DIRECTOR:
Antoinette Jadaone LEAD CAST: Julia
Barretto, Joshua Garcia PRODUCER: Charo
Santos-Concio, Malou Santos SCREENWRITER:
Antoinette Jadaone CINEMATOGRAPHER:
Herman Claravall PRODUCTION DESIGNER:
Ana Lou Sanchez GENRE: Teen Romance/Comedy/Drama PRODUCTION COMPANY: Star Cinema DISTRIBUTOR: Star Cinema COUNTRY:
Philippines LANGUAGE: Filipino RUNNING TIME: 111 minutes
Technical assessment: 4
Moral assessment: 3
Cinema rating: PG13
MTRCB rating: PG
Hindi
pa rin matanggap ni Mika (Julia Barretto) ang maagang pagkamatay ng kanyang ina
kung kaya’t sa gitna ng matinding kalungkutan, maiisipan niyang maglayas isang gabi at
magmaneho patungong Mt. Milagros—ang lugar kung saan sinasabing may mga
nagpapakitang aliens—para sariwain
ang alaala ng kanyang ina na nagturo sa kanyang maniwala na walang imposible,
maging mga aliens. Makikilala niya sa daan sa isang napaka-alanganing
pagkakataon si Caloy (Joshua Garcia) na tumakas din sa kanyang ina gamit ang
bisikleta para puntahan ang kanyang ama na matagal na silang iniwanan, sa
pag-asang magkaka-ayos sila ngayong siya ay may cancer na at malapit nang mamatay.
Sa pagtatagpong ito, magkakasama sa paglalakbay sina Mika at Caloy.
Unti-unti nilang makikilala ang isa’t-isa at magkakaroon sila ng malalim na
pagkakaibigan na mauuwi sa pag-iibigan. Ngunit magiging madali kaya para sa
kanilang dalawa ang paglalakbay tungo sa gusto nilang patunguhan?
Isang
kaaya-ayang panoorin ang Love You to the
Stars and Back sapagkat hindi ito karaniwang romcom na madalas nang napapanood sa mga sinehan. Hindi ito sumunod
sa anumang pormula, bagkus, pinili nitong maging makasining sa paglalahad ng
isang kung tutuusin ay simpleng kuwento ng dalawang batang naghahanap ng lugar
sa mundo—o nagnanais na takasan ito. Ang naging trato ng pelikula bilang road romantic movie ay sadyang
nakakaaliw, nakakatuwa at nakakakilig panoorin. Idagdag pa dito ang walang
itulak-kabiging husay ng mga nagsiganap lalo na ng dalawang bidang sina Garcia
at Barretto. Natural ang kanilang pag-arte at matapat ang kanilang pagbibigay-buhay
sa kanilang karakter—sumasabay sa katapatan ng pelikula na maghandog ng
naiibang kuwentong pag-ibig na naka-sentro sa malalim na karakterisasyon at
malawak na emosyon. Ang daan at paglalakbay ay naging mahusay na simbolismo ng
mga kabataang naghahanap ng kahulugan sa kanilang buhay. Ang alien, bagama’t isang kakatwang ilusyon
dito, ay simbolo ng paniniwala sa mga bagay na imposible katulad ng milagro.
Ang bundok ay sumasagisag sa mga pangarap na mahirap abutin. Bihira sa isang romcom ang sabay kang pakikiligin,
paiiyakin at pag-iisipin—at nagawa lahat yan ng Love You to the Stars and Back.
Ipinakita
ng pelikula kung paanong ang mga kabataan sa kasalukuyang panahon ay may
kakayahan ding mag-isip at makadama sa pamamaraang malalim at makabuluhan.
Nagsubok ang pelikula na alisin ang karaniwang maskara ng mga millennial na nagtatago sa bagong
teknolohiya ng mga selfie, social media, at kung anu-ano pa.
Napagtagumpayan ng Love You to the Stars
and Back na kaya ng mga kabataan na maging mapag-masid, matapang, at
mapanuri sa kanilang mga sarili at sa paligid na kanilang ginagalawan. Hindi
sila maramot at ipinakita yan ni Caloy na mas uunahin ang kapakanan ng iba bago
ang kanyang sarili—bagay na napagtanto din ni Mika sa bandang dulo. Sinasabi
rin ng pelikula sa maraming pagkakataon kung paano nga ba dapat mabuhay ang
isang tao—at yan ay sa pamamagitan ng pagturing sa bawat araw at oras bilang
huling mga pagkakataon. Ang eksena kung saan kapwa sila tumawag sa mga mahal
nila sa buhay ay patunay na hindi dapat pinagpapabukas ang pagmamahal at ang
pagpapadama nito. Marahil nakakabagabag lang nang kaunti kung paanong ang
dalawang bida ay sumuway sa kanilang mga magulang sa pag-alis nang walang
paalam, maging ang pagpapaubaya ng kanilang buhay sa mga alien na hindi naman nila lubusang nauunawaan—at maging ang panunumbat
ni Caloy sa Diyos sa isang pagkakataon—ngunit ang lahat ng ito naman ay naaayon
sa konteksto ng kuwento at alinsunod sa natural na daloy ng emosyon, lalo na ng
kabataan. Ngunit napanatili ng pelikula na maglarawan ng dalisay na
pagmamahalan ng dalawang batang puso na nag-uugat sa malalim na pagmamalasakit
at pagkakaibigan kung kaya’t kahanga-hanga pa rin ang pelikula sa kabuuan.