Director: RC Delos Reyes
Lead Cast: Toni
Gonzaga, Alex Gonzaga, Sam Milby
Screenwriter: Mika
Garcia-Lagman, Juvy Galamiton
Producer: Paul
Soriano, Toni Gonzaga
Editor: Mark
Cyril Bautista. Noah Tonga
Musical
Director: Len Calvo
Genre: Romance Comedy
Cinematographer: Tey
Clamor, Yves Jamero
Distributor: Star Cinema
Location: Philippines
Running Time: 107minutes
Technical
Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
Cinema Rating: A14
MTRCB Rating: PG
Mahigpit ang bigkis ng
kumakapit sa magkapatid na Mary Jane (Toni Gonzaga) at Mary Ann (Alex Gonzaga).
Bilang nakatatanda, mapagbigay si Mary Jane sa kapatid. Kaya’t nang biglaang pumanaw ang kanilang mga
magulang noong sila’y mga bata pa, si Mary Jane na rin ang tumayong magulang ni
Mary Ann. Kaya’t laking lungkot na lamang nito nang napilitan siyang ipaubaya
sa kanilang tiyahin si Mary Ann papuntang Amerika sa paghahangad ng mas
magandang kinabukasan sa kapatid. Kaakibat nito ang pangakong babalikan niya at
kukuning muli si Mary Ann. Lumipas ang panahon, hindi nagawang balikan ni Mary
Jane si Mary Ann kaya’t sa pagbabalik- Pilipinas ni Mary Jane, handang nitong gawin
ang lahat para sa kapatid—maging ang pagiging wedding coordinator ng kasal nito. Yun nga lang, ang lalaking
pakakasalan ni Mary Ann ay si Pete (Sam Milby) na nagkataong dating kasintahan
ni Mary Jane. Makabawi na kaya siya sa pagkukulang sa kapatid? O mas lalo pa
siyang magkakaron ng kasalanan dito? Paano kung hindi pa pala siya
nakaka-move-on kay Pete?
Maganda at aliw ang
konsepto ng pelikula na akmang-akma sa romcom genre nito. Nakakaaliw panoorin ang magkapatid na Gonzaga
na gumaganap din bilang magkapatid. Kita
ang pagiging totoo nilang magkapatid. Matindi
rin ang on-screen chemistry ng
tambalang Sam at Toni. Ang mga patawang
tauhan ay sadyang nakakaaliw din. Lumutang ang pagiging aktres ni Alex sa
pelikulang ito—kaya niyang magpatawa at mag-drama nang hindi bumibitaw sa
karakter. Mahusay ang pelikula sa mga maliliit na eksenang nagpapakita ng
relasyon—mga eksenang nag-uusap at naglalabas ng saloobin o kaya’y simpleng
isipin ang mga tauhan. Yun nga lang, tila yata nagkulang sa paghagod ng damdamin
pagdating sa anggulo ng love triangle ang
pelikula. Hindi malinaw kung paano nga ba unang tinanggap ng magkapatid na sila
ay parehas na-in-love sa iisang
lalaki sa magkaibang lugar at panahon? Wala rin gaanong
bigat ang papel ni Milby para pag-agawan at pang-hawakan. Mga bagay na hindi
gaanong malinaw. Tuloy hindi matindi ang epekto at daloy ng damdamin sa
aspetong ito. Sino nga ba ang tunay na kaawa-awa sa dalawang magkapatid? Iyong
nagsakripisyo ng nakaraang pag-ibig o iyong nasira ang pagmamahalan sa
hinaharap?
Malinaw na sentro ng
pelikula ang pagmamahalan sa pagitan ng dalawang magkapatid na babae—sissy love
o sisterly love kung tawagin. Ipinakitang higit pa ito sa romantikong
pag-iibigan—na posibleng piliin ang pamilya higit sa puso. Kahanga-hanga ang
pagpapahalagang ibinigay ng pelikula dito. Ang kapatid ay kapatid anu pa man
ang mangyari—nariyan ang pagsasakripisyo at pagpapatawaran. Kapansin-pansin
lang na tila yata di gaanong naipagtanggol ni Mary Jane ang kanyang sarili kay
Mary Ann, na wala siyang hindi ginawa para sa kapatid. Pero marahil, parte ito
ng kanyang karakter, ang hindi maging makasarili. Kung kaya’t ipinaubaya na
niyang lahat sa kapatid. Hindi man katanggap-tanggap sa mata ng marami,
kahanga-hanga pa rin ito kung tutuusin dahil tunay ang pagpapakumbaba ni Mary
Jane. Ang tunay na nagmamahal,
nagpaparaya at kinakalimutan ang sarili. May ilang mga eksena nga lang na
nagpapahiwatig ng pagiging “liberated” ni Mary Ann—andiyang magkatabi na silang
matulog ni Pete, at ang kanyang pagiging bokal sa pagnanasa ditto—bagama’t
ginawang katatawanan, nakakabahala pa rin ito sa mga batang manonood. Maliban dito, maayos naman ang mensahe ng
pelikula sa kabuuan. Sa ganang CINEMA, naaangkop ang pelikula sa mga manonood 14-gulang
pataas.—RPJ