Saturday, January 5, 2019

Girl in the Orange Dress


Director:  Jay Abello
Lead cast:  Jericho Rosales, Jessy Mendiola
Producers:  Star Cinema, Quantum Films, MJM Production
Genre: Romantic comedy, drama
Location:  Metromanila
Running time:  100 minutes
Technical assessment:  3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating:  V16
MTRCB rating:  PG
Halos hubo’t hubad na gigising isang umaga si Anna (Jessy Mendiola) sa loob ng isang hotel room, katabi ng movie idol na si Rye (Jericho Rosales).  Hindi niya maalala kung paano siya napadpad doon, o kung sino ang lalaking katabi niya magdamag.  Sa kahihiyan sa sarili, akmang tatakas siya, pero pipigilin siya ni Rye at babalaang huwag lalabas ng hotel nang suot ang kanyang orange dress, pagkat viral na sa social media ang pag-check-in ni Rye kasama ng “girl in the orange dress,” at sa katunaya’y inaabangan na siya ng mga fans at movie reporters na sugapa sa tsimis-artista.  Saka lamang mauuntog sa katotohanan si Anna na ang kasama niya pala sa kama ay ang kaisa-isang idolong kinababaliwan ng kanyang matalik na kaibigan.  Gagawa ng kung anu-anong paraan ang dalawa para lamang makalabas nang hindi nakikita ng media si Anna, bagay na ikapaglalapit nila sa isa’t isa.
Simple at malinaw ang istorya, maayos ang cinematography at productions sets, magagaling magsiganap ang mga supporting actors—sa katunayan, mas nakakasabik sundan ang mga kakulitan nila kesa sa magkaminsan ay nakakainip na eksena nila Rosales at Mendiola, bagama’t kapwa sila “eye candy.”   Kilala na ang husay ni Rosales bilang artista, kaya parang nadadaya ang publiko kapag ganitong papel lamang ang ginagampanan niya.  Gawa ng mala-anghel niyang kariktan, kapani-paniwala naman si Mendiola bilang biktima ng sariling katangahan, pero nakakasawa ring titigan si Anna kapag nagmumukha na siyang tulala at dahil yata sa hangover ay hindi makapag-isip nang maayos.  Pero siguro parehong hilo pa si Rye at Anna, dahil ni hindi nila naisip na magbihis-janitor na lang si Anna para makatakas nang walang nakakapansin.  Sa kabilang dako, kung madaling makakalusot si Anna sa mata ng media, eh di ibang istorya na yon.
Anong makabuluhang ideya ang mapipiga ng manunuod mula sa The Girl in the Orange Dress?  Gustong isipin ng CINEMA na sadyang pinamaga ang istorya—isang kagat ng lamok na naging pigsa—para ipakita ang pagkahayok ng publiko at media sa tsismis-artista, at ang pagkahumaling ng mga tagahanga sa kanilang mga idolo.  Bagama’t hinihingi ng istorya, nakababahala pa rin ang pagsasalarawan ng casual sex na bunga ng kalasingan na para bang ito na ang kalakaran ngayon.   Sa mga taong gumagalang sa lugar ng kanilang katawan sa pag-iibigan, ang one-night stand ay hindi kailanman karapat-dapat.—TRT