Wednesday, November 22, 2017

This Time I'll Be Sweeter

DIRECTOR:    JOEL LAMANGAN   LEAD CAST: BARBIE FORTEZA, KEN CHAN  SCREENWRITER: RONA LEAN SALES  PRODUCER:  LILY MONTEVERDE,  ROSELLE MONTERVERDE  EDITOR:  CHARLIEBEBS GOHETIA  MUSICAL DIRECTOR:  PAULO PROTACIO  GENRE: DRAMA/ROMANCE  CINEMATOGRAPHER:  SHERMAN PHILIP SO   DISTRIBUTOR:   REGAL ENTERTAINMENT RUNNING TIME: 104 MINUTES
Technical assessment:  2.5
Moral assessment:  3
CINEMA rating: V14
Sa klaseng kinabibilangan ni Erika (Barbie Forteza), isang mass com student, ipinangako ng guro  na sinumang makapagsusulat ng isang artikulong mailalathala sa isang pambansang pahayagan ay sigurado nang makaka-Uno na grado.  Sinamantala ito ni Erika para ma-interview ang sikat na varsity swimmer na si Tristan (Ken Chan).  Sa madaling salita, nalathala ang artikulong isinulat niya pero ikinainis naman ni Tristan na naging publiko na ang para sa kanya ay isang personal nang bahagi ng kanyang buhay.  Dito magsisimula ang pagkakalapit ng dalawa, ngunit matutuklasan ni Erika na habang siya ay in love na in love na kay Tristan, ay nakikipaglaro lang pala ito sa kanya at sa katunayan ay may nobya na.  Dalawang beses madudurog ang puso ni Erika sa mga kamay ni Tristan, susuong pa kaya siya sa ikatlong pagkakataon?
Tila baga ginawa lang ang This Time I'll Be Sweeter para lamang maglungsad ng isa na namang bagong tambalan pang-romcom.  May istorya naman, at may intensyong magturo ng leksiyon, pero patse-patse ang pagkakahabi ng kuwento—tagilid ang editing—tuloy naging artipisyal, at hindi naging malalim o totoo ang hubog ng mga tauhan kaya’t bumaha man ang luha ni Erika, halimbawa, ay hindi nito maantig ang habag ng manunood.  Katawa-tawa din ang ilang detalya, tulad nang si Tristan ay nasa airport—sa karaniwang departure area lamang naghihintay, pumipila tulad ng iba at hindi kilala ng mga ground stewardess—hindi ba’t bilang anak ng may-ari ng airline ay nasa First Class Lounge man lamang siya, at eestimahin ng mga airline personnel?  In fairness, mahusay ang pag-arte ni Chan bilang lasing na Tristan.  Pero ang karamihan ng mga eksena, halos pa-kyut lang, hindi kapani-paniwala, at parang nagmamanipula sa damdamin ng manunood.
Natubos lamang ang This Time I'll Be Sweeter ng isang pangyayari sa katauhan ni Erika.  Bagama’t masugid siyang reporter, nilagyan niya ng hanggahan ang pagiging agresibo sa paghahanap ng kuwento.  Tinalikuran niya ang oportunistang editor pagkat pinili niyang igalang ang pagdadalamhati ng nagluluksang pamilya ni Tristan.  Ang pagsasa-alang-alang sa damdamin ng mga naiwan ng mga yumao ay isang bagay na dapat itaguyod ng ating lipunan, lalu na sa mga panahong ito kung kailan maraming nababalitang pinapaslang ng mga nakamotor at di-kilalang salarin.  Ipinakikita din ng pelikula ang kahalagahan ng suporta ng pamilya at mga kaibigan sa taong may pinagdadaanan.