Monday, January 7, 2019

Otlum


DIRECTOR: Jovenor Tan
STARRING: Ricci Romero, Jerome Ponce, John Estrada, Kiray Celis, Irma Adlawan, Pen Medina, Buboy Villar, Michelle Vito, Vitto Marquez and Danzel Fernandez.                
SCREENPLAY BY: Mike Tan, Jovenor Tan
GENRE: Horror
PRODUCTION COMPANY: Horseshoe Studios
COUNTRY: Philippines
LANGUAGE: Pilipino
RUNNING TIME: 1 hour 30 minutes
Technical Assessment: 1.5
Moral Assessment: 1.5
Cinema Rating: PG13
MTRCB Rating: PG
Nais mabapilang ni Fred (Buboy Villar) sa barkadahang pinamumunuan ni Allan (Jerome Ponce). Subalit sa simula pa lang ay pawang ayaw na nila dito sa paniniwala nilang hindi ito nababagay sa kanilang grupo. Magpupumilit pa rin si Fred at sa kabila ng maraming insidente na siya ay pinahiya at pinaasa, papayag pa rin siya sa mga ipapagawa sa kanyang pagsubok. Pinakamatinding pagsubok na ipapagawa sa kanya ng grupo ay ang manatili nang magdamag sa isang abandonadong bahay-ampunan na pinaniniwalaang pinamamahayan ng mga multo dahil sa madilim nitong nakaraan. Makayanan kaya ni Fred ang huling pagsubok na ito? Anong misteryo ang nagtatago sa loob ng abandonadong bahay-ampunan?
Isang payak at masasabing hindi gaanong pinag-isipan ang pelikulang Otlum. Mula sa pamagat nito na tila wala nang maisip talaga—Otlum ay millennial speak kuno na “multo” na binaligtad tulad ng lodi para sa idol—hanggang sa kakatwang mga kuwento at mga karakter na malabo ang pinanggagalingan. Maging ang mga dayalogo at linyahan ay pawang katawa-tawa bagama’t katatakutan ang genre ng pelikula. Luma na rin halos lahat ng ginawa nilang pakulo upang manakot. Dismayado tuloy ang maraming manonood na umaasang sila ay makakaranas ng katatakutan. Nasayang ang husay ng mga aktor na karamihan naman ay may ibubuga sa pag-arte tulad nila Villar, Ponce, Kiray Celis , mga beteranang sila Irma Adlawan, Pen Medina at John Estrada, at maging ang baguhan na si Ricci Rivero. Sa kabuuan ay walang sentro ang pelikula—hindi nila malaman kung saan at kaninong kuwento ang kanilang susundan. Isang malaking kapabayaan ang ginawa nila sa pelikula na kung tutuusin ay maraming pwedeng nagawa kung pinagbuhusan lamang ito ng panahon at pag-iisip. Halatang minadali na lamang ang lahat upang makaabot sa taunang MMFF (Metro Manila Film Festival) at kataka-taka naman talaga na ito ay nakapasok dito bilang kalahok.
Malabo rin ang nais ipahiwatig ng pelikula kung usaping moral ang pag-uusapan. Nariyang may isang batang hindi malaman kung bakit niya kailangang ipagpilitan ang kanyang sarili sa isang barkadahang pang-aalipusta lamang ang inaabot niya. Hindi malinaw kung bakit mababa ang kanyang pagtingin sa sarili—bukod sa pasaring na hindi siya tanggap ng kanyang ina (na hindi rin malinaw kung bakit) at lumaki rin siyang walang kaibigan (na hindi rin alam ng manonood kung bakit)—wala nang mapiga pa sa kanyang motibasyon. Sa katagalan ay labis na sasama ang loob niya nang malaman ang katotohanang wala siyang pag-asang mapabilang sa barkadahan nila Allan (isang barkadahan ng mga walang kuwentang mga nilalang bukod sa may mga itsura silang lahat)—at dahil dito’y kikitilin niya ang kanyang buhay sa hangaring maghiganti bilang multo?  Katawa-tawa sa halip na nakakatakot. Kataka-taka din na pawang hindi naman siya ang naghihiganti kundi mga ibang multo pa sa bahay-ampunan. Ano kaya yun?  Sa mga multo siya nakatagpo ng barkada? At talaga bang magsisilbing aral sa mga taong matapobre at mapagmataas ang sila ay multuhin at patayin?  Walang katanggap-tanggap alin man sa mga ito. Nariyan din ang anggulo ng pang-aabuso at pang-momolestiya sa mga bata ng isang pari sa dating bahay-ampunan.  Wala ring naging kaparusahan sa kanya.  Siya pa ang nagpakamatay at sa bandang huli’y galit na naghihiganti.  Bakit siya pa ang galit?  Katawa-tawa rin talaga.  Bagama’t ipinakitang sa huli’y nanaig ang kapangyarihan ng krus upang masugpo ang pagmumulto ng pari, wala pa rin itong saysay dahil hindi katanggap-tanggap ang kuwentong pinanggalingan. Isang malaking insulto ang Otlum sa mga manonood—usaping teknikal man o moral. Maging ang mga taong walang magawa sa buhay ay mababagot sa pelikulang ito.—RPJ