Sunday, January 3, 2016

Haunted mansion

-->
DIRECTOR: Jun Lana LEAD CAST: Janella Salvador, Marlo Mortel, Jerome Ponce EDITORS: Benjamin Tolentino, Ilsa Malsi  PRODUCER: Regal Entertainment  WRITER: Jun Lana  STORY: Jun Lana, Renato Custodio, Marlon Miguel  SCREENPLAY: Jun Lana, Elmer Gatchallian  MUSIC: Francis Concio  GENRE: Horror Film  PRODUCTION COMPANY: Regal Entertainment  DISTRIBUTORS: Regal Entertainment  COUNTRY: Philippines  LANGUAGE: Filipino, English RUNNING TIME: 105 minutes
Technical assessment:  3.5
Moral assessment:  2.5
CINEMA rating:  V14
MTRCB rating: PG

May kakayahan si Ella (Janella Salvador) na makakita ng mga multo—mayroon siya ng tinatawag na “third eye”—ngunit hindi palagay ang kanyang loob tungkol dito.  Sa pakiramdam niya, “weird” siya sa paningin ng iba, lalo na’t binu-bully siya ng mga ilang mga kaeskuwela niya dahil dito.  Subalit hindi niya mapaglabanan ang kakayahan niyang ito.  Magkakaroon ng isang retreat silang mga magkakamag-aral sa isang luma at malaking bahay sa isang ilang na lugar sa probinsiya.  Malalaman nilang lahat na pinaninirahan ang naturang mansion ng mga multo, ang ilang sa kanila ay tila hindi matahimik pagkat may gustong ipaalam na katotohanan, at ang ilan naman ay tangkang saktan at paslangin ang mga nagre-retreat.  Dahil sa mga malalagim na pangyayari, kikilalanin na ng mga kasama niya ang kakayahan ni Ella, at matututhan na ring niyang tanggapin ang kanyang “third eye” kung ito ang makapagliligtas sa kanila.
            Madaling sundan ang pahayag ng Haunted mansion. Kahit na marahil hindi ka naniniwala sa multo ngunit bukas ang iyong isipan sa laya ng sining, masasabi mong maganda ang daloy ng kuwento.   Kahanga-hanga ang mga visual effects ng pelikula, siryoso ang kuwento, at dahil hindi nito ginagawang katatawanan ang katatakutan, higit na mataas ang antas nito sa karaniwang Pilipino horror movies.  Maayos ang production sets, may angkop na tugtugin, at nakapagbibigay ng tamang “mood” sa kuwento at mga eksena.  Para sa isang baguhan sa pinilakang tabing, mahusay ang pagkakaganap ni Salvador (na nakilala sa teleseryeng OmyG), naibigay niya ang hinihingi ng ginampanang papel; gayon din ang kanyang mga kapwa artista/kamag-aral.  Epektibo din bilang isang malupit na multo ang marilag na si Iza Calzado—sa kabila ng kanyang taglay na kagandahan, magaling niyang naisalarawan ang kaitimang-budhi ng kanyang karakter.  Dahil dito naisip naming marami pang uri ng papel ang kayang-kayang gampanan ni Calzado.
            May ilang mga bagay ang mapupuna sa Haunted mansion.  Ikauna, ang pagkakatuon ng mga isip ng mga estudyante sa ligawan, na parang iyon lamang ang dahilan kaya sila nasa eskuwelahan.  Nasa retreat na ay kung anu-ano pang kalokohan ang inaatupag.  Ikalawa, ang ugali ng ilang mga tao na makipaglaro sa panganib sa pamamagitan ng pagtawag sa mga yumao o paglibak sa kaluluwa ng mga ito.  Ikatlo, ang labis na pagbibigay ng kapangyarihan sa mga multo o masasamang espiritu, at ang kakulangan naman ng kapanyarihan ng mga tao upang labanan ang mga iyon.  Dapat nating isaisip na ang pinaka-makapangyarihan sa lahat ay ang Diyos, at walang dapat katakutan ang tao kungdi ang ibubunga ng pagsuway sa Kanyang kalooban.