DIRECTOR: Matthew Rosen
LEAD CAST: Raymond Bagatsing, Rachel Alejandro
SCREENWRITER: Janice Perez, Dean Rosen
PRODUCER: Carlo Katigbak, Olivia Lamasan, Lorena Rosen, Linggit Tan
MUSICAL DIRECTOR: Dean Rosen
GENRE: Historical Drama
CINEMATOGRAPHER: Dean Rosen
DISTRIBUTOR: Star Cinema
LOCATION: Philippines
RUNNING TIME: 125 minutes
Technical assessment: 4
Moral
assessment: 4
CINEMA rating: V14
Sa ilalim ng
direksiyon ni Matthew Rosen (isang Hudyo mula sa Ingglatera), naisalarawang
mabuti ni Bagatsing ang pagiging makabayan at makatao ni Quezon. Anupa’t minsan nga ay maiisip mong ang imahe
sa sinehan ay totoong si Quezon, buhay at gumagalaw ang isang retratong dati’y
nakikita mo lamang sa beinte-pesos na papel na araw-araw ay ibinabayad mo sa
palengke at sa dyip. May damdamin din
ang pagganap ng mga supporting actors
na sila Audie Gemora (bilang Sergio Osemna), Rachel Alejandro (bilang Gng.
Aurora Quezon), Paul Holme (bilang Consul Cartwright), James Paolelli (bilang
Paul Mcutt), Billy Rey Gallion (bilang Alex Frieder), at Tony Ahn (bilang
Herbert Frieder). Kaiga-igaya ang cinematography—marunong “makiramdam” para
sa mga closeups ang kamera, at
nabihag din nito ang ganda ng kapaligiran.
Hindi naman masisi ang kamerista kung lumabas na isang napakakinis na tourist resort ang Maynila noong mga
panahong iyon—ito’y dahil sa talagang sa isang high end resort kinunan ang pelikula, sa Las Casas Filipinas de Acuzar, sa Bataan. Sa production
budget na US$500, hindi na marahil kayang lumikha pa ng higit na
makatotohanang mga sets; sa
kabutihang palad, hindi hinihingi ng salaysay ang mga eksena sa mga kalye ng
Maynila.
Bukod sa
kabayanihang ipinamalas ni Quezon sa pagsagip sa sampung-libong mga Hudyo (na
nag-uugat marahil sa likas na pagka-maaruga ng mga Pilipino), ipinakita din ng
pelikula na higit pang matayog ang adhikain ng pangulo—ang buwagin ang mga di makatarungang
gawi na humahati sa sangkatauhan at yumuyurak sa pagkatao ng mga Pilipino. Nagngangalit na ipinamumukha ni Quezon sa
kapwa Pilipino na ang isang Pilipinong nasa Amerika, kahit mataas ang kanyang
katungkulan, ay hindi maaaring gumamit ng palikurang para sa mga puti
lamang. May bukod na palikurang
nakatalaga para sa mga “may kulay”—hindi man “itim” ang Pilipino, hindi rin
siya “puti”. Iminumulat din niya ang
mata ng mga kababayan sa katotohanang sila ay inaapi sa sarili nilang bayan:
“Sa Army and Navy Club, may karatula, ‘Bawal
papasukin ang mga aso at mga Piilipino.’” Lubhang napapanahon ang mensahe ng Quezon’s Game sa kasalukuyan kung
kailan dapat higit na pahalagahan ng liderato ang buhay ng tao at ang
pagka-Pilipino ng mga Pilipino. Isang
munting paalala mula sa CINEMA: Mapapansin sa pelikula na kahit masasal na ang
kanyang pag-ubo gawa ng tuberkulosis, kahit umuubo na ang pangulo ng dugo,
patuloy pa rin siya sa paghitit ng tabako.
Sapagka’t siya’y tao lamang? Tularan
natin ang kanyang kagitingan, matuto tayo sa kanyang kahinaan.—TRT