Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
MTRCB Rating: R13
CINEMA Rating: V14
Habang naghahandang
magbigay ng kanyang talumpati si Senator Gabriel Alcaraz (Padilla) para ibunyag
ang mga katiwalian sa pamahalaan ay pinagpaplanuhan naman ng Pangulo ng
Pilipinas, kasabwat ang ilang matataas na opisyal, ang pagdakip sa nauna. Iuutos
ng Pangulo sa matalik na kaibigan at Police Director Cristobal (de Mesa) ang
paghuli kay Alcaraz. Matutunugan ni Alcaraz ang panganib sa buhay niya at sa
tulong ng mga alyado ng isa pang kaibigan at NBI Director San Juan ay makakatakas
siya ng Pilipinas a magtatago sa Amsterdam upang hanapin ang isang testigo
(Medina) para malinis ang kanyang pangalan at lumabas ang katotohanan.
Samantala, si Maya Limchauco (Bela Padilla), isang reporter sa Pilipinas, ang
tutulong kina Alcaraz at kanyang pamilya para sa isang lihim na paghihiganti.
At pagkatapos ng 10 libong oras ay muling babalik si Alcaraz sa Pilipinas upang
ibunyag ang katotohanan.
Matalino ang
pagkakahabi ng mga eksena at tamang tama ang timpla ng drama, aksyon at mga
pasaring sa diyalogo. Kaya nga lamang ay natatabunan si Padilla ng mga
kasamahang artista. Kung may mapipiga pa sana sa kanya si Bernal para tumapat
man lamang kahit konti sa kalidad ng pagganap nina de Mesa at Medina o kahit ng
bagitang si Bella Padilla ay mas magkakaroon ng lalim ang katauhan ni Senador
Alcaraz. Tama ang puna ng ilang manunulat na tatapat sa mga banyagang
produksyon ang istilo ng aksyon ni Bernal. Magaling ang mga kuha at nabigyang
katarungan ng mahigpit at buhay na pagkakadugtong-dugtong ng mga eksena. Ang
kwento, dahil hango sa mga naganap kay Senador Ping Lacson, ay maaring
pagdudahan bilang propaganda, pero kung titingnan ito
bilang kathang isip ay sadyang malinaw at matibay ang konsepto at mga tema. Sulit ang panunuod ng 10,000 Hours.
Hindi lingid sa
kaalaman ng madla na sangkot ang ilang matataas na tao sa pamahalaan sa
kabi-kabilang krimen at kurapsyon sa bansa. Alam din ng natin na madalas, ang
mga nagbubunyag ng katotohanan o naninindigan para sa bayan ay nababalewala o
napapatay. Gayunpaman, ang makita ang temang ito sa pelikula ay sadyang
nakababagabag dahil tila ba walang pinagkaiba ang maging tapat o maging taksil
sa tungkulin sa bayan. Sa kabilang dako, kahanga-hanga na may mga taong katulad
nina Alcaraz na patuloy na naniniwalang dapat panindigan at ipaglaban ang
katotohanan at katapatan sa paglilingkod sa bayan. Isang maningning na simbolismo ng pag-asa at dangal ang
pagtataya ng mga matitinong tauhan sa pelikula sa kabila ng mga malalakas na
puwersa ng katiwalian. Sa panahon
ngayon na kaliwa’t kanan ang
nagsusulputang usapin ng korupsyon, mainam sanang makita ng mga ordinaryong
Pinoy na ang paninindigan sa tama at totoo ay may saysay pa rin. Sayang nga
lamang at ang huling eksena ng 10,000
Hours ay ang pagpatay sa mga testigo at ang matagumpay na pagtatakip ng mga
nasa kapangyarihan sa katotohanan.
MAHALAGANG PAALALA: May pahabol ang
CINEMA tungkol sa 10,000 Hours at
mga pelikulang tulad nito na base sa tunay na buhay at kinasasangkutan ng mga
taong nasa matataas na posisyon ng paglilingkod sa bayan. Payo ng CINEMA: ingat lamang sa
panonood.
Batid natin na ang
pelikula ay isang makapangyarihang “medium” o daan na maaaring
gamitin tungo sa katotohanan o sa kasinungalingan man. Ang imaheng gumagalaw, na higit pang malaki
kaysa tunay na buhay, ay napakahusay na panghubog ng kaisipan ng tao. Saan mang bansa na gumagawa ng
pelikulang kauri ng 10,000 Hours—mayaman man o
mahirap, kilala man o hindi, ano mang lahi o relihiyon—may mga pamilyang
nagdurusa o nawawasak ang kinabukasan bunga ng ganitong paglalahad; at mayroon
din namang mga taong nailuluklok bilang mga bayani hindi man karapat-dapat. Anupa’t kay raming mga
artistang naihahalal bilang mga lingkod-bayan, senador, gobernador, representante, o pangulo ng
bansa dahil lamang sa kanilang pagiging mga popular at kilalang mukha! Hindi maikakaila na sa dalas nilang
lumabas sa pelikula bilang mga kampeyon ng mga maralita ay nakikita na sila ng
masa bilang mga “bida” sa tunay na buhay,
at inaasahan bilang mga bayaning hahango sa kanila sa kahirapan. Sa karaniwang Pilipino, tila hindi na
mapaghihiwalay ang buhay sa pelikula at tunay na buhay.
Gawin nating
halimbawa ang 10,000 Hours. Kung tatanungin natin ang mga lumalabas
sa sinehan, ilan sa kanila ang magsasabing “Ah, kathang isip
lang ang kuwentong iyan!” at ilang ang
magwiwikang “Ah, ganoon pala ang
totoong nangyari kay Ping Lacson!” Kaya mapapag-isipang propaganda ang 10,000 Hours ay dahil binabanggit pa
nito ang pangalan ng senador. Sana’y hindi na lang
ipinangalandakan na ito’y halaw sa tunay na
buhay upang sabihin lamang, sa katapusan ng pelikula, na ito’y “fiction” lamang. Madaling tanggapin iyon kung ang tema
ng kuwento’y karaniwan lamang
at hindi isang kontrobersiyal na kasong nagsasaad ng patayan at korupsyon. Sa husay ng pagkakagawa, kapani-paniwala
naman ang pelikula, kayang tumayo sa sariling paa—bakit kailangan pa
nitong “sumakay” sa pangalan at kaso
ni Lacson? Nanggagaling na mismo
sa 10,000 Hours ang dahilan upang
pag-alinlanganan ang katapatan nito bilang isang dalisay na obra. Sayang.
Ano man ang
katotohanan sa likod ng mga balita, ang pagsusulong nito ng mga nagtatagisang
kampo ay nakapaghahati sa bayan, at lalo lamang bumubulag sa madla sa
katotohanang wala sa pulitika ang ipagbabago at ikauunlad ng ating bayan. Wala rin tayong dapat hiranging bayani
(lalo na’t nabubuhay pa o
kamamatay lamang) pagka’t ang ating buhay at
kaligtasan bilang isang bansa ay nakasalalay sa ating pagkakaisa, malinis na
pamumuhay, matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin, at mapagmahal na
pakikitungo sa kapwa bilang mga taong may takot sa Diyos.