DIRECTOR: Joel Lamangan CAST: Ai Ai delas Alas, Carmi Martin, Beauty Gonzales, Ms. Zsa Zsa Padilla, Nikko Natividad, Jon Lucas, Wilbert Ross, Emilio Garcia, Sanch Vito Delas Alas, Alan
Paule, Mark Joseph Tam, Heaven Peralejo
WRITTEN BY: Ricky Lee, Alpha Habon, Rod Marmol EXECUTIVE
PRODUCERS: Patrick Neil F. Meneses, Ladylyne de
Guzman-Ilao GENRE: Comedy
EDITED BY: Vanessa Ubas de Leon DIRECTOR OF
PHOTOGRPHY: Miguel Cruz MUSIC: Emerzon Texon PRODUCTION DESIGN: Cyrus Khan PRODUCTION
COMPANY: CINEKO Production Inc. DISTRIBUTED BY: Regal Entertainment, Inc. COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Pilipino RUNNING TIME: 105 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: R13
Matalik na magkakaibigan sina
Charla (AiAi delas Alas), Mabel (ZsaZsa Padilla), Tisay (Carmi Martin) at
Sophie (Beauty Gonzales). Batid ng bawat isa ang kani-kanilang
pinagdadaanan at gayun na lamang ang suporta na ipinakikita nila sa isa’t isa
kung kinakailangan. Mag-isang itinataguyod ni Charla ang anak na si Benjie habang umaasang
babalikan sila ng ama nito sa kabila ng matagal na panahon mula nang iwan sila.
Martir na asawa naman si Mabel at sinisikap na manatiling buo ang pamilya sa
kabila ng pangangaliwa ng asawa. Si
Tisay naman ay isa sa mga kabit ng police
general na naghahangad mabuntis upang di sya iwan nito. Si Sophie naman ay
pamangkin ni Tisay at di hamak na mas bata sa kanilang tatlo. Hilig ni Sophie
ang sumali sa mga beauty contest na
lagi naman siyang natatalo dahil sa magaspang niyang pananalita at
personalidad.
Maayos ang daloy ng kwento
ng Bes and the Beshies.
Madali itong masundan ng mga manonood at kapana-panabik ang mga eksena. Kakaiba
ang sumpaan ng pagkakaibigan sa bandang huli na nakaset-up ng kasal.
Samantalang di nakaligtas sa tipikal na ending
ang pelikula na may bigyan ng bagong partner
ang nabigo sa pag-ibig na si Charla. Bagamat may mga eksena na kung
hindi corny ay eksaherada, sa kabuuan
ay maganda ang pagkakadirek sa mga nagsiganap at ang trato sa temang comedy na napanatili hanggang sa
huli. Epektibo sa pagpapatawa ang mga nagsiganap at nailabas nila
ang pagkakaiba ng mga karakter na kanilang ginampanan. Mahusay ang disenyo ng
produksyon—naipakita ang iba’t ibang katayuan sa lipunan ng apat na
magkakaibigan at kung paano nagkakasundo at nagkakaisa sila para sa bawat isa.
Maganda rin ang mga kuha ng kamera at ang iba’t ibang anggulong ginamit para sa
mas makahulugang komposisyon.
Ang tunay na kaibigan ay
isang kayamanan. Katulad ng pamilya, nagsisilbing takbuhan o sandalan din ang
matapat na kaibigan sa panahon ng pangangailangan. Ito ang pangunahin
mensahe ng Bes and the Beshies at naihatid naman
ito. Kahanga-hanga ang samahan ng mga magkakaibigan dahil sa walang
pag-aalinlangang pagsuporta sa isa’t isa at sukdulang itaya ang sarili sa pagharap
sa kalaban ng kaibigan at ipagtanggol ito. Positibo ding mensahe ng
pelikula ang pagtanggap sa katauhan ng kapwa katulad ng ginawa ng mga kaibigan
ni Benjie ng matapang niyang ipagtapat sa harap ng mga kaibigan at nagugustuhan
niyang lalaki na siya ay isang bakla. Subalit
nakababahala ang mga nakapaloob na munting tema ng pelikula katulad ng
paghahangad ng anak sa lalaking may-asawa upang manatili siyang kabit nito,
magaspang na pananalita at paghikayat pa sa nobyo na maging katulad nya,
ang cheap na paraan ng pang-aakit ng lalaki, at ang hayagang
paghahangad at pagsasakatuparan ng pagpapaopera upang magpalit ng kasarian ang
isang bakla. Ang ganitong mga paksa ay mas akma sa manonood na may hinog na
kaisipan.