DIRECTOR: Mae Cruz
LEAD CAST:
Kim Chiu, Xian Lim SCREENWRITER: Carmi
Raymundo, Charlene Grace Bernardo PRODUCER: Charo Santos-Concio GENRE: Romantic Comedy DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 115 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
MTRCB rating: PG
CINEMA rating: PG 13
Sa romantic comedy na Bride for Rent,
“spoiled” si Rocco (Xian Lim), maluho, walang inaalala sa buhay kungdi ang
magpakasaya. Sa gabi bago dumating
ang ika-25 niyang kaarawan, magpa-party at
malalasing siya kasama ng barkada, at matatalo siya sa casino ng 10 milyong piso, ang salaping dapat sana’y gagamitin niya
sa negosyo. Mapapalitan
lamang niya ito kung makukuha na niya ang “trust fund” na inilalaan sa kanya ng
lola niyang si Lala (Pilita Corrales).
Pero hindi pala ganoong kadali iyon, dahil may kondisyon si Lala: dapat
ay mag-asawa muna siya bago niya matatanggap ang “trust fund”. Sa kabilang dako, mahigpit naman ang
pangangailangan ni Rocky (Kim Chiu), isang dalagang may ambisyong mag-artista
at siyang sumusuporta sa kanyang pamilya.
Mapapakinabangan ni Rocky ang hilig niya sa pag-arte nang makakapasa
siya sa “audition” ni Rocco na naghahanap ng isang babaeng magpapanggap na asawa
niya—para lamang makuha na niya ang inaasam-asam na “trust fund”.
Bagama’t
masaya ang dating ng pelikula gawa ng pagiging makulay nito, nakaka-distract naman ang sobrang pula sa
paligid—nagmumukha tuloy mga bakla ang mga lalaki dahil animo’y naka-lipstick sila sa lahat nang eksena. May
isa kaming puna sa casting—ito’y
madalas na kakulangan sa mga pelikulang Pilipino kung saan may mga “pamilya” sa
kuwento. Kadalasan, hindi man
lamang gawing magkakahawig ang mag-anak—tulad ng mga magkakapatid dito nila
Rocky, wala ni isang bahagya man lamang nakahawig ng ama, halimbawa. At maniniwala ba kayo sa sa guwapo’t guwapa ng mga
magkakapatid (na hindi rin naman mga bobo), at sa lusog ng ama, ay magiging
palamunin lang silang lahat ni Rocky?
(Ano ba ang basehan ng pagpili ng mga gaganap na mag-anak? Ah, ewan!) Umaasa ang Bride for Rent sa kiliting dulot ng
tunay-na-buhay na relasyon ni Lim at ni Chiu, kaya naman hindi maituturing na
“pagganap” ang ginawa nilang pag-arte ditto; pati halikan at titigan ay totoo. Nakakasawa din ang arte ni Chiu na tila
yatang pumalit sa trono ni Toni Gonzaga sa larangan ng overacting at over pa-kyut.
Nakakaaliw namang panoorin ang isang “bagong-lumang mukha” (Corrales) na
kamangha-mangha ang sariwa pang mukha at sa kabila ng di na maitagong
pagkatuyot na leeg at mga kamay ay “may asim” pa rin, ika nga.
Likas
na mabubuting tao ang ipinapakita sa Bride for Rent, bagama’t gawa ng
iba’t ibang kalagayan o pangangailangan, sila ay nakakaisip gumawa ng kung ano
anong solusyon malutas lamang ang problema. Hinangad ng pelikulang ipakita na ang pag-aasawa ay
mistulang isang halaman na inaalagaan, na nakatanim sa matatag na pag-uunawaan
at dinidilig ng walang sawang pag-bibigay ng sarili sa minamahal. Ito’y isinagawa sa tulong ng mga mag-asawa
sa tunay na buhay na ipinaloob sa kuwento bilang mga tampok na panauhin. May
istorya namang maituturing ang Bride for Rent, may dulot ding mga aral,
pero formulaic din ang kuwento—may
party, may kasalan, may pa-kyut-an hanggang magkatuluyan—at hindi
kapani-paniwalang maging totoo ito sa tunay na buhay. Magkagayunman, hindi maikakaila na patok ang formula nito sa mga manonood, base sa
milyon-milyon nitong kita sa takilya.
Humigit-kumulang, mahuhulaan na natin kung ano ang panglasa ng Pinoy
pagdating sa pelikula.