Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
Moral assessment: 2.5
MTRCB rating: GP CINEMA rating: PG13
Pagkatapos masugpo ang
teroristang si Billy Aladdin nuong naunang serye, di na mapigilan ang pagsikat
ni Benjamin Santos (Ganda) hanggang umabot na sa ulo niya ang tagumpay at
mapabayaan na niya ang kanyang tungkulin. Bilang parusa ay gagawin siyang tagapagbantay
ng anak ni General Wilson Chua (Richard Yap) na si Bimby (Aquino). Kasama sa
misyon ni Private Benjie ang hulihin ang kalooban ng bata dahil siya ang nakaaalam ng kinalalagyan ng mga
itinanim na bomba ng mga terorista sa Pilipinas.
Kahit saang aspeto tingnan ay walang
ikinaganda ang pelikulang THE AMAZING PRAYBEYT BENJAMIN maliban sa pagtumbok
nito sa hangarin magkaroon ng pinakamalaking kita nitong nakaraang Film
Festival. Walang intensyong tahiin ang mga eksaheradong eksena sa malinaw na
naratibo at matibay na istorya. Sa halip ay ginawang tagpi-tagping patawa at
patutsada sa kung ano ang uso sa panahon. Ang masakit ay ni walang pagsusumikap
na makabawi at malagyan ng kaunting bahid ng saysay ang pelikula. Ang komedya
ay hindi lamang ang kakayahang magbitaw ng maanghang na patama sa sarili. Dapat
ay may kahit kaunting talino mula sa konsepto ng katatawanan at sa mismong
pagsasapelikula nito. Sayang ang galing ni Vice dahil para pa ring nasa “set”
ng Gandang Gabi Vice at Showtime ang kanyang atake. Nakakasawa na rin naman ang
istilong ito kung tutuusin. Isa lang ang sagot ko kung bakit patuloy na
tinatangkilik ng milyong-milyong Pinoy ang ganitong uri ng palabas kahit alam
naman natin na may sapat silang talino para manuri at manimbang—mas mura kasi
ang bayad sa tiket sa sine kaysa Comedy Bar, pareho din lang naman ang uri ng
katatawanang hatid ng pelikula.
Nais ipaalala ng pelikula ang
dalawang bagay. Una, gaano mang kalaki ang tagumpay na natamo, hindi ito dapat
ipagmalaki at gawing dahilan para pabayaan ang tungkulin. Ikalawa, ang pagmamahal ng
isang magulang ay hindi nasusukat sa tagumpay, sa dami ng kayang ibigay na
materyal na bagay, at sa kasaganahan ng buhay. Mas matimbang ang presensya ng
magulang, pagdamay, at pagsuporta nito para sa isang bata dahil sa pamamagitan
ng mga ito nararamdaman nila ang pagmamahal at pagtanggap na siya namang
huhubog sa kanilang pagkatao at kabutihang asal. Salat si Bimby sa atensyon at
pagmamahal ng ama, na napunan naman kahit kaunti ng presensya ni Benjie. Sayang
nga lamang at hindi ito binigyang diin at katapusan ng kwento. Matatawag na
malinis ang komedya dahil wala namang kabastusan o karahasang ipinakita, ngunit
hindi rin ito tamang ipapanuod sa mga bata dahil wala rin namang katuturan ang
kwento nito. Kung hindi sila masasamahan at magagabayan ng responsable at marunong
na nakatatanda sa panonood, mabuti pang maglaro na lamang ang mga bata ng
patintero sa bahay.