Direction: Joyce Bernal; Lead Cast: Piolo Pascual, Toni Gonzaga; Story/Screenplay; Bella Padilla; Editing: Marya Ignacio; Cinematography:
Boy YƱiguez; Producer: Neil Arce; Location: Manila; Genre:
Romantic Comedy; Distributor: Star Cinema
Technical
assessment: 2.5
Moral
assessment: 3
CINEMA
rating: V14
Wala nang makitang dahilan si Mark
(Pascual) para mabuhay. Napalayas siya sa kanyang bahay, hiniwalayan ng asawa, idinemenda
ng mga kaibigan dahil sa perang nadispalko ng kanyang nanay na ngayon ay hindi
na niya mahanap. Nang tatalon na sana si Mark sa Jones Bridge ay siya namang
sisigaw at hihingi ng tulong si Carmina (Gonzaga) mula sa pagkakasabit sa gilid
ng tulay. Ililigtas siya ni Mark at sandaling maantala ang pagpapakamatay ng
dalawa. Magkakasundo sila na sabay magpapakamatay na mauuwi pagkahulog nila sa
isa’t isa. Kaya lamang, nang magdesisyon na si Mark na huwag nang ituloy ang
pagpapakamatay upang mabuo ang relasyon nila ay mawawala naman si Carmina. Sa
gitna nang paghahanap, matutuklasan ni Mark ang katauhan ni Carmina na maaring
tuluyang dumurog sa kanyang pagkatao.
Sa simula ay simpleng “romcom” ang
takbo ng naratibo sa nakasanayang magaslaw na komedya ni Gonzaga at mapagnilay
na atake ni Pascual. Pormula. Mabenta. Nahuhulaan na ang wakas. Tama? Mali—dahil
sa isang iglap, biglang-biglang babalikwas ang salaysayin. Ramdam na ramdam
namin ang pagtahimik ng mga kinikilig na manunuod sa sinehan nang magkahugis ang kwento sa likod ng katauhan ni Carmina.
Masasabi namang malinis ang pagkakagawa at mahigpit ang pagkakahabi. Dahil sa
loob ng ilang minutong si Gonzaga at Pascual lamang ang sinusundan ay hindi
naman naging kabagot-bagot ang panunuod. Kung minsan nga lamang ay nakakasuya
ang kagaslawan ni Gonzaga dahil medyo hindi na kapani-paniwala. May kaguluhan
din ang punto de bistang pinili ni Bernal. Sa isang banda, mas tama sanang kay
Mark lamang ito dahil siya lamang dapat ang nakakikita kay Carmina. Pero sa
kagustuhang ibenta ang pelikula bilang romcom ay ginawang punto de bista ng
manunuod na hindi na naging lohikal nang mabuo ang istorya. Ang pinakamalaking
problema ng pelikula ay ang kawalan ng kakayahang tuldukan ang mga pangyayari.
Kuha na, pinipilit pa. Naging kalabisan ang mga huling eksena matapos malinawan
ang pakay ng Carmina. Sa halip na mahulog ang loob mo at madama ang sakit ng
paghihiwalay ay gustong-gusto mo nang matapos ang iyakan nilang dalawa. Nauwi
rin sa pormula. Sayang, naging mababaw tuloy ang kabuuan nito.
Ang pagkitil sa buhay ay hindi
katanggap-tanggap na alternatibo. Una, napakahina ng pagkatao mo na hindi mo
kayang lagpasan ang kasalukuyang dagok o sakit upang makita ang pag-asa ng
bukas. Ikalawa, napakamakasarili mo dahil nalulugmok ka lamang sa sariling
sakit nang walang pagtimbang sa masasaktan mo. Ikatlo, napakahina ng
pananampalataya mo dahil nakalimutan mong hindi ka naman binibitawan ng Diyos.
Sa simula ay tila ginawang
katatawanan ang pagkitil sa buhay pero kung susuriin, sinagot ng pelikula ang
tatlong isyung nabanggit. Ipinakita na kung papaanong ang kakayahang tanawin
ang sinag ng pag-asa sa hinaharap ay magbibigay liwanag kahit gaano man kadilim
ang pinagdaraanan. Nang sa bingit ng pagpapakamatay ay tulungan ni Mark ang
matandang hinimatay, gumaan ang kanyang kalooban at nakita ang halaga ng
sarili. Nang pinili ni Mark na patawarin
ang sarili, nakapaglingkod muli siya sa mga bata at nagkaroon ng determinasyong
hanapin ang ina. Ipinakita rin ni Carmina ang hapding idinudulot ng mga luha ng
mga naulila ng mga nagpatiwakal. Ang pagpigil (ni Carmina) sa mga nais
magpakamatay bilang pagtubos sa sarili ay pagkilala sa kamalian niya. Kapwa rin
nila sinabi na para magkita sila sa langit ay kailangang pagsumikapang
magkaroon ng mabuting buhay. Maraming aral ang pwedeng mapulot mula sa kwento,
kaya nga lamang ay pinilit itong ihain bilang isang ordinaryong kwento ng
pag-ibig.