DIRECTOR: Dennis
Padilla LEAD CAST: Empoy Marquez, Shy Carlos, Wilma Doesn’t, Ronnie
Lazaro PRODUCER: Vic del Rosario, Arlyn
dela Cruz-Bernal GENRE: Romance
comedy/action RUNNING TIME: 76 minutes
Technical assessment: 2
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14
MTCRB: PG
Maganda at mabait
na, mayaman pa. Ano pa ang hahanapin ng
probinsiyanong si Coco (Empoy Marquez) sa isang sinisinta, si Bella (Shy Carlos). Nasa kanya nang lahat, kaya lang strict si papa (Ronnie Lazaro), ilalayo
si Bella. Hindi maglalaon,
makikipagsapalaran sa Maynila si Coco, maghahanap ng trabaho, at para hanapin
si Bella. Pipisan muna si Coco sa pinsan
niyang si Gorio, at makakakita ng trabaho bilang isang “barker”—tagatawag ng
pasahero sa pilahan ng dyip. Aatake ang
budol-budol gang, mangloloob ng bahay, at sa paghahabulan ng mga pulis at mga kriminal,
iiitsa at maiiwan ang isang bag na puno ng salaping ninakaw sa dyip na
minamaneho ni Gorio. Lingid sa kaalaman
ng magpinsan, hahantingin ng sindikato ng mga kawatan ang dyip na iniwanan nila
ng bag. Maghahalo ang balat sa
tinalupan, at dito magkakatagpong muli si Coco at si Bella.
Pagkatapos “makilala”
ng CINEMA si Marquez sa Kita Kita, nasabik
kaming makita kung anong putahe naman kaya ang ihahain niya sa The Barker. Tila limang minuto pa lang kaming nanonood ay
nayamot na kami, pero tiniis namin hanggang matapos, sa pag-asang baka may
maganda namang sorpresang naghihintay sa bandang dulo. Wala, wala, at wala. Hindi madaling isa-isahin ang mga kapalpakan
ng pelikula, dahil sa dami—ang sabog na kuwento, ang makupad na daloy nito, ang
komedyang hindi nakakatawa, ang romansang matabang, ang sobra-sobrang halikan
na walang kapararakan—pero ang “pinaka” ay ang nakakasawang pagtitig ng kamera
sa mga paandar ng mukha ni Marquez. Ito
ang ugat ng kabiguan ng pelikula—ang pamumuhunan sa tagumpay ni Marquez sa Kita Kita. Dahil pumatok sa takilya, inulit. Parang pagtitinda ng hot pandesal—dahil naging
mabili nang unang ilabas, binaha ang palengke ng hot pandesal, hanggang sa
nalimutan nang ang unang benta ay pumatok dahil may masarap itong palaman—corned beef!—samantalang ang palaman
nitong sumunod ay Star margarine at
asukal lamang, o gatas kondensada, o latik—matamis pero nakakaumay. Buong buo at makahulugan ang kuwento ng Kita Kita; sa The Barker, pilit, parang inimbento na lang para makagawa ng
pagkakakitaang pelikula. Kungdi sana
sinobrahan ang pagpapatawa, na corny naman, baka umangat ito nang konti, at
siryosohin ng manonood. Sa halip na
hamunin si Marquez na higitan ang pagganap niya sa Kita Kita, kinopya lang ito.
Minsan nga, mukhang pinulot lang sa mga retaso ng Kita Kita ang ilang eksena.
Ang mga pakyut at pakyeme ni Coco pag kaharap si Bella ay walang
pinag-iba sa ginawa ni Marquez sa Kita
Kita, pati na ang close up na
paghigop ng mami noodles—siyang siya,
iba nga lang ang babaeng kaharap. At
kailangan bang i-close up pa ang ngala-ngala,
kampanilya, at tonsils ni Marquez para ipakita sa manonood na ang puhunan ng “barker”
ay ang kanyang makapangyarihang bunganga?
Hay, ‘nako!
Meron isang mahalagang
bagay ang dapat sana’y lumutang sa istorya ng The Barker—ang katapatan at prinsipyo ni Coco na huwag galawin at
bagkus ay isauli ang natagpuang salapi sa may ari nito, pero napawalang saysay
ito nang bumigay si Coco dala ng awa sa batang magbe-bertdey nang walang perang
ipangpa-party. Di ba’t pareho lang ito
ng di katanggap-tanggap na ugali ng mga Pinoy (sa probinsya), na mangungutang, magsasanla
ng bahay, o magbebenta ng kalabaw para lang may ihanda sa piyesta? Gusto lang siguro ng pelikula ay masaya, hapi
lahat, tutal, talo din naman ang mga bad
people sa katapusan. Pero hindi yon
sapat; sa kabila ng lahat, wala pa kaming natanong na manonood na hindi
nagsabing “nadaya” sila ng The Barker. Sa habang isang oras at 16 na minuto, pwede naman
itong tabasan na lang at gawing kalahating oras na komedya sa telebisyon—bakit gagasta
ka pa ng mahigit 200 piso para “madaya” ka lang? Mas sulit pang panoorin ang The Foreigner (Jackie Chan) o Bad Genius (pelikula mula sa Thailand).