Friday, June 14, 2019

Sons of Nanay Sabel


Technical assessment: 1.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: PG13
MTRCB rating: PG      

Ang pagpapakasal (sana) sa isang prinsipe ang mag-aahon kay Sabel (Ai-Ai Delas Alas) mula sa kahirapan, ngunit mauudlot ang lahat dahil matutuklasan ng prinsipe na inabandona ni Sabel ang kanyang anim na anak sa isang bahay-ampunan. Mula sa pagkakapahiya sa pag-iwan sa kanya ng prinsipe sa gitna ng simabahan sa mismong araw ng kanilang kasal, nagdesisyon is Sabel na balikan ang madre sa kumbento na pinag-iwanan niya ng kanyang anim na anak. Mula sa mga addresses na iniwan ni Sister Maria, isa-isa niyang kinuha at binawi ang kanyang mga anak mula sa mga pamilyang umampon sa mga ito. Sa ganito  magsisimula ang kwento ni Sabel bilang ina—sa pagbawi sa mga nakalipas na panahon na nawala siya sa piling ng mga anak. Hindi lamang siya kundi pati ang anim na magkakapatid ay ngayon pa lang magkakakilala at magkakasama matapos ang mahabang panahon. Maging matiwasay kaya ang kanilang pagsasama-sama?
Palasak ang tema at halos walang ipinakitang bago ang pelikula. Matatandaang sumikat si Delas Alas sa kanyang pelikulang Tanging Ina  kung saan mayroon siyang maraming anak mula sa iba’t-ibang ama. Halos ganun din ang takbo ng kuwento ng S.O.N.S. (Sons of Nanay Sabel). Parehong kuwento sa parehong karakterisasyon—isang ulirang ina na maraming pinasok na trabaho mapakain lamang ang maraming anak. Marahil kung may bago sa pelikula, ito ay ang musika ng grupong Ex-Batallion na kung saan si Delas Alas ang kanilang manager. Lumalabas tuloy na pawang pinilit  gawin ang pelikula upang magkaron ng exposure ang grupong ito. Bagama’t nagbigay ng bagong timpla ang kanilang musika sa pelikula, hindi pa rin ito naging sapat para masabing isang magandang karanasan ang panoorin ito. Sa kabuuan, nakakabagot ang pagiging luma ng konsepto ng pelikula. Nasayang ang talento ng mga nagsiganap maging ang ilang mga talaga namang nakakatawang eksena.
Malakas ang mensahe ng pelikula patungkol sa pagmamahalan ng isang pamilya sa pamumuno ng isang ina. Ngunit sadyang hindi lang matapat ang pelikula sa kabuuan sa tema at mensaheng nais nitong iparating. Maraming tanong ang naghahanap pa rin ng kasagutan tulad ng: Bakit sa iba’t-ibang lalaki nagkaanak si Sabel? At bakit hindi na niya nabalikan ang mga anak kahit pa makikitang kaya naman niyang igapang ang pagpapalaki sa mga ito? At isang araw dahil lamang sa siya ay napahiya, babalikan niya silang lahat ng walang pakundangan sa damdamin ng mga taong kumukupkop na sa mga ito? Ganun-ganun na lang ba talaga yun? Iiwan ang mga bata pagkatapos ay babalikan kung kelan gusto? Taliwas at lihis sa tamang hakbang ng pagbuo ng pamilya ang landasing tinahak ni Sabel. Malinaw na ito ay di katanggap-tanggap at parating nauuwi sa masalimuot na kinakahinatnan ng mga kabataang namumulat sa ganitong uri ng pamilya. Bumawi naman ang pelikula sa bandang huli kung saan naghari ang pagmamalan ng mag-iina at magkakapatid. May pagsisi at pagpapatawad sa mga kamalian ng nakaraan. Yun nga lang, kung itatama sana ang mali, sana’y itama ito nang tama at hindi sa padalos-dalos na paraan.—RPJ
DIRECTOR: Dado Lomibao
STARRING: Ai-Ai Delas Alas, Mark Maglasang, John Maren Mangabang, Flow G, Jon Gutierrez, James Samonte, Scusta Clee, Jon Santos, Nova Villa, Kylie Versoza
SCREENPLAY BY: Mel Mendoza Del Rosario
PRODUCERS: Viva Films
GENRE: Comedy
MUSIC BY:  Vincent De Jesus
EDITED BY: Tara Illenberger
CINEMATOGRAPHY: Rain Yamson
COUNTRY: Philippines
LANGUAGE: Filipino            
RUNNING TIME: 1 hour 48 minutes