DIRECTOR: Anthony Hernandez LEAD CAST:
Aiko Melendez, Anita Linda, Jao Mapa & Joyce Peña PRODUCER:
Rea Flores EDITOR: Mark Jazon
Sucgang MUSICAL DIRECTOR: Alfredo
Ongleo GENRE: Drama CINEMATOGRAPHER: Arvin Viola
DISTRIBUTOR: Golden Tiger Films LOCATION:
Philippines RUNNING TIME: 112 minutes
Technical assessment: 2
Moral assessment: 4
CINEMA rating: PG13
MTRCB rating: GP
Ito’y tatlong kuwento
ng mga bayani ng bagong henerasyon. Una, si Gener (Jao Mapa), isang may-ari ng junkshop na nangangalap ng mga lumang
aklat para turuan ang mga batang walang kakayanang pumasok sa paaralan sa
kanilang lugar bunga ng kahirapan at maagang pagsabak sa paghahanapbuhay. Pangalawa, si Lolita (Joyce Penas), isang
gurong balo na gagawin ang lahat para maitaguyod ang dalawang anak kung saan ang
isa rito ay may cerebral palsy.
Pinagsasabay ni Lolita ang pagtuturo at pagtitinda ng kung anu-anong bagay at
pagkain sa kanyang mga kapwa guro. Pangatlo naman si Cora (Aiko Melendez) na
isang OFW sa Korea at nagtuturo ng English sa mga Koreano. Lingid sa kanyang
kaalaman, napapariwara na ang kanyang panganay na anak na lalaki pati na rin
ang kanyang asawa.
Malaki ang problema ng New Generation Heroes kung paglalalahad
ng interesanteng kuwento ang pag-uusapan. Nariyan ang laylay na editing na lubos na nakababad sa mga
eksenang walang katuturan sa kuwento. Kulang na kulang sa sukat ang mga eksena na
karamihan ay mahahaba at walang tamang hagod. Hindi rin agad makita kung ano
ang dapat sundan sa kuwento—walang problemang dapat pag-tuunan ng pansin,
walang malinaw na layunin ang mga bida, at wala ring matatawag na totoong
kuwento ang pelikula. Malabis ang
pagkukulang ng direktor at manunulat sa aspetong “kuwento”. Ang mga karakter na
binuo ay hindi gaanong hinubog at pinagtuunan ng pansin. Sa pagdudumali ng pelikula
sa pagsusubo ng nais nitong iparating na mensahe, nalimutan nitong alalahanin
kung magkakaroon ba ng pakialam ang manonood o kung may manonood ba hanggang
dulo. Malinis ang kuha ng kamera at
maayos ang tunog ngunit ang musika ay tila naging malabis sa pagdidikta ng
emosyon sa manonood sa halip na pang-tulong lamang sa pagpapalawig ng tamang
timpla ng mga eksena. Maging ang mga
nagsiganap ay tila asiwa sa kanilang mga linya at eksena. Marahil mas nakabuti
pa kung naging dokumentaryo ang naging estilo ng pelikula upang naging mas
makatotohanan. Sa kabuuan ay isang malaking kasayangan ang pelikula lalo pa’t
marami sana itong makabuluhang isyu at tema na nais talakayin.
Pagdating sa mensahe,
kita naman na busilak ang pelikula sa paglalahad ng kabutihan ng mga guro—m ang
kanilang mga sakrispisyo—maitawid lamang
ang isang klase at makapag-hubog ng mga kabataan. Isa sa madalas makalimutan ng
mga guro ay kanilang mga sarili—hindi na sila nakakapag-asawa sa sobrang pagka-abala
sa mga estudyante. Nariyan din ang pagsakripisyo ng sariling pamilya tulad ni
Cora. Si Gener naman, sadyang kinalimutan na ang sariling ambisyon alang-alang
sa mga batang lansangan. Si Lolita nama’y nanatiling malakas at matatag sa
gitna ng kanyang mga pagsubok dahil sa mga anak. Nariyan din ang pagpapatawad
at pagtanggap sa bawat ka-pamilya anuman ang mga naging kasalanan at kahinaan
ng mga ito. Kahanga-hanga ang pelikula sa katapangan nitong magpakita naman ng
kabutihan at lahat ng mabubuti sa gitna ng maraming kasamaan na nangyayari sa
lipunan. Dalisay ang layunin ng pelikula, walang duda, lalo na kung patungkol
sa kahalagahan ng edukasyon at pamilya ang pag-uusapan. kung kaya’t minamarapat
ng CINEMA na gawaran ito ng PG 13 rating—kinakailangan lang gabayan ng magulang
ang mga bata dahil sa ilang isyung pinag-usapan tulad ng droga, krimen. at
maging sekswalidad.