DIRECTOR: Dan Villegas LEAD CAST: Jennylyn Mercado, Jericho Rosales SCREENPLAY: Paul Sta. Ana MUSIC: Emerzon Texon EDITOR: Marya Ignacio PRODUCERS: Josabeth Alonso, Edgardo Mangahas, Fernando Ortigas, EA Rocha DISTRIBUTOR: Quantum Films GENRE: Romantic-Comedy LOCATION: Manila, Taiwan RUNNING TIME: 120 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 3
CINEMA rating:
V14
Magsisimula
ang Walang Forever sa isang interview ng sikat na screenwriter na si Mia Nolasco (Jennylyn
Mercado). Tatanungin siya kung
saan siya humuhugot ng mga ideya para sa mga isinusulat niyang kwentong
pangpelikula. Isisiwalat niya na
bukod sa mga nakikita niyang pinagdaraanan ng ibang tao, ay ang mismong mga
karanasan niya ang nagagamit niya para sa mga kuwento. Dito maihahantad ni Mia ang kuwento ng
pag-iibigan nila ni Ethan Isaac (Jericho Rosales), paghihiwalay, pagtatagpong
muli, at magtatapos ang pelikula sa pagpapakita ng kasalukuyang buhay ni Mia.
May
laman ang kuwento ng Walang forever,
bagama’t hindi masyadong makinis at maliwanag ang pagkaka-juxtapose ng flashbacks
sa tunay na buhay at mga film clips
na tumutugon sa mga ito. Para
tuloy kakailanganin mo pang panoorin ulit ang pelikula para mapagdugtong-dugtong
ang mga eksenang naturan, at hanguin ang buong love story nila mula rito.
Sa paningin ng CINEMA, ang nakalilitong paglalahad ng kuwento ang
“nakakapilay” sa technical aspect ng
hinirang na “Best Film” ng ika-41 Metromanila Film Festival. Ang ibang aspeto naman tulad ng sinematograpiya,
tunog, musika, production sets, ay pawang
akma sa pagsulong ng istorya. Ang
pinakamagaling na sandata ng Walang
forever ay ang hindi matatawarang kakayahan sa pagganap nila Mercado at
Rosales, at kahit hindi ganoong kabigat ang hamon ng pelikulang ito sa kanilang
husay bilang mga artista, ay kapuna-punang ibinuhos pa rin nila ang kanilang
sarili sa kani-kaniyang mga papel.
Pinahahalagahan
ng pelikula ang pagmamahalan ng isang babae at isang lalaki nang walang takot
sa anumang pagsubok na darating, isang bagay na tila kinatatabangan na ng ilang
mga kabataan sa kasalukuyan. Sa
panahong nanganganib na ang “forever” sa mga nagliligawan at nagrerelasyon
dahil na rin sa makasariling pag-iwas sa commitment,
pinaninindigan ng Walang forever ang
pagkakaroon ng makabuluhang pagmamahalang nagpapakasakit alang-alang sa
“forever”. Sa puntong ito,
pinatototohanan ng Walang forever na
sa kabila ng lahat, sadyang mayroong “forever” na maaasahan at matatamo ng
bawa’t nilalang na umiibig nang tapat.