isang kilalang
simbahan. Nakababahala na nagbibigay ang pelikula ng imahe na tila walang ginagawang aksiyon ang simbahan man o
awtoridad upang masugpo ang krimen. Iniwan lamang sa ere ang usaping ito na
para bang kaswal na gawain o problema lamang. Ang pagturing sa mga kababayan
nating Pilipina na “panalo” kapag nagustuhan o kinasintahan ng isang banyaga ay
tila nakababahala din…nariyang sabihin ng pabiro—“isang kababayan na naman natin
ang nakaahon sa lusak”—isang birong tila
hindi nakakatuwa. Sana lang ay maging mas sensitibo pa ang mga pelikula sa
ganitong mensahe. Ngunit wagas naman at dalisay ang ipinakitang pagmamahalan ng
dalawang bida at sa bandang huli ay lumutang ang kahalagahan ng pamilya kung
kaya’t maituturing na katanggap-tanggap naman ang Loving in Tandem sa kabuuan—dapat lamang gabayan ang mga batang
manonood at kailangang maging mapanuri sa mga nakatagong mensahe.