DIRECTOR: Randolph
Longjas LEAD CAST: Candy
Pangilinan, Paolo Pingol, Isaac Aguirre, Sara Brakinsiek, Junyka Sigrid
Santarin, Mara Marasigan, Erlinda Villalobos, Acey Aguilar SCREENWRITER: Alpha Jabon GENRE: Family,
Drama LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 97
mins.
Technical assessment:
3.5
Moral assessment:
3
CINEMA rating: V13
MTRCB rating: PG
Bisperas ng
Bagong Taon nang ipanganak ni Nadia (Candy Pangilinan) ang isang sanggol. Punong-puno
siya ng alinlangan—tila hindi saya ang dulot nito sa kanya; tila may mapait na
lihim o nakaraan ang kaakibat ng sanggol. Sa kabila nito, papangalanan niya ang sanggol
sunod sa pangalan ng mga paborito niyang sikat na Hollywood action stars na
sila Van Damme at Sylvester Stallone—Van
Damme Stallone, palayaw, Vanvan (Paolo Pingol). Didilim muli ang mundo ni Nadia nang ma-diagnose si Vanvan
na may Down Syndrome, isang panghabambuhay na karamdaman na nagsasabing hindi
siya katulad ng karaniwang mga bata sa kilos, sa isip, at sa kakayanan, at siya’y
mapag-iiwanan at maaring pang-habambuhay na magiging alagain. Sa kabila ng maraming alinlangan at pagdurusa
sa pagiging solong ina—magpapasya si Nadia na palakihin si Vanvan at ang panganay
niyang anak na si Tano (Isaac Aguirre). Papasok sa eskuwela si Vanvan kasabay
ni Tano—at dito magsisimulang mapukaw ang interes ni Vanvan na maging artista
matapos siyang gumanap sa isang pagtatanghal. Matupad kaya ni Nadia ang pangarap na ito ni Vanvan
na maging “star’?
Tunay na
makabagbag-damdamin ang Star na si Van
Damme. Naging epektibo ang istilo nitong “cinema verite” kung saan parang nanonood
ka ng tunay na buhay, walang drama, walang histerya, pero punong-puno ng
damdamin. Damang-dama at kitang-kita ang sinseridad ng pelikula na ipakita sa
manonood ang buhay ng isang pamilyang namumuhay kasama ang isang may Down
Syndrome. Sayang nga lang at hindi masyadong napagyabong ang relasyon nina
Vanvan at Tano, ngunit sinundan naman nito ang damdamin ng isang ina sa kanyang
anak kung kaya’t maaari nang palagpasin ang gsnitong kakulangan. Napakahusay ni
Pangilinan sa pelikulang ito—marahil lumutang ang kanyang pagganap sapagkat
tulad ni Nadia, may anak din siyang mistulang Vanvan sa tunay na buhay, hindi
nga lang sa eksaktong kalagayan. Mahusay
din si Aguirre at ang mga nagsiganap na Vanvan mula pagkabata hanggang
pagtanda. Magaling ang pagkakasulat at pagkakadirehe ng pelikula; naging
maingat sila sa pagtalakay ng isang napaka-sensitibong paksa. Sa pagpapayabong
ng interes at kaalaman ukol sa isang bagay na hindi madalas nabibigyan ng
pansin tulad ng pagkakaroon ng isang anak na may developmental disability, naging matagumpay ang pelikula.
Sinasabi ng
pelikula na isang biyaya ang pagkakaroon sa pamilya ng isang tulad ni Vanvan—ito
ang nagbibigay saya at sigla sa kanila. Sa kabila ng hirap at pasakit, hindi dapat
itatwa ang mga tulad nila, dahil bagama’t sila’y “naiiba”, tulad pa rin natin
sila na may puso’t damdamin—at mga
pangarap din. Punong-puno sila ng maraming posibilidad na maaaring maging ganap
sa tulong ng pagmamahal. Ito marahil ang pinaka-mensahe ng pelikula—walang
imposible basta’t papairalin ang pagmamahal at sasabayan ng pananampalataya sa
Diyos. Mahalaga ang pagmamahal at malasakit ng isang ina, magulang at buong
kapamilya at mga kaibigan upang lumaking kapaki-pakinabang ang mga tulad ni
Vanvan. Naging positibo ang mensahe ng pelikula patungkol sa pagtanggap sa
kapamilyang may Down Syndrome. Naging maingat din sila sa pagtalakay ng mga
komplikadong sitwasyon ng pamilya—tulad ng pagkakaron ng relasyon sa labas ng
kasal—hindi ito kinunsinte, bagkus ipinakita nito ang maraming suliraning dulot
nito. Nariyan din ang pagpapakita kung paanong malalagpasan ang malabis na hinagpis
at kaguluhan ng isip; dapat ay mag-desisyon at pumanig sa kung ano ang tama at
nararapat ayon sa kagustuhan ng Diyos. Dahil sa ilang mga sensitibong paksa,
minarapat ng CINEMA na ang pelikula ay akma sa mga manonood na may gulang 13
pababa ngunit may gabay ng magulang.