Thursday, January 24, 2019

One Great Love


DIRECTOR:  Enrico S. Quizon
LEAD CAST: Dennis Trillo, Kim Chiu, JC de Vera, Eric Quizon
STORY and SCREENWRITER:  Gina Marisa Tagasa
PRODUCER:  Lily Monteverde
CINEMATOGRAPHY: Mo Zee
MUSIC:  Miguel Mendoza
EDITING: Chrisel Galeno-Desuasido
GENRE:  Drama, Romance
DISTRIBUTOR: Regal Films
LOCATION:  Manila
RUNNING TIME:   115 minutes
Technical assessment: 3                                                
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: A14
MTRCB rating: PG13
Bibigyan ni Zyra Paez (Kim Chiu) ng pagkakataon ang sarili na tanggapin muli ang dating kasintahan na si Carl Mauricio (J.C. De Vera). Aakalain ni Zyra na malulubos ang kaligayahan sa pasya niyang ito subalit masusumpungang puno siya ng pag-aalinlangan sa kanyang mga desisyon.  Sa gitna ng pagkagulumihanan ay magiging confidante ni Zyra ang matalik na kaibigang doktor na si Ian Arcano (Dennis Trillo). Kay Ian siya magsasabi ng kanyang mga alinlangan at damdamin. Samantala higit pa sa pagkakaibigan ang nararamdaman  ni Ian para kay Zyra.
Bagamat simple ay kapani-paniwala ang daloy ng kwento ng One Great Love na nakasentro sa karakter ni Zyra. Maayos itong nagampanan ni Chiu dahil may mga kinilig, natuwa, naawa at nainis sa karakter nya. Subalit ang lalong epektibo sa naging pagganap ay si Trillo; sadyang nararapat siyang tanghaling Best Actor sa MFF 2018 dahil sa kanyang pagganap dito. Mahusay niyang naihatid ang karakter ni Ian bilang nabigong asawa, maunawaing kaibigan, at mapagparayang nagmamahal.  Magaling ang pagkakadirehe ni Quizon at mainam na naipabatid ang mensahe ng pelikula sa kabila ng kapayakan ng kuwento.  Nakapaghatid din ilang makabuluhang linya na posibleng tumatak sa mga manonood bilang mga hugot tungkol sa kahulugan ng “one great love”. Tama lamang ang mga kuha ng kamera at nakakagiliw panoorin ang ilang detalye ng food and organic gardening business nina Zyra. Samantala walang ng lumutang na iba pang aspetong teknikal ng pelikula.
Ano nga ba talaga ang tanging dakilang pag-ibig o one great love, at meron ba talaga nito? Sinagot naman ito ng pelikula sa pamamagitan ng karakter na buong husay na ginampanan ni Trillo. Ang Dakilang Pag-ibig ay tunay na pagmamahal dahil nagpaparaya, nagpapaubaya, nagsasakripisyo, umaako sa lahat ng kasalanan, nananatiling tapat, nagpapalaya, nagpapatawad at patuloy na tumatanggap sa minamahal.  Pinakita din ng pelikula ang dakilang pagmamahalan sa pamilya kung saan may pagmamalasakit, pagpapatawad, pagtanggap, pagtutulungan, kahandaang magsakripisyo at paglalaan ng panahon kung kinakailangan. Ito ay sa pagitan ng magulang at anak, stepmother at stepchildren, sa magkapatid, at kahit sa magkaibigan. Ang pagkakaroon ng matapat at mabuting kaibigan katulad ng pamilya ay kaloob ng Diyos na maaring gawing sandigan sa panahon ng pagkalito at pasakit. Ang isang tunay na kaibigan ay naglalaan ng oras para makinig nang walang paghuhusga sa halip ay hahangarin ang kabutihan para sa kaibigan. Sa kabuuan ay simple man ang kwento ng One Great Love ay may malalim itong mensahe tungkol sa pagmamahal at pakikipagrelasyon.  Gayunpaman, tumalakay din ito ng mga nakababahalang tema katulad ng casual pre-marital sex sa mga kabataan at ng pangangalunya ng taong may-asawa.  Samakatwiran mas akma ang panoorin ito sa mga taong may hinog na kaisipan.  Mapanganib panoorin ito ng mga kabataan nang walang gumagabay, pagkat maaaring tularan nila ang asawang nagtaksil sa paniniwalang patatawarin naman sila ng kanilang asawa. —IBD