Monday, January 7, 2019

Aurora


DIRECTOR: Yam Laranas 
LEAD CAST: Anne Curtis, Phoebe Villamor, Allan Paule, Marc  Gumabao, Mercedes Cabral & Ricardo Cepeda
SCREENWRITER: Yam Laranas & Gin de Mesa
PRODUCER: Vic del Rosario, Vincent Paolo Fernandez and co..
EDITOR: Yam Laranas & Rico Testa
MUSICAL DIRECTOR: Oscar FolgelstrÖm
GENRE: Horror Thriller
CINEMATOGRAPHER: Yam Laranas
DISTRIBUTOR: Viva Films
LOCATION: Batanes, Philippines
RUNNING TIME: 108 mins.
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: PG
Nasa gitna ng emosyonal na kaguluhan si Leana (Anne Curtis). Kailangan niyang itaguyod ang kanyang nakababatang kapatid na si Rita (Villamor) subalit hindi na niya maasahan ang kaniyang paupahang inn sa tabing dagat matapos  lumubog ang barkong "Aurora" na ikinamatay ng lahat nitong pasahero liban lang sa isa. Nakukunsensya siya sa pananamantala sa mga nasawi sa lumubog na barko pero kailangan niyang kumita ng pera. Papaano niya pagtutugmain ang mga kasalungatang ito?
Ang layunin ng “horror” ay manakot. Iba’t iba ang istilong pwedeng gamitin—gulat, kilabot, pagdanak ng dugo, misteryo, at iba pa. Minsan nga ay pormula na ang ritmo nito na kaya mo nang hulaan ang mangyayari. Pero sa kabila ng mga pamamaraan, dapat pa ring mangibabaw ang kwento at pagkukwento. Genre lamang ang horror. Ang malaking problema ng Aurora ay naipit ito sa pagdiriin sa tatak ng horror kaysa sa kwento nito. Napakaganda sana ng umpisa ng pelikula. Aakalain mong gawang banyaga dahil sa husay ng kuha at pagkakakulay nito. Dagdag pa ang nakadadalang musical score ni Oscar Fogelstrom. Pero habang tumatagal at dapat sana'y lumalalim ang kwento, ay nagiging malabnaw ang katauhan ni Leana at naipit na lang sa panggugulat at pagdagsa ng mga multo ang kwento. Maganda ang mga kuhang panorama subalit kapag sa malapitan ay nawawalan na ito ng pagka-makatotohanan pagkat halatang  ito ay mga CGI lamanghalimbawa, sobrang malinis at walang sira ang barko, parang laruan lamang na napasadsad sa batuhan. Sa sobrang abala sa itsura at pakiramdam, dalawang bagay ang nagkulang sa Aurora—ang maayos na pagkukwento at ang maging isang talagang nakakatakot na horror movie.  (Mas naging akma pa marahil kung tinawag na lang itong Drama, Mystery, Supense at Thriller). \
"Kapit sa patalim." Ito ang bukang bibig ng mga taong gipit o nasa bingit ng trahedya. Para bang kayang pagtakpan ang anumang desisyon—mabuti, masama, moral man o hindi—basta’t mailigtas lamang ang sarili. Sa isang banda, ito ay likas sa tao—ang iligtas ang sarili. May mas magandang tawag sa wikang Ingles na walang tuwirang katumbas sa Filipino—“human”.  Hindi lamang tayo basta “tao” (people)… tayo ay “human beings”— mga nilalang na may pagpapakatao. Kaya’t ang bawat desisyon ay hindi lamang para sa sariling kapakanan kundi naayon din sa mga moral na kalalabasan nito. Ipinakita sa pelikula na kapag nangibabaw ang pagkamakasarili sa pagpapakatao, walang katapusan ang sakit at pagdurusang mangyayari.  Ang paglalaban ng pangangailangan at ng nararapat sa katauhan ni Leanaat ang ibinunga nitong tapang upang harapin niya ang mga ganid—ang siyang nagsilbing budhi ng pelikula. PMF