Technical assessment: 3
Moral assessment: 3.5 MTRCB rating: G CINEMA rating: PG 13 (For
viewers 13 years old and below with parental guidance)
Tatlong maiikling kuwento ang bumubuo ng mga adventures sa pelikula. Una: Sirena. Pangarap ng tabachingching na si Jessa (Ryzza Mae Dizon) na
maging isang sirena. Sinamantala
ito ng huklubang si Tandang Wishy (Pauleen Luna) na nangako sa bata na
matutupad ang kanyang hiling. Natupad
nga ito at pilit na itinatago ng pamilya ni Jessa, sa tulong ng kanyang ninong
na si Bossing (Vic Sotto). Lingid
sa kaalaman ni Jessa, masama ang tangka ni Wishy sa pagkakapaunlak nito sa
pantasiya niya; nalaman na lamang niya nang siya ay habul-habulin ng mga pusang
gusto siyang papakin. Ikalawa: Taktak. Sa buyo ng kanyang tiyuhin, nagpapanggap na “medium” si
Angel (Dizon), na diumano’y may kapangyarihang makipag-usap sa mga namatay
na. Ihahantad ang panglolokong ito
ni Vince (Sotto), ang tv host ng
“Instigador.” Ikatlo: Prinsesa. Ipinanganak na pangit ang isang prinsesa (Dizon). Lingid sa kaalaman ng hair at reyna, ipinalit
ng kapatid ng reyna at ng asawa nito ang kanilang lalaking sanggol na anak sa
prinsesa upang lumaking prinsipe at isang araw ay siyang maging hari. Lumaki ang pangit na prinsesa sa piling
ng mga baboy kaya’t inakala niyang siya’y isang biik; sa katunayan,
pinangalanan nga siyang “Biiktoria.”
Kung
ihahambing sa My Little Bossing nung
nakaraang taon, mukhang sinikap ng pelikula na bawas-bawasan ang kababawan ng
mga kuwento ng My Big Bossing. Gawa na rin ng likas na husay ni Ryzza
Mae sa pagganap, kaiga-igayang sundan ang mga misadventures ng tambalang Dizon at Sotto, at maayos din naman ang
daloy ng mga kwento. Pero tulad ng
dati, tila walang ambisyon ang pelikula na maging katangi-tangi o maging isang quality movie—sapat na sa kanyang
magpaligaya siya sa mga nanonood, kaya’t huwag na tayong maghanap ng pulidong screenplay o kaya’y dibdibang
pag-arte. Nabawasan, pero hindi
rin lubusang matanggal ang garapalang product
placement nito; tiyak na kumikita rin ang pelikula mula sa pagsingit sa script ng mga slogan na kilalang nagbebenta ng produkto.
Pero
meron din namang iniiwang mga mahalagang kabuluhan ang pelikula. Sa Sirena,
malinaw na malinaw ang aral: masiyahan sa sariling kaloob ng Diyos at huwag
nang hangaring baguhin ito. Sa Taktak: isang malaking kasamaan ang
manglinlang ng kapwa, lalo na’t pinagsasamantalahan mo ang pagluluksa nito at
pagkasabik sa yumaong minamahal.
Sa Prinsesa: Ang mga anak ay
dapat mahalin, ano pa man ang itsura ng mga ito; at ang mga paslit ay may
busilak na puso na dapat arugain pagkat “sinisipsip” nito ang anumang
impluwensiya sa kanilang kapaligiran.