Saturday, June 1, 2019

Between Maybes


DIRECTOR:  Jason Paul Laxamana  LEAD CAST:  Gerald Anderson, Julia Barreto  SCREENWRITER: Jason Paul Laxamana  PRODUCER:  Olivia Lamasan. Carlo L. Katigbak  EDITOR:  Mai Clapardo  MUSICAL DIRECTOR:   Paulo Protacio  GENRE: Romance Drama  CINEMATOGRAPHER:  Carlos Mauricio  DISTRIBUTOR:  Black Sheep Productions  LOCATION:  Japan, Philippines  RUNNING TIME:    107 minutes

Technical assessment:  3.5

Moral assessment:  3
CINEMA rating:  V 14


Rinding-rindi na ang dating child actor na si Hazel Ilagan (Julia Barreto) kapuputak ng kanyang ina gawa ng katamaran niyang mag-audition para makakuha ng papel sa pelikula.  Feeling niya ay itinutulak lamang siya ng kanyang inang stage mother (Yayo Aguila) para magpatuloy ang kanilang maginhawang lifestyle noong siya ay tanyag na batang artista at kumikita ng malaking salapi.  Sa kagustuhan niyang tumakas sa situasyon, naglayas siya at tumungo sa Japan, sa isang di-kilalang bayan—Saga—para matahimik at walang makakilala sa kanya.  Magkukrus ang landas nila ni Louie Puyat (Gerald Anderson), isang special case immigrant ay mag-isang namumuhay nang matahimik bilang empleyado sa isang restaurant.  Bagama’t sa simula ay may inis sa pagitan ng dalawa, unti unti silang magkakalapit hanggang humantong sa kagustuhan ni Hazel na manatili na lang sa Japan kasama ni Louie.
Bagama’t hindi maikakailang kathang isip lamang ang romansang Between Maybes gawa ng labis na makinis na pagtitiyap ng mga pagkakataon, buong husay na ginampanan ng dalawang millennial actors ang kani-kaniyang papel.  Naging malaking pang-akit ang Japan bilang setting ng pelikula, ngunit sa halip na gamitin lamang ang lugar “para maiba naman”, magaling na naihabi ng direktor sa daloy ng kuwento ang ilang bagay sa kultura ng mga Hapon, tulad ng payak at mapayapang pang-araw-araw na pamumuhay, at ng mapagpitagang paghahanda ni Louie ng tsaa.  Kapuri-puri din na—dahil sa matalinong paghubog ng karakter ng mga tauhan—napaikot ni Laxamana ang kuwento mula sa simulang tila ubod ng kababawan hanggang sa pagtatapos nito na nagpapakita ng kahinugan ng isip sa pagpapasiya.
Hindi lamang isang drama ng romansa ang Between Maybes: may pahatid itong mensahe para sa pamilyang Pilipino tungkol sa maaaring kahinatnan ng mga batang pinatitigil sa pag-aaral dahil higit na mapapakinabangan bilang artista.  Naging ehemplo si Hazel para sa mga magulang na nagsasamantala sa tagumpay ng anak upang masunod ang pansariling luho: hanggang Grade 4 lamang ang narating ni Hazel, at dahil sa maagang tagumpay at kabulagan ng mga magulang ay naging isa siyang tipikal na spoiled brat, mapagmataas, walang modo, at nahirati sa pagsamba ng mga tagahanga.  Nang mag-isa siya sa Japan, naroon pa rin ang mala-prinsesa niyang attitude: akala niya’y puwede niyang utusan kahit sino; sa laki ng kanyang ulo, hindi siya makapaniwalang hindi siya kilala ni Louie, walang recall sa binata ang kanyang mga commercials bilang isang child actor.  Sa kabilang banda, naroon si Louie, may lungkot ang pagkabata, ngunit kontento at nabubuhay sa sipag at tiyaga: magalang, mapagbigay, at tumutulong nang walang pagsasamantala.  Hindi marahil pakay ng Between Maybes, pero naipakita nito na kailangan nating higit pang pahalagahan ang pagkabata ng ating mga anak—pagkat sila ay mga kaloob sa atin ng Lumikha –TRT