LOCATION:
Philippines RUNNING TIME: 105 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2
MTRCB rating: PG 13
CINEMA rating: V 14
Mapapadpad
ang mga magkakaibigan na sina Cedric (Daniel Padilla), Hanna (Michelle Vito),
Ashley (Miles Ocampo), Justin (CJ Navato) and Rico (Dominic Roque) sa burol ni
Roman (Paulo Avelino) matapos ang magdamag na pagliliwaliw. Nauna rito ay magkakaroon ng mainitang
pagtatalo sina Cedric at Hanna at magiging dahilan ng pagkasugat ni Cedric. Madidiskubre ng grupo na ang
nangangasiwa sa patay ay si Leni (Kathryn Bernardo). Samantala, nagsasa-alang-alang ng mga pamahiin ang
pamilya ng namatay, para diumano walang malasin na sumunod sa namayapa.
Mga pamahiin tulad ng bawal ang pagwawalis, bawal matuluan ng luha ang kabaong,
bawal mag uwi ng pagkain, bawal kupitan ang abuloy, bawal tumingin sa salamin,
bawal makiramay ang may sugat,
bawal dumiretso sa bahay at kailangan mag “pagpag” ng sarili kapag
galing sa burol o libing. Mangyayaring lalabagin lahat ito ng magkakaibigan pati na
ilang miyembro ng pamilya ng namatay. Samantala, mapapag-alaman na napatay ng
taong bayan si Roman dahil diumano sa pakikipagkasunduan nito sa dimonyo na
pumatay siya ng siyam na tao kapalit ng
pagbabalik ng buhay ng namatay na anak. Dahil sa paniniwala na di
nagpagpag ng mga sarili pagdating
sa kani kanilang bahay ang mga nagtungo sa burol ni Roman ay sinundan sila ng kaluluwa nito at isa isang nagbuwis ng buhay sa ibat
ibang paraan kasabay ng lagim ng takot na idudulot nya. Sa pagkakataong ito ay
siya naman ang magbabalik buhay kapalit ng siyam na mamamatay. Sa pagkasawi ng ikapitong tao ay
mapapagtanto nina Cedric, Leni at Mac Mac (Clarence Delgado) na may kaugnayan
pa rin sa kasunduan na ginawa ni Roman sa dimonyo ang mga malalagim na
kaganapan at kailangan maisalba sa panganib ang dalawang buhay na maaring sila
din.
Maganda ang disenyo ng produksyon ng Pagpag: Siyam na Buhay at ang mga
ginamit na special effects. Kapuri-puri ang effort ng produksyon na maghatid ng pinaghusay na visual effects kung saan di masasabi ng
manonood na sayang ang kanilang pera. Mahusay din ang mga pagganap at
naging epektibo ang pinagsamang mga aspetong ito sa paghahatid ng mga
eksena ng kilig, takot at suspense na
syang genre ng pelikula. Subalit
mahina ang pagkakabuo ng kwento, kulang sa focus
at maraming sub-plots. Marahil dahil
sa dami ng artista, nagsikap ang produksyon na bigyan sila lahat ng
mahaba-habang exposure sa kung
anumang kadahilanan. Malaking
bentahe ng pelikula ang sikat na tambalan nina Bernardo at Padilla at halata na
di pinakawalan ng direktor ang pagkakataong ito upang siguraduhing masisiyahan
ang mga tagasubaybay ng dalawang ito kapag napanood ang pelikula. Yun nga lang,
parang natuon ang direksyon sa paghahatid ng sikat na tambalan kaysa padaluyin
ng maayos ang kwento pati mga kuha ng camera.
Tama lamang ang inilapat na tunog lalo na sa eksena ng suspense at mga ilaw bagamat mas maraming madilim na kuha kahit na
umaga ang eksena. Halos di naman napansin ang inilapat na musika at kung
nakatulong ito. Sa kabuuan ay
maganda ang teknikal na aspeto ng pelikula.
Tinalakay
sa pelikula ang iba’t ibang pamahiin kapag may namatay, katulad ng mga bawal
gawin habang nakaburol ang patay at ang tinatawag na “pagpag” na siyang pamagat
ng pelikula na ang ibig sabihin ay “magpagpag” ng sarili pagkagaling sa burol
at huwag dumiretso sa sariling bahay para di umano sundan at gambalain ng
kaluluwa ng dinalaw na patay. Bagamat tradisyon ito at bahagi ng kultura at paniniwala ng
maraming Pilipino, ang Simbahan ay hindi naniniwala dito. Hindi nakasalalay sa
mga kaganapan sa burol ng isang sumakabilang buhay sa pamilya ang mga susunod
na insidente ng pagkamatay. Unang una, lahat naman ng tao ay hahantong dito at
walang makakaligtas kapag takdang oras na ng isang tao. Taliwas ito sa pinakita
ng pelikula na kapag di sumunod sa pamahiin
ay talagang mumultuhin at
mamamatay. Isa pang nakababahala sa pelikulang Pagpag: Siyam na Buhay ay pakikipagkasundo sa dimonyo upang maibalik
ang buhay. Batid ng lahat na sa Diyos galing ang buhay at tanging Siya lamang
ang nagkakaloob at bumabawi nito kaya ang tuluyang pag-uugnay ng mga pagbali sa
pamahiin at sa pakikipagkasundo sa dimonyo sa mga sunod-sunod na malagim na
kamatayan ng mga inosenteng tao hanggang sa pagwawakas nito ay hayagang
pagtaliwas sa itinuturo ng Simbahan at sa malawakang aspeto ng praktikalidad sa
buhay. Dahil na din sa natamong
edukasyon at makabagong panahon ay marami na ang naliliwanagan tungkol sa
tamang pagtingin sa mga pamahiin kaya huwag sana masilaw sa hatid na kilig ng
sikat na tambalan at thrills ng mga
eksenang suspense upang bumalik sa
kamalian ng sinaunang panahon. Binigyan ng MTRCB ng PG Rating ang pelikula, pero
naniniwala ang CINEMA na nangangailangan ng hinog na pag-iisip ang manonood
nito.