Technical assessment: 3
Moral assessment: 3.5
CINEMA rating: PG 13
“Quadruplets”
sila Girlie (Girl), Peter (Boy), Mark (Bakla) at Panying (Tomboy)—lahat ay
gagampanan ni Vice Ganda.
Magkakahiwalay sila mula sa pagkabata: si Girlie at si Peter ay
makakasama ng kanilang amang si Pete Jackstone (Joey Marquez) sa Amerika
samantalang si Mark at si Panying ay mapupunta sa kanilang inang si Pia
Jackstone (Maricel Soriano), sa Pilipinas. Magkakasalubong muli ang kanilang mga landas nang hindi
inaasahan. Magkikita kita sila at
ilalahad na ng mga magulang nila ang katotohanan kung bakit sila
nagkahiwa-hiwalay. Dadaan sila sa
pagsubok pagdating ng panahong mangangailangan ang isa sa quadruplets ng liver
transplant, at isa sa tatlo pang magkakapatid ang maaaring maging donor nito.
Ano naman
kayang lahi at nakaraan ang pinanggalingan ni Pete at ni Pia at di lamang sila
nagkaanak ng quadruplets kundi pati
ang dalawang kasarian nito’y nagsanga-sanga pa. It’s complicated, ika nga. Pero sa kabila ng medyo gumaralgal na istorya, maayos ding
lumabas ang pelikula; malaking bahagi ang naiambag ng galing ng pagganap at characterization ni Ganda. Sabi nga ng mga tagahanga, “kering-keri
niya”. At siyempre pa, patok din
ang arte ni Soriano bilang ina ng quadruplets. Sa panig na teknikal, wala namang
kamangha-manghang elemento ang makikita sa pelikula; inihahain lang nito ang
inaasahang makita ng manonood.
Maraming
magagandang halimbawa ang dulot ng pelikula. Nangunguna na rito ay ang pagiging mabuting ina ni Pia. Kahit iba-iba pa ang mga gawi at
pag-uugali ng kanyang mga anak, pantay-pantay ang tingin siya sa mga ito, at
tunay din niyang minamahal ang apat.
Hindi rin siya nagtatanim ng galit sa asawang nahiwalay; matimtiman
niyang tinitiis ang bigat ng loob, at bagama’t siya ang tunay na asawa ay hindi
siya magmamatigas sa kanyang pananaw.
Buo rin ang pananalig niya na ang kanyang mga anak ay higit pang
magiging mabubuting tao. Ayon din
sa pelikula, hindi lahat ng bakla ay ugat ng iskandalo o kahihiyan. Kung mahusay ang pagpapalaki sa kanila,
isang maaliwalas na kinabukasan ang mapapasakanila.