DIRECTOR: Chito S. Roño CAST: Kim Chiu, Matteo Guidicelli, Alice Dixson,
Christian Bables, Robert Seña, Ina Raymundo, Beverly Salvejo, Isay Alvarez,
Nanding Joseph, Mon Confiado, Cacai Bautista, Victor Silayan, Luz Valdez, and
Jerome Ponce. WRITTEN BY: Charleson Ong, Enrico Santos, Cathy Camarillo PRODUCED BY: Charo
Santos-Concio, Malou N. Santos GENRE: Horror
PRODUCTION COMPANY: Star
Cinema COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Pilipino, Chinese, English
RUNNING TIME: 105 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: PG 13
Nahaharap sa malaking problema ang pamilya ni
Mayen (Kim Chiu). Baon sila sa utang dahil sa naluluging negosyo na
sinundan ng malubhang pagkakasakit ng ama na si Manuel (Robert Sena). Taglay ng
pamilya ni Mayen ang pinaghalong kultura ng Tsina at Pilipinas, sa katunayan
isa sa hanapbuhay nila ang pagpapatuloy ng isang Chinese tradition para sa mga ispiritu ng mga namayapang Tsino na
di na masyadong tinatangkilik sa makabagong panahon. Kasabay pa ng krisis sa pamilya ang personal
na problema ni Mayen sa nobyong si Clinton (Mateo Guidicelli) na ipinakasal ng
pamilya sa ibang babae. Dahil dito ay mapipilitan si Mayen na tanggapin ang
alok ni Mrs Lao (Alice Dixon) at pumayag na maging “ghost bride” kaugnay ng
sinaunang kaugalian ng Tsino bilang pag-alala sa yumao kapalit ng malaking
halaga. Kasama sa kasunduan ang pagsusuot ni Mayen ng antigong pulseras
hanggang sa maganap ang kasalan at kailangan niyang magbyahe sa China upang
personal na daluhan ang seremonya. Malalaman ni Mayen na nakuha ni Mrs. Lao ang
pangalan nya sa internet site na DateQuest. Maaayos naman ang problema sa pera
ng pamilya ni Mayen at pagpapagamot ng ama, subalit matatanto ni Mayen ang tila
sumpa na nakabalot sa pasya niyang pumayag sa kasunduan.
Misteryoso pero may lohika ang kwento ng Ghost Bride. Mainam ang pagkakatahi ng mga
sinasaliksik na impormasyon hinggil sa sinaunang kultura ng China at ang pag-uugnay
nito sa kasalukuyang panahon. Magaling na ideya ang setting sa Binondo na kilalang lugar kung saan maraming residenteng
Tsino. Bagamat bagay kay Chu ang papel na Mayen ay limitado naman ang I pinakita
niyang damdamin na hinihingi sa mga eksenang katatakutan. Mabuti na lamang at
mahusay ang make-up at visual effects, gayundin ang mga
inilapat na tunog. Nakakagulat ang paglitaw ng mga multo at nakakatakot ang mga
hitsura nito. Mahusay din ang sinematograpiya kung saan maliwanag na naipakita
ang detalye ng mga palabas at seremonya. Makahulugan ang kuha ng kamera sa
bundok ng Himalayas sa Nepal sa wakas dahil pinakita ng magandang tanawin at
tahimik na bundok na tapos na ang panganib at kaguluhan sa buhay ng mga
sangkot. May simbolismo din na epekto ang mga komposisyon katulad ng
paglalagay ng mga imahen ng Buddhismo at Jesus Nazareno, na nagpapahayag ng
magkahalong kultura at tradisyon ng Pilipino at Tsino.
Ang pamilya ay karapat-dapat ipagsakripisyo at ipaglaban—sukdulang itaya
ang buhay at kinabukasan masiguro lamang ang kaligtasan ng bawat isa. Ganito
ang ipinakita ng pangunahing karakter sa pelikula. Isang mapagmahal at may
malasakit na anak sa magulang at matanda sa pamilya gayundin sa kabuhayan.
Nanindigan din siya sa sariling desisyon ng mapag-alaman nya na nakompromiso ng
magulang ang kaligayahan. Gayundin naman ng buong tapang niyang hinarap ang mga
dapat gawin upang itama ang mga maling desisyon na kanyang ginawa alang-alang
sa pamilya. Nagpakita din ng spiritualidad sa kwento kung saan lumapit sa mga
relihisoyong Buddhist monks ang pamilya upang makatulong at labanan ang mga
masamang espiritu. Hindi rin pinagtagumpay sa pelikula ang mga ganid at
mapagsamantala katulad ng karakter ng mayamang pinagkakautangan ng pamilya. Sa
kabila ng mga positibong mensahe ng pelikula ay maraming malalagim at
nakaka-stress na eksenang maaaring makabahala sa manonood, lalo na ng mga menor
de edad.