Direction: Erik Matti; Lead cast: Dingdong Dantes, Joey Marquez, Lotlot de Leon, Isabelle Daza, Elizabeth Oropesa, KC Montero; Screenplay: Michiko Yamamoto, Visual Effects: David Yu; Editing: Vito Cajili; CDirector of Photography; Shing Fung Cheung; Production Design: Ericson Navaroo; Producer: Jose Mari Abacan, Trina Dantes-Quema, Erik Matti; Music: Erwin Romulo; Location: Manila; Genre: Fantasy-Adventure; Distributor: GMA Films
Technical Assessment : 3
Moral sssessment: 2.5 MTRCB Rating: PG13 CINEMA Rating: V14
Pagkatapos
na pagkatapos ng sagupaan ng pamilya nina Makoy (Dingdong Dantes) at Sonia (Hannah
Ledesma) sa mga Tiktik ng Pulupandan ay tatakas sila kasama ang mga nakaligtas
patungong Maynila. Kaya nga lamang ay lulusubin sila ng mga kubot, sa
pangunguna ni Veron (Oropesa), bilang paghihiganti sa pagkakapatay nina Makoy
sa lahi ng mga Tiktik. Tanging sina Makoy at Nestor (Joey Marquez) ang
makaliligtas. Lilipas ang dalawang taon at makikita sina Nestor at Makoy, na
ngayon ay putol na ang kanang kamay, na nakikitira sa kapatid nito na si Nieves
(Lotlot de Leon). Si Nieves ay mapaghinalang
sekretarya ng ob-gyne na si Alessandra
(Daza), isang aswang na natutong gumalang at mamuhay kasama ng mga ordinaryong tao.
Hinahanap ng doktora ang may pakana ng di maipaliwanag na pagbabangong-anyo ng
mga tao pagkatapos kumain ng Dom’s Hotdog. Samantala, si Dom (KC Montero), may ari ng pagawaan ng
hotdog, ay isang aswang na nagbabalak na sakupin ang mundo sa pamamagitan ng
paghahalo ng karne ng tao sa kanyang hotdog
upang maging aswang ang sinumang kumain nito. Plano ni Dom na pakaiinin ang
isang buong bayan ng kanyang mga hotdog
sa ilalim ng pagkukunwari ng isang libreng konsyerto. Papatayin ni Dom ang
matatandang aswang na kukumpronta sa kanyang gawain. Tanging si Veron ang
matitirang matandang aswang. Bantulot na magkakatulungan sina Veron at Makoy
para pigilan ang planong ito at tuluyang sugpuin si Dom at kanyang mga kampon.
Tinangka
na lagpasan ng Kubot ang tagumpay ng
Tiktik sa larangang biswal at
teknikal. Nagawa naman ito kung pagbabasehan ang hinakot na tropeo ng pelikula
sa nakaraang MMFF. Mahusay ang mga special
effects na ginamit lalo sa ilang eksena na labanan nina Makoy at mga
aswang. Kung ito lamang ang basehan, totoo naman nakakaaliw at sulit ang oras
at pera na panuorin ang Kubot. Kaya nga lamang, dapat ang isang
pelikula ay higit pa sa mga pampabilib na visual
effects—kung hindi ay maglaro ka na lamang ng computer games. At ito ang isa sa pinakamalaking kahinaan ng pelikula.
Ano ba ng sentro? Ang galit ba ni Makoy? Ang pahihiganti ba ng mga kubot Ang
plano ba ni Dom? Ang malasakit ba ni Alesandra? O ang kabayanihan ng angkan
nina Nieves? Pwede namang paghalu-haluin. At ito nga ang nangyari… halo-halong maliit
na kwento na pinagtagni-tagni ng kaunti patawa rito at aksyon duon. Nakakaaliw
pero kailangang habulin mo pa ang katuturan. Dagdag pa ang mala-tuod na
pagganap ni Daza, ang OA na atake ni Dantes at ang mala-karikaturang
interpretasyon ni Montero sa kani-kanilang katauhan. Mabuti na lamang at nasalo
sila nina de Leon at Marquez na magaling ang tyempo ng komedya. Isa pang palpak
ay ang pagkakalapat ng musika. Parang langis at tubig ang eksena at musika na
ayaw magtagpo at matimpla. Sa larangang biswal, totoong maganda naman ito pero malayo
sa sinundan nitong Tiktik na animo’y
pahina ng komiks ang buong eksena.
Ang
kabayanihan ay hindi ang walang wawang tapang at pagsabak sa panganib.
Nagmumula ito sa malasakit sa kapwa at kagustuhang gawin ang tama para sa
ikabubuti ng lahat. Madalas sabihin ni Nieves na lahi nila ang bayani at
matatapang kaya’t sugod siya ng sugod kahit alanganin ang sitwasyon. Pero kung
babasahin mo ang pagkatao ni Nieves, ang nagtutulak sa kanya na makialam ay ang
malasakit sa kapwa at pagnanasang maging bahagi ng ikabubuti nila—na siya
namang kabaligtaran ng katauhan ni Makoy simula nang maranasan niya ang sakit
na mawalan ng asawa at anak. Maganda sana kung sinikap ng pelikula na ipakita
ang hatakan ng motibo ng dalawang ito para lalong naging makabuluhan ang
pagkakaisa ng magkalabang mortal na sina Makoy at Veron sa dulo. Pero nanaig
ang komersyo at natabunan ito ng malabnaw na naratibo. Sa kabilang dako,
nakababagabag sa mga bata ang konsepto ng paghahalo ng giniling na karne ng tao
sa hotdog. Kahit na ba tinakpan ng special effects ang proseso ng paggiling
sa tao ay matatandaan pa rin ito ng mga bata lalo na’t hotdog ay isa sa paborito nilang pagkain. Ang problema ay hindi ang
pandidiri o pagkatakot ng mga bata kundi ang pagkamanhid ng kanilang sensitibidad
sa mga konseptong ganito. Isang eksena na hindi masyadong napaliwanag ay kung
bakit may aswang na pari at sa loob pa ng simbahan nag tagpo-tagpo ang mga
aswang. Muli, hindi isyu ito ng pagiging mapagpuna pero hindi ba’t medyo
nakakawala ng respeto naman ito sa tahanan ng Diyos? Parang sinasabi nito na
ang isang simbahan ay isang karaniwang gusali lamang na maaaring pagdausan ng
kahit ano nang walang pagsasa-alang-alang sa itinuturo ditong kapangyarihan ng
Maykapal. Mas mabuti kung ang
pelikula ay hindi hayaan ipapanuod sa mga bata.