DIRECTOR:
Enzo Williams LEAD CAST: Robin Padilla, Vina Morales, Daniel Padilla, Eddie Garcia SCREENWRITER: Enzo Williams, Carlo
Obispo PRODUCER: Rina Navarro, EA Rocha EDITOR: Manet
Dayrit MUSICAL
DIRECTOR: Von de Guzma GENRE: Drama, Biopic DISTRIBUTOR: Philippians Productions LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 91 mins.
Technical Assessment: 4 Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: PG 13 (for
viewers 13 years old and below with parental guidance)
Magsisimula
ang pelikula sa pagpapakitang nasasaksihan ng batang Andres Bonifacio ang paggarote
kina Padre Gomez, Burgos at Zamora
(Gomburza) na pinaparatangang nagrerebelde sa
mga Kastila. Matapos nito’y makikitang
itinatatag ang grupong La
Liga Filipina na naglalayong
pag-alabin ang damdamin ng mga Pilipino laban sa pang-aapi ng mga Kastila na
siyang sumakop sa Pilipinas sa loob ng 300 taon. Dito magiging kaibigan ni Bonifacio (Robin Padilla) si Dr.
Jose Rizal (Jericho Rosales) na
magsasabi sa kanya kung ano ang nararapat at naaayong gawin ng mga Pilipino
upang makamit ang minimithing kalayaan. May magkakanulo sa La
Liga Filipina at ito ay
mabubuwag;
makukulong si Dr. Jose Rizal at mahahatulan ng kamatayan. Matapos nito’y
itatatag ni Bonifacio ang Katipunan at magisisimula ang armadong pakikipaglaban
sa mga Kastila. Susundan ng pelikula ang buhay ni Bonifacio mula 1892 kung saan niya
makikilala ang pangalawa niyang asawang si Gregoria de Jesus (Vina Morales) hanggang sa
kanyang mga huling araw ng paglilitis
at kamatayan sa Cavite.
Maituturing
ang Bonifacio:
Unang Pangulo bilang
pinakamalaking pelikula na tumalakay sa buhay ng bayaning si Andres Bonifacio.
Pinagbuhusan ng husay at talino ang pagkakagawa nito. Mula sa disenyong
pamproduksiyon, mga kuha ng kamera, komposisyon, editing at kabuuang dating ay hindi
maitatangging tunay na tinustusan
ang pelikula. Hindi rin magpapahuli sa pag-arte ang mga pangunahin nitong
tauhan na pinangungunahan nina Robin Padilla, Vina Morales at Jericho Rosales. Walang itulak-kabigin sa kanilang husay at galing. Sayang nga lang
at tila marami pa ring elemento ng kuwento ni Bonifacio ang tila hindi pa rin
nasabi sa pelikula. Hindi rin gaanong napapanindigan ang mga sinisimulang
kwento tulad ng pag-iibigan nila Andres at Oryang na tila napabayaan sa kalagitnaan ng
pelikula. Sadyang nakapanghihinayan na tila walang bagong sinabi ang pelikula patungkol
sa pagkabayani ni Bonifacio maliban
sa dati nang ipinakita ng
mga naunang palabas patungkol sa bayani. Hindi naman gaanong nakatulong ang
paglalagay ng elemento ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon dahil hindi
naman tumatahi sa mga ito ang kuwento ng bayani. Masasabing kahit wala sila sa
pelikula ay tatayo pa rin ito. Sa kabila nito’y bibihira pa rin ang mga
pelikulang tulad ng Bonifacio: Ang Unang Pangulo at karapat-dapat pa rin itong bigyan ng pansin ng mga
Pilipinong manonood.
Tila isang malaking sampal sa ating kasaysayan ang
kwento ni Bonifacio na sa bandang huli’y tila ipinagkanulo at pinatay ng kapwa
Pilipino. Hindi ito magandang imahen para ating karakter bilang isang lahi. Ngunit
sadyang marami tayong matututunan sa kasaysayan at ang isang madilim na bahagi
na ito ay nararapat nating pag-ukulan ng masusing pag-aaral. “Hindi pa tapos ang rebolusyon,” ika nga ng awit ng pelikula. Si
Bonifacio ay buong tapang na lumaban sa mga mananakop na Kastila. Ito ay sa
kabila ng nakaambang panganib sa kaniyang buhay. Kung ganyang uri ng pagmamahal
sa bayan mayroon ang bawat Pilipino, disinsana’y walang naaapi at walang mahihirap.
Ngunit lumilinaw na ang tunay na rebolusyon at pakikibaka, at ang tunay na
kalaban ng Pilipinas, ay mismong mga Pilipino rin. Ang tunay na rebolusyon ay
nasa puso ng bawat Pilipino. Kailangan malabanan at malagpasan ng bawat isa sa
atin ang kasakimaan, kabuktutan at
pagkauhaw sa kapangyarihan at kayamanan. Kapag nagawa natin ito, matututo na
tayong unahin ang kapakanan ng bawat isa, ang kapakanan ng kapwa, at kapakanan
ng bayan bago ang ating sarili. Bagama’t hindi nakatulong sa pag-usad ng
kwento, ang mga kabataan sa pelikula ay sumisimbolo na dapat patuloy na
mag-alab ang pusong bayani lalo na sa mga kabataan na siyang kinabukasan ng
bayan. Marami ring matutunan sa wagas na pag-iibigan nila Andres at Oryang. Sa
kabuuan ay isang kaaya-ayang karanasan at siksik sa pagpapahalagang moral ang Bonifacio: Unang Pangulo, kailangan
lamang na magabayan ang mga batang manonood upang maipaliwanag nang husto at
maayos ang madilim na bahaging
ito ng
ating kasaysayan.