DIRECTOR: Michael Tuviera
LEAD CAST: Vic Sotto, Coco Martin,
Maine Mendoza, Jose Manalo, Wally Bayola
SCREENWRITER: Coco Martin
PRODUCERS: Rommel David, Jojo Oconer, Michael
Tuviera
EDITORS: Renewin Alno, Tara Illenbeger
MUSICAL DIRECTOR: Jessie Lasaten
CINEMATOGRAPHER: Odysset Flores
GENRE: Comedy/Action/Romance
DISTRIBUTOR: APT Entertainment
Location: Philippines
RUNNING TIME: 114 mins
Technical
assessment: 3
Moral
assessment: 3
CINEMA rating:
V14
Magkakasama sa serbisyo bilang mga pulis sina
Popoy Fernandez (Vic Sotto), Jack Halimuyac (Coco Martin), and Emily
Fernandez a.k.a. Em (Maine Mendoza). Una nang magkasama sa isang
misyon na tugisin ang isang sindikato ng droga sina Popoy at Jack subalit
tinanggal sila dito dahil sa koneksyon ng sindikato sa mga pulis. Sa
kabila ng pagkakatanggal ng dalawa sa kaso ay palihim pa rin nilang itutuloy
ang paglutas nito at sasama si Emily sa kanila. Ampon ni Popoy si Em na anak ng
kaibigan at kapwa nya pulis na nabaril at namagtay sa isa nilang operasyon. Magkasundo at masaya ang tatlo sa trabaho.
Magiging daan din ang lihim na misyon upang magkalapit at magkagustuhan sina
Jack at Ems sa isa’t isa. Subalit sadyang mapaglaro ang tadhana sapagkat
matutuklasan ni Jack na si Popoy pala ang tunay niyang ama na pinaniniwalaan
niyang pinabayaan sila ng kanyang ina hanggang sa maulila siya nito nuong bata
pa. Subalit mariing itinatanggi ito ni Popoy dahil naging biktima lamang siya
ng maling hustisya kaya siya nakulong at nawalay sa kanilang mag-ina. Hind
madali para kay Jack na matanggap at mapatawad ang ama. Samantala habang nasa
punto ng hinanakit ay nagkataon din na mapapasabak sa enkwentro sa sindikato ng
droga at mababaril si Popoy. Paano na ang pagpapatawad na marapat na
igawad ni Jack bilang anak sa nawalay na ama?
Sa kabila ng predictable na
kwento ay naging kaabang-abang pa din ang mga eksena at lubhang nakaaliw
panoorin ang Jack Em Popoy: The Puliscredibles. Malaking
bentahe ng pelikula ang power casting nina Sotto, Mendoza at
Martin. Maganda ang chemistry nilang tatlo. Akma ang
kani-kanilang mga character na pinaigting ng mga natural nilang pagganap..
Magaling ang naging trato ng direktor sa pinaghalong pormula ng aksyon, konting
drama, patawa at romcom. Huling-huli ni Tuviera kung paano mapapanatili ang
interes ng manonood. Katulad ng pagpasok ng mga pamilyar na linya sa sikat na
palabas ni Martin gayundin ang mga nakagiliwang mga linya ng patawa ng
dabarkads sa noontime show. Tama
lamang ang iba pang teknikal na aspeto ng pelikula katulad ng disenyo ng
produksyon, cinematography, pag-iilaw
at mga inilapat na tunog at musika. Naisalba nito ang ilang di kapani-paniwala
sa salaysay ng kwento. Sa kabuuan ay nakitaan ng saysay ang pelikula
sa paghahatid ng kasiyahan sa madlang manonood.
Sa anumang relasyon ay pangunahin na may
pagmamahal, malasakit, pagtanggap at pagpapaawa upang mapabuti ang bawat isa.
Gayundin naman sa pagseserbisyo bilang lingkod ng bayan ay mahalaga ang
katapatan at kahandaan sa sakripisyo upang maging marangal sa gawain. Ito ang
mga positibong mensahe ng pelikulang JackEmPopoy: The Puliscredibles. Sa
gitna ng pangungulila sa nawalay na anak ay walang pag-aalinlangan na
tinangkilik at inako ni Popoy ang pagpapalaki at pangangalaga sa anak ng
yumaong kaibigan at di naman siya nabigo dahil naging maayos ang buhay ng
kanyang inampon na si Emily. Nairaos nya ito sa tulong ng mga
kaibigang mapagmalasakit. Bilang mga pulis ay matatapat sa
tungkulin at nanatili sa kampo ng katotohan. Batid nila ang nakaakibat na
sakripisyo sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin para sa bayan. Bida ang mga
pulis sa pelikulang ito. Bagamat may mga tiwali ay mas naitampok ang positibong
karakter nina Popoy, Jack at Emily. Samantala maselan ang mga isyu
ng droga na nilabanan ng mga pangunahing tauhan bilang mga pulis,
gayundin ang korupsyon sa kanilang hanay at pamahalaan.