Tuesday, February 4, 2014

Bride for rent


DIRECTOR:  Mae Cruz LEAD CAST:  Kim Chiu, Xian Lim SCREENWRITER: Carmi Raymundo, Charlene Grace Bernardo   PRODUCER:  Charo Santos-Concio  GENRE: Romantic Comedy  DISTRIBUTOR:  Star Cinema LOCATION:  Philippines RUNNING TIME:  115 minutes

Technical assessment:  3
Moral assessment:  3
MTRCB rating:  PG
CINEMA rating:  PG 13

Sa romantic comedy na Bride for Rent, “spoiled” si Rocco (Xian Lim), maluho, walang inaalala sa buhay kungdi ang magpakasaya.  Sa gabi bago dumating ang ika-25 niyang kaarawan, magpa-party at malalasing siya kasama ng barkada, at matatalo siya sa casino ng 10 milyong piso, ang salaping dapat sana’y gagamitin niya sa negosyo.   Mapapalitan lamang niya ito kung makukuha na niya ang “trust fund” na inilalaan sa kanya ng lola niyang si Lala (Pilita Corrales).  Pero hindi pala ganoong kadali iyon, dahil may kondisyon si Lala: dapat ay mag-asawa muna siya bago niya matatanggap ang “trust fund”.  Sa kabilang dako, mahigpit naman ang pangangailangan ni Rocky (Kim Chiu), isang dalagang may ambisyong mag-artista at siyang sumusuporta sa kanyang pamilya.  Mapapakinabangan ni Rocky ang hilig niya sa pag-arte nang makakapasa siya sa “audition” ni Rocco na naghahanap ng isang babaeng magpapanggap na asawa niya—para lamang makuha na niya ang inaasam-asam na “trust fund”.
Bagama’t masaya ang dating ng pelikula gawa ng pagiging makulay nito, nakaka-distract naman ang sobrang pula sa paligid—nagmumukha tuloy mga bakla ang mga lalaki dahil animo’y naka-lipstick sila sa lahat nang eksena. May isa kaming puna sa casting—ito’y madalas na kakulangan sa mga pelikulang Pilipino kung saan may mga “pamilya” sa kuwento.  Kadalasan, hindi man lamang gawing magkakahawig ang mag-anak—tulad ng mga magkakapatid dito nila Rocky, wala ni isang bahagya man lamang nakahawig ng ama,  halimbawa.  At maniniwala ba kayo sa sa guwapo’t guwapa ng mga magkakapatid (na hindi rin naman mga bobo), at sa lusog ng ama, ay magiging palamunin lang silang lahat ni Rocky?  (Ano ba ang basehan ng pagpili ng mga gaganap na mag-anak?  Ah, ewan!)   Umaasa ang Bride for Rent sa kiliting dulot ng tunay-na-buhay na relasyon ni Lim at ni Chiu, kaya naman hindi maituturing na “pagganap” ang ginawa nilang pag-arte ditto; pati halikan at titigan ay totoo.  Nakakasawa din ang arte ni Chiu na tila yatang pumalit sa trono ni Toni Gonzaga sa larangan ng overacting at over pa-kyut.  Nakakaaliw namang panoorin ang isang “bagong-lumang mukha” (Corrales) na kamangha-mangha ang sariwa pang mukha at sa kabila ng di na maitagong pagkatuyot na leeg at mga kamay ay “may asim” pa rin, ika nga. 
Likas na mabubuting tao ang ipinapakita sa Bride for Rent, bagama’t gawa ng iba’t ibang kalagayan o pangangailangan, sila ay nakakaisip gumawa ng kung ano anong solusyon malutas lamang ang problema.  Hinangad ng pelikulang ipakita na ang pag-aasawa ay mistulang isang halaman na inaalagaan, na nakatanim sa matatag na pag-uunawaan at dinidilig ng walang sawang pag-bibigay ng sarili sa minamahal.  Ito’y isinagawa sa tulong ng mga mag-asawa sa tunay na buhay na ipinaloob sa kuwento bilang mga tampok na panauhin. May istorya namang maituturing ang Bride for Rent, may dulot ding mga aral, pero formulaic din ang kuwento—may party, may kasalan, may pa-kyut-an hanggang magkatuluyan—at hindi kapani-paniwalang maging totoo ito sa tunay na buhay.  Magkagayunman, hindi maikakaila na patok ang formula nito sa mga manonood, base sa milyon-milyon nitong kita sa takilya.  Humigit-kumulang, mahuhulaan na natin kung ano ang panglasa ng Pinoy pagdating sa pelikula.