DIRECTOR: Chito S. Roño LEAD CAST: Kris Aquino, Coco Martin, Cherry Pie Picache, Carmi Martin, Ian Veneracion SCREENWRITER: Roy Iglesias, Chito S. Roño PRODUCER: Star Cinema/K Production EDITOR: Carlo Francisco Manatad MUSICAL DIRECTOR: Carmina Cuya GENRE: Horror CINEMATOGRAPHER: Neil Daza DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 1 hr. 40 mins
Technical
assessment: 3 Moral assessment: 2
CINEMA rating: V14
Ang Feng Shui 2 ay ang pagpapatuloy ng salaysay tungkol sa isang “bagua”
na sinimulan ng naunang pelikula noong 2004. Bayarang magnanakaw si Lester (Coco Martin), at para kumita
nang malaki, ninakaw niya ang bagua sa isang Buddhist temple para sa isang
kliyenteng intsik. Naganap naman ang
gawain niya pero bumabalik sa kanya ang mahiwagang bagua. May “malas” at “suwerte” na kalakip ang
bagua na dumarating sa mga nagmamay-ari nito. Hindi maniniwala si Lester na may kinalaman ang bagua sa mga
pangyayari sa buhay niya, kahit na payuhan pa siya na kailangan nilang wasakin
ang bagua kasama ni Joy (Kris Aquino) at Lily (Cherry Pie Picache) para maputol
ang sumpang kaakibat nito.
Magaling
ang pagkakagawa ng simula ng pelikula, lalo na’t ang setting nito—ang lugar na tinitirahan ni Lester at ng kanyang
lasenggang ina (Carmi Martin)—ay sumasalamin sa karukhaan ng mga Pilipino,
isang lugar na pinagpupugaran ng mga tigasin at kriminal. Malinaw din ang daloy na kuwento
hanggang sa dumating ang dalawang babaeng dating mga may-ari ng bagua: dito
medyo nagka-sanga-sanga na ang mga paliwanang tungkol sa maitim na
kapangyarihang bumabalot sa bagua, at pati Chinese
zodiac ay nadawit na rin, sa tangka marahil ng director na ipakitang
ganoong katindi ang kapit ng bagua sa buhay ng mga nag-may ari nito, lalo pa’t
kung titingnan ang salamin na nasa gitna ng bagua.
Ang
mga pelikulang tulad ng Feng Shui 2
ay mauunawaan nang lubusan at sa tamang paraan ng mga taong may matibay nang
pananalig sa Diyos, sa kabutihan Niya, at sa pagaaruga Niya sa ating Kanyang
mga nilikha. Kapag ang paniniwala
ng isang tao ay “naka-angkla” sa isang madilim na kapangyarihang nagdudulot ng
“swerte” o “malas” sa kanyang buhay, hinihila siya nito tulad ng isang mabigat
na angkla, papalubog sa pusod ng dagat kung saan walang liwanag at hangin na
bumubuhay sa kanya. Pansinin natin
na alipin ng takot at pagkaganid ang dalawang babae: ang isa ay hindi pa
makalimot sa mga yumaong anak, at ang ikalawa naman ay walang katapusan ang
paghahangad ng kayamanan. Sa mundo
ng Feng Shui 2, walang nakakaalala
sa kay Kristo at sa landas ng liwanag na binuksan ng Kanyang pagkamatay at
muling pagkabuhay. Gusto ba ninyo
ng ganoong makulimlim na mundo—laging takot mawalan ng minamahal at ninanasang
kamunduhan?