DIRECTOR: Charliebebs Gohetia LEAD CAST: Joross
Gamboa, Prince Stefan, Ae Pattawan & CJ Reyes SCREENWRITER:
Charliebebs Gohetia PRODUCER: Armi Cacanindin EDITOR: Leo Valencia MUSICAL DIRECTOR: Gauss Obenza GENRE: Drama/Romance CINEMATOGRAPHER: Albert Nanzon
LOCATION: Thailand, Cambodia RUNNING
TIME: 108 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: R16
Sama-sama sa
iisang apartment sina Paul (Joross Gamboa), ang best friend niyang si Ivan (CJ
Reyes), at ng boyfriend ni Ivan na si Red (Prince Stefan). Pare-pareho silang may “sexual preference”—gusto
nilang “kasiping” ay kapwa lalaki. May
lihim na pagtingin si Paul kay Red, kaya sa kasawiang palad, lalayo ni Paul na
sa simula pa ay batid na nating may pagkatorpe at naghahanap ng direksyon sa
buhay. Pupunta siya sa Siem Reap (sa Cambodia),
at di kalaunan ay makikilala naman niya si Tang, isa ring bakla na iibig kay
Paul. Bigla namang iiwanan ni Ivan si
Red nang walang dahilan, at sa bandang huli ay lalapit si Red kay Paul, umaasa
na naghihintay pa rin sa kanya ito. Mahahati ang puso ni Paul: sasama ba siya kay
Red, o susuklian niya ang pag-ibig ni Tang?
Hindi tulad ng mga
indie movies tungkol sa mga bakla
noong mga nakaraang taon, na nakasentro sa sex-life
ng mga naturang lalaki (at hitik sa mga eksena ng hantarang pagsisiping nila),
iilan lamang ang mga eksenang nagpapakita ng physical intimacy sa I Love
You, Thank You. Sayang ang
magagandang lokasyon na itinatampok sa pelikula (tulad ng Angkor Wat sa Cambodia)—dahil
sa dilim ng pelikula ay hindi lumitaw ang ganda nito. Marami ding binibigkas na makahulugang mga
salita ang mga tauhan, pero pilit ang dating dahil masyado itong “literary”,
mas magandang basahin kaysa marinig—hindi tayo ganitong magsalita sa tunay na
buhay, kahit pa tayo mga makata at manunulat.
Salat din sa lalim ng characterization
ang pelikula—hindi naging makatotohanan ang mga tauhan dahil pawang nakatutok
lamang ang kanilang pagkatao sa lungkot ng kanilang unrequited love; maraming mga linya na kulang sa “hugot” at mistulang
namumutawi lamang sa mga labi ng “talking heads”. Maging ang mabubuting payo ng nag-iisang
babae (amo ni Paul na wedding coordinator)
ay nagkatunog na “preachy” pagkat kulang sa background
ang character na dapat sana’y
nagbigay sa kanya ng karapatang “pumapel” sa buhay ni Paul.
Nagsumikap ang I
Love You, Thank You na ituon ang pansin ng manonood sa masaklap na love life ng mga umiibig sa
kapwa-lalaki. Sa kabila ng mga papuri ng
ilan na “universal” ang damdaming pinupukaw ng pelikula, hindi ito ganap na
totoo—maaaring “universal” sa daigdig ng mga may same sex attraction, pero hindi sa buong sangsinukob. Ang aalog-alog na laman ng sinehan—nang manood
ang CINEMA, walo lamang kami, dalawang babae at anim na lalaki (gay?)—ay patunay
na hindi universal ang appeal ng I Love You, Thank You—ang makaka-relate lamang dito ay yaong mga nasa situasyong tulad nila Paul,
Tang, Red, at Ivan. Bilang pahuling
salita mula CINEMA: sa lahat sa kanilang apat, si Tang lamang ang lumalabas na
may kakayahang magmahal nang wagas—ang tatlo ay umiibig mula sa kani-kaniyang
mga kakulangan na umaasa silang mapupunuan ng pag-ibig, pero si Tang ay may
karanasan na sa pagpapakasakit, pagbibigay, at paglilingkod—ang pagmamahal at pag-aaruga
niya sa kanyang lolo.
Gawa ng tema ng pelikula at ilang mga eksenang hindi karapat-dapat na tanggapin bilang normal ng mga mananampalataya, hindi makabubuting panoorin ito ng may mga murang isipan.
Gawa ng tema ng pelikula at ilang mga eksenang hindi karapat-dapat na tanggapin bilang normal ng mga mananampalataya, hindi makabubuting panoorin ito ng may mga murang isipan.