DIRECTOR:
BARRY GONZALES
LEAD CAST: VICE GANDA, DINGDONG DANTES, RICHARD
GUTIERREZ, JACKLYN JOSE, BELA PADILLA
SCREENWRITER: ENRICO SANTOS, DAISY CAYANAN,
JONATHAN ALBANO
PRODUCER: VIC DEL ROSARIO JR., OLIVIA
LAMASAN
EDITOR: JOYCE BERNAL, NOAH TONGA
MUSICAL DIRECTOR: EMERSON
TEXON
GENRE: FANTASY COMEDY
CINEMATOGRAPHER: ANNE MONZON
DISTRIBUTOR: STAR CINEMA, VIVA FILMS
LOCATION: PHILIPPINES
RUNNING TIME: 115 MINUTES
Technical assessment: 2.5
Moral assessment:
2.5
CINEMA rating:
V14
MTRCB rating:
PG
Sa kabila ng
madalas nilang di pagkakaunawan, buhay na buhay pa rin ang negosyong perya (na
“Perya Wurtzbach” ang tawag) ng mag-inang Belat (Vice Ganda) at Aling Fec (Jacklyn
Jose); umaani ito ng maraming “ palakhak”—pinagsamang palakpak at halakhak. Pero merong lagusan ang perya sa daigdig ng
Fantastica na magsasara dahil sa isang sumpa.
Para magbukas ulit ang lagusan at magpatuloy ang ugnayan sa pagitan ng
mundo ng Fantastica at mundo ng tao, kakailanganin ang sampung libong “palakhak”. Magtutulungan si Belat at si Prince Pryce
(Richard Gutierrez) upang mabuksan ulit ang lagusan at pabalikin ang sigla ng
perya.
Komedyang nakaugat
sa pantasiya ang Fantastica: the Princess,
the Prince, and the Perya, at dahil sa ang bida dito ay si Ganda, alam na
marahil ninyo na tulad ng peryang tampok sa pelikula, ninais lamang nitong umani
ng palakpak at halakhak mula sa mga manonood.
Hindi makapalakpak ang CINEMA sa natunghayan nitong napakababang uri ng
komedya, sa gasgas na banghay (plot), sa dayalogong paikot-ikot na parang
tsobibong nasira ang preno. At ang
kuwento, pantasiya na nga, pasikut-sikot pa, kaya lalong napalabo ng palabok ni
Ganda. Sablay din ang casting: ang mga
batikang aktor na Dantes at Gutierrez ay hindi bagay sa kanilang mga
papel—hindi nakakatawa, bagkus ay katawa-tawa ang kinalabasan nila. Isang bagay
lang ang nakita naming nakakatawa: ang boses ng lalaki na namumutawi sa bawa’t
pagbuka ng bibig ng marikit na si Bella Padilla. Subali’t kahit na ulanin pa
siguro ang Fantastica ng mga pintas ng mga kritiko, kapag
pumapalakpak ang manunuod, ang huling halakhak ay sa mga gumawa ng pelikula
dahil sa tubong-nilugaw na papasok sa kanilang mga bulsa.
Ganito na nga ang
nangyari: sa simula pa lang ng MFF, nanguna na ang Fantastica sa takilya. Nang
manood nito ang CINEMA sa ika-anim na araw, puno pa rin ang sinehan, at
humahagalpak ng tawa ang maraming manunuod sa mga kabaklaan ni Ganda. Paano mo ipapaliwanag sa mga musmos ang mga
pantasiya ng isang bakla na ipinagdidiinan ng pelikula? Bagama’t ginustong itampok ng pelikula ang
kahalagahan ng pamilya at pag-aaruga ng hindi mo kadugo, hindi ito lumutang
dahil nasapawan ito ng walang humpay at walang saysay na pagpapatawa at
kabastusan. (Marami namang mga bakla ang
matalino, hindi bastos, pino kung kumilos, at maganda ang ugali—bakit hindi
gumawa ng mga pelikula tungkol sa kanila?)
Paalala lang po ng CINEMA—kung limitado ang badyet ninyo, makabubuti pa
sigurong ibili na lamang ng mga makabuluhang babasahin para sa mga bata iyon
kaysa lustayin sa dalawang oras na halakhakan at kapalpakang dulot ng
Fantastica.—TRT