DIRECTOR: Dan Villegas LEAD CAST: Jennylyn Mercado, Derek Ramsay SCREENWRITERs: Anj Pessumal &
Antoinette Jadaone GENRE: Romance, Comedy
PRODUCTION;
Quantum Films, MJM Productions, Tuko
Films LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 90 mins
Technical
assessment: 3.5 Moral assessment: 3 CINEMA Rating: V 14
Napili ni Julian Parker (Derek Ramsay) si
Tere Madlangsaya (Jennilyn Mercado) sa ginawa niyang online search para maging Filipino tutor sa pagbisita nya sa
Pilipinas. Layunin ni Julian sa kanyang byahe sa Pilipinas na hanapin at harapin
ang nang-iwang girlfriend na
Filipina. Ang pangunahing trabaho ni Tere bilang tutor ay isalin sa Tagalog ang
inihandang sulat ni Julian sa English at maturuan siyang maipahayag ang
nakasulat at makapaglabas siya ng galit na damdamin. Natuto naman si Julian
kahit palagi niyang pakiusap na kausapin siya sa English dahil di siya lubos na
makaintindi ng Tagalog. Samantalang pilit na pinapanatili nilang dalawa ang
pormal na relasyon nila bilang tutor at estudyante ay di naiwasan na makagiliwan
nila ang isa’t isa. Kaya sa punto na namroblema si Tere sa nobyo na maliwanag
pa sa sikat ng araw ang pangloloko sa kanya ay kay Julian siya nakapaghinga ng
sama ng loob. Hanggang sa nagkasundo sila na tulungan ang isa’t isa na makapag move on mula sa mga di naging magandang
relasyon sa pag-ibig.
Simple lamang ang daloy ng kwento ng
pelikulang English Only, Please. Hindi
naman seryoso na tungkol sa wikang Ingles o Filipino ang pelikula katulad ng
sinasaad ng pamagat. Pero informative naman ang dating ng
diksyunaryo, bagamat hindi pormal na salita ang karamihan. Samantala sa kabila ng simpleng plot ay nagawa ng direktor na maging kaaliw-aliw
ang mga eksena. Pangunahin sa nagbigay kulay sa romantic comedy na ito ay ang mahusay na pagganap lalo na si
Mercado. Nabigyan nya ng katarungan ang papel ni Tere na isang babaeng magaling
sa diskarte sa buhay at pagtulong sa pamilya pero aminadong tanga sa pag-ibig.
May dating ang paghahatid nya ng mga linya lalo na ang mga patawa. Nasabayan
naman ito ni Ramsay. Yun nga lang, tila walang chemistry ang dalawa sa screen.
Nakita sa pelikula ang kaibahan ng pagkatao ng ginampanan nilang dalawa. Maganda
ang disenyo ng produksyon gayon din ang make-up.
Malinis ang editing at walang naging
problema sa pagpapalit ng mga eksena. Akma
ang mga inilapat na tunog at ilaw. Maliwanag ang mga kuha ng camera na akma
lamang para sa tema ng light romance
comedy. Naghatid din ng aliw
ang inilapat na musika tulad ng mga piling awitin na naitampok sa pelikula. Sa
kabuuan ay halata na matipid ang produksyon subalit naging malikhain ang mga
responsable sa likod ng mga
teknikal na aspeto ng pelikula at naging maganda ang kinalabasan.
Ipinakita sa pelikula na ang di magandang
hangarin tulad ng paghihiganti sa pamamagitan ng masasakit na salita ay maaring
mabago kapag nakadama ng tunay na pag-ibig. Ang tao na totoong nagmamahal ay nakikita
ang kagandahan ng puso at kalooban sa kabila ng sitwasyon na umiiral ang
katangahan at kawalan ng respeto sa sarili. Pinakita din ng English Only, Please na may puwang ang
pagbabago sa buhay ng isang tao. Samantala ang pagsuporta sa pamilya ay likas
sa mga Filipino. Katulad ng karakter ni Tere na ginagawa ang lahat at
nagsasakrispisyo na malayo sa pamilya para makapagpadala ng ayuda at
makapagpatayo ng pangarap na bahay sa probinsya. Bagamat nagkakagustuhan ay naging malinis ang naging relasyon
ng mga karakter nina Tere at Julian bilang tutor at estudyante na sa kalaunan
ay naging magkaibigan bago nag-aminan na pareho silang nararamdaman sa isa’t
isa.
Di mapapasubalian na may mga positibong
ipinakita ang pelikula. Subalit tumalakay din mga sensitibong tema ang pelikula
katulad ng casual sex sa pagitan ng
karakter ni Tere at ng manlolokong nobyo, unprofessionalism
bilang tutor sa pananamit, di
pagsuheto sa pakikipaglampungan ng estudyante habang may tutorial lesson, at pagdadahilan sa pagdating ng huli sa takdang
oras. Nakakabahala din na pinakita sa pelikula ang tila cheap na paraan ng kaibigan ni Tere sa paghahanap ng boyfriend na lantarang ipinapakita sa
anak bilang katanggap-tanggap na sitwasyon. Ang pamilya naman na sinusuportahan
ni Tere sa probinsya ay tila di nagpapahalaga sa sakripisyo ng kapamilya at
hinahayaan lamang ito dahil sa paniwala ng sumusuporta na nagbabayad utang sya
ng mabigo ang pamilya na makapagtapos sya ng pag-aaral.