Moral assessment: 3.5
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: R13
Sunud-sunod ang malagim na pagkamatay ng mga taong may kaugnayan kay Clarita (Jodi Sta.
Maria), na kasalukuyang nakakulong sa Manila city
jail. Hirap nang magpaliwanag sa media si Mayor Arsenio Lacson (Noni Buencamino). Ayaw kasi niyang dalhin sa usaping sinasapian ng demonyo si Clarita. Kasi nga naman, taliwas ito sa rasyonal na paniniwala. Pero sa huli, nakumbinsi na rin siya. Pinakiusapan ni Mayor si Father Salvador (Ricky
Davao) at Father Benedicto (Arron Villaflor) na palayasin ang masamang espiritu mula kay Clarita sa pamamagitan ng eksorsismo. Napapayag naman ng reporter na si Emilia (Alyssa Muhlach) ang dalawang pari na siya na ang mag- dokumento sa gagawing eksorsimo kasabay nag pagsusulat niya tungkol sa kaso ni Clarita.
Ang galing ng pagganap ni Sta.
Maria. Kahit balot ng prosthetic makeup ang mukha, litaw pa rin ang pag-arte
niya. Si Buencamino na sa unang parte lang ng istorya lumabas ay astang mayor
talaga at komportable sa kanyang karakter. Puede pang pagandahin ang script at
palalimin ang karakter nina Davao at Villaflor, para sana’y hindi lahat ng
nasasaloob nila ay kailangang isa-isahing sabihin. Siguro kasi ay nagsimula
agad sa eksorsimo ang pelikula, hindi napaigting ang suspense, kaya kulang sa
sindak at simpatya sa mga karakter. Para palabasing mukhang luma ang mga
eksena--dekada singkwenta nangyari ang kababalaghan na base sa tunay na
buhay—ginamitan ng madilaw na ilaw at vignette effect ang pelikula. Minsan, biglang magliliwanag at magmumukhang bago ang paligid, kaya nakakalito. Di rin masyadong napagtuunan ng pansin ang bawat eksena kaya parang sinalansan lang ang mga ito. Ang ganda pa naman ng istorya
ng dalawang pari at ni Emilia, na may kanya-kanyang dahilan kung bakit
pursigidong matulungan si Clarita. Gayunpaman, saludo kami sa production
setup, at lalo na sa prosthetic makeup at mga special
effects sa tuwing sasaniban si Clarita. Ang layo na ng narating ng
pelikulang Pilipino sa aspetong ito. Proud to be Filipino tayo.
Lumabas kami sa sinehang may malinaw na aral na nakuha sa pelikula. Una, Diyos at Siya Lamang ang makakagupo sa demonyo, hindi ang
paring si Salvador na tiningnang pagsubok sa kanyang kakayanan sa eksorsismo ang kaso ni Clarita. Pangalawa, sinasamantala ng demonyo ang ating kahinaan, lalo na kapag bumibitaw tayo sa ating pananalig at kapit sa Diyos na siyang sandata natin laban sa kasamaan. At ang pinakamagandang aral ay nanggaling mismo kay Clarita, na itinaboy ng kanyang mga kababaryo at nag-iisang tumangis sa pagkamatay ng kanyang ina. Nang sabihin ni Emilia sa kanya na “di ka namin iiwan at lalaban tayo”, sumagot si Clarita: “Ngayon ko lang nadinig ang ‘tayo’.” Nakakayanig. Sa sinabing iyon ni Clarita nakapaloob ang ating papel sa mundo: ang ipadama sa ating kapwa na sila ay bahagi ng isang malawak na sambayanan, at ang pamilyang ito—hindi ang kasamaan—ang siyang gagabay at aagapay sa kanila. Hindi pagtataboy kundi pagyakap.--MOE
Director: Derick Cabrido
Lead Cast: Jodi Sta Maria, Ricky Davao, Aaron Villaflor,
Alyssa Muhlach Screenwriter: Derick Cabrido
Producer: Black Sheep Productions Genre: Horror Distributor: Star
Cinema Location: Philippines Running Time: 1hr 25min