Friday, January 17, 2014

Boy Golden: Shoot-to-Kill


DIRECTOR: Chito S. Rono  LEAD CAST:  KC Conception, George Estregan, John Estrada, Eddie Garcis, Baron Geisler, Tonton Gutierrez, Jhong Hilario, Gloria Sevilla  SCREENWRITER: Catherine O. Camarillo, Guelan Varela-Luarca  PRODUCER:  Joven Tan  EDITOR:  Jason Cahapay, Ryan Orduha, Carlo Manatad  MUSICAL DIRECTOR:  Carmina Cuya CINEMATOGRAPHER:  Carlo Mendoza GENRE:  Action/Thriller  DISTRIBUTOR:  Viva Films  LOCATION: Philippines  RUNNING TIME: 120 minutes

Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2
MTRCB rating:  R 16
CINEMA Rating:  V 18

Ang pelikula ay hango sa tunay na buhay ni Arturo Porcura (George Estregan), na kilala noon bilang Boy Anino na dating leader ng Bahala Na Gang noong dekada 60. Sinalakay noon ng grupo ni Tony Razon (John Estrada) ang bahay ni Boy Anino kung saan pinaslang ang buong mag-anak niya, pinagsamantalahan ang kapatid at iniwang walang buhay ang buong gang niya. Himalang nabuhay si Porcura at ngayon siya’y nagbabalik bilang si Boy Golden at ang hangad niya’y paghihiganti kay Razon. Sa kanyang paghahanap ay makikilala niya si Marla D. (KC Concepcion), isang mananayaw sa isang bar, na  mayroong mabigat na galit din kay Razon at nagbabalak ding maghiganti. Matupad kaya nila ang kanilang hangarin gayong matinik at makapangyarihan ang grupo ni Razon?

Makasining ang pagkakagawa ng Boy Golden. Mula sa madetalyeng disenyo ng produksiyon, hanggang sa mga kuha ng camera, kitang pinagbuhusan ng husay at talino ang pelikula. Hindi biro ang buhayin ang itsura ng Maynila ilang dekada na ang nakakaraan, pero nagawa itong kapani-paniwala ng Boy Golden. Maganda rin ang daloy ng kuwento na naka-sentro sa buhay-gangster noong araw. Nakakaaliw ang mga eksena ng kantahan, sayawan at labo-labo sa bandang huli. Pati ang mga beteranong artista na sila Eddie Garcia at Gloria Sevilla ay mga agaw-eksena sa pelikula.  Madaling sundan ang kuwento at habang nakikita ang bigat ng damdamin ng paghihiganti, nariyan naman ang puso ng pelikula na sasabayan pa ng mga aliw na bentahe tulad ng kakatwang opera, at eksenang animo’y walang katuturan ngunit sadyang isinama upang magpaaliw. Mahuhusay din ang mga pangunahing tauhan na sina Estregan at Concepcion. Hindi rin matatawaran ang husay nina Baron Geisler, Dick Israel, at Estrada. Sa kabuuan ay mahusay ang pelikula. Binuhay nito ang pelikulang aksyon na matagal-tagal na ring hindi nararanasan sa pelikulang Pilipino. Ang hindi nito karaniwang pag-trato sa kwento ng gang ay tila bagong aliw sa mga manonood.

Sapagkat tungkol sa gangster ang pelikula, hindi maiiwasan na ito ay magpapakita ng mga eksena ng karahasan. Nariyan ang barilan, saksakan, bugbugan, sakalan, patayan, bantaan. Sa simula’y akakalain ng manonood na pawang pinapaboran ang mga bida sa kanilang pagnanais na maghaganti kahit pa ito ay nangangahulugan ng pagpatay. Ngunit sa takbo ng kuwento, makikitang walang pinapaborang kung sino ang pelikula. Ang mga nagkakasala sa batas ay nakukulong at napaparusahan. Maging ang bida ay hindi makakaiwas sa parusa ng tadhana dahil sa mali nitong mga gawa. Hindi kailanman makabubuti ang paghihiganti.  Ang dapat ay inilalaan ang buhay ng tao sa paggawa lang ng mabuti. Anumang gawaing masama ay magtatapos sa kaparusahan. Ito ang mensahe ng Boy Golden. Nariyan din ang mensahe ng wagas na pagmamahalan sa pelikula. Sa gitna ng kaguluhan at kabuktutan, hindi pa rin maiaalis na pagmamahal pa rin ang higit na makapangyarihan sa lahat. Ngunit hindi pa rin maitatanggi na malabis na marahas ang maraming eksena sa pelikula at ang tema pa lamang nito ay hindi na angkop sa mga batang manonood. Nariyan pa ang ilang eksena na may patungkol sa panghahalay na nararapat lamang sa mga manonod na nasa hustong gulang na. Kung kaya’t minamarapat ng CINEMA na ang pelikulang ito ay para lamang sa mga manonood na may gulang 18 pataas.