Thursday, January 9, 2014

Kimmy Dora: ang kiyemeng prequel


Running Time: 100 minutes;  CAST: Eugene Domingo, Angel Aquino, Sam Milby; Direction: Chris Martinez  Screenplay: Chris Martinez; Editing: Claire Villareal; Producer: Erickson Raymundo; Music: Vincent de Jesus; Location: Metro Manila; Genre: Comedy; Distributor: Spring Films

Technical assessment:  2.5
Moral assessment:  3
MTRCB rating:  PG13
CINEMA rating:  V14

Ang Kimmy Dora: Ang Kiyemeng Prequel ay naganap sa panahong bago pa sa ang unang pelikula Kimmy Dora: Kambal sa Kiyeme.  Ipinakilala ang matalinong sina Kimmy na katatapos lamang ng tatlong kurso sa ibang bansa at nakatamo ng pinakamatataas na karangalan at si Dora (Domingo) na isang mahusay na artista sa teatro subalit may kahinaan ang ulo.  Patuturuan sila ng kanilang amang si Luisito Go Dong Hae (Ariel Ureta) na patakbuhin ang kanilang negosyo sa pangunguna nina Bridget (Aquino) at Rodin (Milby).  Samantala isang misteryosong terorista ang mananakot at sisita sa kanilang negosyo.  Matutuklasan nina Kimmy ang tunay na katauhan ng terorista at malalagay sa panganib ang buhay ni Luisito; magsasanib ng pwersa ang kambal sa tulong ni Bogart (Torre) at ng teknolohiyang magpapatalino pansamantala kay Dora.

Ang dapat sanang yugto na magbibigay paliwanag at kaliwanagan sa buong serye ay tilaisang nakakaasiwang kirot ng ngipin—gusto mong kalimutan pero ayaw mawala. Sayang ang ipinuhunang talino at bagong atake ni Martinez sa kauna-unahang Kimmy Dora dahil nahanay bigla ang buong serye sa mababaw na katatawan at walang katuturang pag-usad ng kwento. Mahusay na mga artista ang gumanap pero gaano nga ba ang magagawa nila kung hungkag naman ang mga eksenang ipinagagawa sa kanila. Maayos naman sana ang buod ng istorya pero dahil medyo pilit na ang ikatlong yugto, maraming eksena na inilagay na lamang para pampahaba at pampatawa. Maliban sa kwento at atake sa komedya, maayos naman ang larangan teknikal ng pelikula. Hindi nga lamang siya sulit panuorin at mas mabuti pang abangan na lamang ang libreng pagpapalabas nito sa telebisyon.

Ang paggalang at pagpapahalaga sa bawat tao, matalino man o mahina ang pag-iisip, ay hindi dapat kalimutan. Sa katunayan, ilan ang may kapansanan na nadaig ang kakayahan pisikal, intelektuwal at pangsining na kakayahan ng mga taong normal ang kakayahan. Hati ang pananaw ng Kimmy Dora sa mga taong mahihina ang ulo, dahil sabay nitong pinapahalagahan at pinagtatawanan ang kahinaan nito.  Alin ang mas naging matimbang? Depende sa eksena at kung ano ang mas kwela sa manunood. Hinapyawan din ng pelikula ang halaga ng pamilya at kung paanong ang matibay na relasyon sa isa't isa ay sandigan sa oras ng kagipitan at pagsubok. Problema din ng Kimmy Dora ang karaniwang problema ng pelikulang Pinoy, ang anumang mensaheng mapipiga ay tinatabunan ng mga eksenang binuo para sa mababaw na kasiyahan ng manunuod at hindi sa ikauunlad ng kwento.