Monday, January 21, 2019

Alpha: The Right to Kill


Director: Brillante Ma. Mendoza  Lead Cast: Allen Dizon, Elijah Filamor  Screenwriter: Troy Espiritu  Producer: Carlo Valenzona  Editor: Diego Marx Dobles  Musical Director: Diwa de Leon  Cinematographer: Joshua A. Reyles  Genre: Drama, Crime  Distributor: Memento Films  Location: Philippines  Running Time: 1 hr 35 min
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 2
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: R16
Sa paglusob ng pulisya sa hideout ng big time drug dealer na si Abel (Baron Geisler), dalawang magkaibang karakter ang ipapakita ni Direktor Brillante Mendoza: ang parang huwarang alagad ng batas na si Police Sgt. Espino (Allen Dizon) at ang kaduda-dudang katauhan ng kanyang informant na si Elijah (Elijah Filamor). Sila ang nagbigay ng lead para sa operasyon, na magiging isang madugong engkwentro sa pagitan ng pulisya at mga tauhan ni Abel. Pagkatapos ng mahabang habulan at putukan, patay si Abel at ang kanyang mga kasamahan. Pero bago magsidatingan ang mga imbestigador sa crime scene, ipupuslit ni Espino at Elijah ang backpack ni Abel na naglalaman ng maraming pera at droga. Talamak pala sa kapulisan ang drug dealing, hanggang sa kasuluk-sulukan at katas-taasang hanay. Maraming buhay ang mauutas, maraming pamilya ang mananaghoy.
Andun ang tatak na handheld shots ni Mendoza. Pati ang claustrophobic medium at extreme closeups na minsan ay nakakahilo dahil sa madalas ng paggalaw ng kamera. Pero makakatulong yon para ipakita ang kaguluhan ng mundo ng droga. Kahit sa mga low light shots, makikita na maayos at malinis ang teknikal na pagkakagawa. Kaya naman ang raid scene sa kuta ni Abel ay talagang magpapakabog ng dibdib, at magpapatunay ng kalibre at maturity ni Mendoza sa paggawa ng pelikula. Huling-huli na sana ang atensyon ng manonood, pero babagal ang takbo ng istorya sa paghahambing sa buhay ni Espino at Elijah na parang maliligaw na sa kalagitnaan, at pahahabain pa ng mga eksenang puede namang hindi na ipakita tulad ng isa-isang pagkuha ng fingerprint sa bawat daliri sa kamay ng mga akusado. Oo nga at may magagandang eksena na talaga namang aantig sa puso ng manonood: ang desperasyon sa buhay ng mga mahihirap sa lipunan na nabaon sa droga. Ang panaghoy ng mga asawang naiwan ng mga biktima ng EJK, pati ang tulalang ina sa burol kanyang anak sa kalye. Pero kapos ang pelikula. Kung sinadya man ito ni Mendoza, gusto nating malaman kung bakit
Magandang naipakita ang pagiging mapagmahal na ama ni Espino, at ang pagiging maasikaso ni Elijah sa kanyang anak at asawa. Kung may aral mang mapupulot sa pelikula, iyon ay ang realisasyon na may mabuting mukha pa rin ang taong inaakala nating masama. Ito rin ang dahilan kung bakit di kami kampante sa pagtalakay ng pelikula sa tema. Kasi’y parang walang tensyon o pag-aalinlangan sa kalooban ng mga karakter. Para bang ipinanganak silang likas na masama. Nawala ang dalawang nag-uumpugang pwersa sa bawat tao: ang kabutihan at ang kasamaan. Sa bawat sandali, may pagkakataon tayong mamili sa dalawang pwersang ‘yan. Paulit-ulit din ang pagsambit sa di daw maiiwasang pagkamatay ng mga tao, may sala man o wala, dahil sa laban sa droga. Parang sinasabing dahil sa laganap na talaga ang droga, humanda na tayo sa pagdanak ng dugo. Pero yan ay mga impresyon lamang namin, dahil walang malinaw na mensahe ang pelikula na dapat sana, bilang isang uri ng literatura at komunikasyong panlipunan, ay tumulong sa paghugis ng pananaw ng publiko. Responsibilidad ng may akda, ng direktor, manunulat, at lahat ng bumubuo ng produksyon, na bigyan ng sapat na batayan ang manunood para makabuo ng opiniyon tungkol sa isyung tinatalakay nito. Sa ganang amin, hindi nagawa ito ng Alpha: The Right to Kill. Ipinakita nito ang isang mukha ng kapulisan, ang corruption at pagkagahaman, pero di nito ipinakita kung bakit nabubuyo ang mga karakter na gawin ang kanilang mga ginagawa. Halimbawa, bakit nagtutulak ng droga si Elijah, dahil ba sa kahirapan? Si Allen, bakit sya corrupt, dahil sa pamilya? Walang ganun, walang pagpapalalim ng pang-unawa. Parang naging isang dokumentaryo ang pelikula na nangiming magbigay ng komentaryo.MOE