Director:
Joel Lamangan
Lead
Cast: Eddie Garcia, Tony Mabesa, Gloria
Romero, Aiko Melendez, Sunshine Dizon, Tirso Cruz III
Screenwriters:
Ferdinand Lapuz, Joel Lamangan, Eric
Ramos
Producer:
Dennis Evangelista
Editor:
Mail Calapardo
Musical
Director: Emerzon Tecson
Genre:
Drama
Cinematographer:
Rain Yamzon
Distributor:
Heaven’s Best Productions
Location:
Bulacan, Philippines
Running Time: 1
hr 51 mins
Technical
assessment: 3
Moral
assessment: 2.5
CINEMA
rating: V13
MTRCB:
PG 13
Nang mabalitaan ni
Ramon Estrella (Garcia) na pinili ni Fredo (Mabesa) na sa bahay na gugulin ang
nalalabing araw, dali-dali
siyang nagdesisyon na iwan ang pamilya at alagaan ang kababata. Madaling
pumayag ang asawang si Sylvia (Romero) subalit hindi ang mga anak na sina Mayor
George (Melendez), Emman (Cruz) at Fe (Dizon). Lalo na nang aminin ni Ramon na
mahal niya ang kanilang ninong Fredo katulad ng pagmamahal niya sa kanilang
ina. Ang paghantad ni Ramon ng kanyang kasarian ay naging kontrobersyal na usapin.
Una, dahil dati siyang senador. Ikalawa, dahil Mayor ang kanyang panganay na
anak. Ikatlo, dahil may social media.
Maapeektuhan ang relasyon ng pamilya Estrella subalit mananaig ang pagtanaw ng
utang na loob sa ipinakitang kabaitan at pagsuporta ni Fredo kina Ramon at
Sylvia mula pa nuong kabataan nila. Sa huli, matutunan din nila ng tanggapin at
igalang ang pagmamahalan ng dalawang lalaki.
Nagwagi bilang pinakamahusay na pelikula ang “Rainbow’s
Sunset” sa nakaraang MMFF. At di naman maikakaila na malayo ang agwat nito sa karamihan
nang kalahok at ang kalidad ng pag-atake sa karakter ng mga batikang aktor.
Nangingibabaw dito si Mabesa sa kanyang mahinahong pagbalanse sa hirap ng cancer at sa diskriminasyon sa bawal na
relasyon. Hindi rin maitatanggi ang makatotohanang damdaming ibinigay ni
Melendez bilang Mayora. Isang malaking tagumpay ang masusing pagbuo ng disenyo
ng nakaraang limang dekada habang sinusundan ang kabataan ni Ramon at Fredo. Sa
unang pagkakataon din ay may pagkakahawig ang mga mukha ng mga batang bersyon
at ng kani-kanilang mga supling. Maganda naman sa kabuuan ang pelikula at nakuha
ang damdamin ng mga manunuod sa biglang pagkabig ng kwento sa huli. Kung
bubusisiin nga lang ay masisilip ang mga kahinaan nito, tulad ng hindi
makatotohanang pagpili ng mga salita, ang malabnaw na pagbuo sa motibasyon ng
mga tauhan, at ang sala-salabat na alitan ng mga pangalawang tauhan sa halip na
ituon ang pagdaloy ng kwento sa masalimuot na relasyon nina Ramon, Sylvia at
Fredo. Marami tuloy ang naiwang
nakabinbin. Ano ang nangyari sa kasintahan ni Fe? Hindi ba nahuli si Emman sa
kanyang iligal na transaksyon? Anong klase ang asawa ni Mayora na may mga lihim
na iligal na gawain? Hindi mahigpit ang
pagkakatahi ng kwento bagama’t nasalba ito ng kahusayang teknikal at ng drama
sa dulo.
Ang unang mapapansing tema ng pelikula ay ang homosekswal
na relasyon nina Ramon at Fredo. Pinili
nitong tahakin ang matamis na pag usbong ng inosenteng pag-ibig na lumalim at
tumibay hanggang sa katandaan. Sa mga
konserbatibo, hindi katanggap-tanggap ang relasyong ito. Sa kabilang dako, ang
mga naturingang “liberated” at mga
kapatid na LGBT ay magdiriwang sa walang takot na pagsulong ng pelikula sa
relasyong homosekswal bilang tunay na pag-ibig. Masasabi rin namang malinis ang
pagkakagawa rito kung tutukuyin ang homosekswalidad bilang tema. Matagumpay
namang ipinakita nito na may iba’t ibang mukha ang pag-ibig at walang dapat
humusga sa kabusilakan ng nag-iibigan. Malinaw ding ipinahatid ang halaga at
suporta ng pamilya at ng kabutihang laging sinusuklian ng kabutihan. Ang
problema ay hindi dahil sa pag-iibigang homosekswal, kungdi ang tahasang
pangangaliwa ni Ramon. Papaanong magiging katanggap-tangap sa isang babae (o
lalaki man) na may ibang mahal ang kanyang asawa? Pambayad-utang ba ang isang asawa? Sukli ba ang pang-unawa ni babae sa
pagsuporta ni Fredo sa mga pinansyal nilang pangangailangan? Hindi naging malinaw kung nagtuloy ang sekswal
na relasyon nina Ramon at Fredo habang kasal ang una kay Sylvia. Ipagpalagay na
nating hindi at naging matalik na magkaibigan lamang ang dalawang magkababata. Hindi
pa rin naging makatwiran ang desisyon ni Ramon na basta na lamang iwan ang
asawa upang tumira sa bahay ni Fredo at lantarang ipakita ang kanyang damdamin.
Hindi para lang walang masabi ang ibang tao pero para pangalagaan naman ang
damdamin ng mga mahal niya sa buhay. Maaaring marangal ang intensiyon ni Ramon na
makapiling si Fredo sa mga huling sandali ng kanyang buhay, pero ito ay desisyon
ng isang makasariling bata. May
sinumpaang pagmamahal at legal na obligasyon ang kasal. Kung mahal niya si Sylvia, dapat niyang
kinalimutan si Fredo. Kung mahal niya si
Fredo, hindi siya dapat bumuo ng pamilya kay Sylvia. Hindi isyu ang LGBT… ang
isyu ay ang katapatan sa taong minamahal.—PMF