DIRECTOR: Antoinette Jadaone LEAD CAST: Kris Aquino, Derek Ramsay, Jodi Sta. Maria, Ian Veneracion, Kim Chiu, Xian Lim, Ronaldo Valdez, Nova Villa, Pokwang, Bimby Aquino-Yap, Julia Concio, Talia Concio SCREENWRITER: Antoinette Jadaone, Yoshe Dimen PRODUCER: Charo Santos-Concio, Malou Santos EDITOR: Benjamin Tolentino MUSICAL DIRECTOR: Emerson Texon GENRE: Romantic Comedy CINEMATOGRAPHER: Hermann Claravall PRODUCTION DESIGN: Shari Marie Montiague DISTRIBUTOR: Star Cinema LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 115 minutes
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
Cinema Rating: V14
Matapos ang
labinlimang taon na pamamayagpag sa ere, magbibitiw ang “love expert” at “relationship
guru” na si Love (Kris Aquino) at magnanais na magpahinga at makalimot sandali
sa labis na kalungkutan. Magpupunta siya ng Coron at doon ay makikilala niya si
Dom (Derek Ramsay). Doon din
mapapadpad si Anya (Kim Chiu) na paninindigan ang pagpapanggap na siya ang manager ng nasabing resort, sa pagpupumilit ng
high school sweetheart niyang si Dino (Xian Lim) – ito ay upang pagtakpan
ang tunay na kalagayan ni Anya sa kanilang mga kaklase. Sa totoo, si Anya ay
isang tutor at ang kanyang
tinuturuang bata na si Jake (Bimby Aquino) ay in-love sa kanya. Ang nanay naman ni Jake na si Mel (Jodi Sta.
Maria) ay unti-unting nahuhulog ang loob sa boss
niyang si Eric (Ian Veneracion) na dumadaan sa matinding pagkabigo sa pag-ibig.
Habang ang teacher naman ni Jake na
si Coring (Pokwang) ay patuloy na umaasa sa pag-ibig ng lalaking alam niyang
hindi mapapasakanya. Samantala, ang matandang mag-asawa na sina Loise (Nova
Villa) at Jaime (Ronaldo Valdez) ay dumaranas ng katabangan sa kanilang buhay
may-asawa.
Isang malaking
ambisyon ang All You Need is Pag-Ibig. Sinubo nitong pagtagni-tagniin ang
napakaraming kuwento ng iba’t-ibang uri (kundi man halos lahat na yata) ng
pag-ibig. Malawak kung sa malawak ang nais nitong sakupin para sa limitadong
oras at espasyo ng pelikula. Resulta’y maraming kuwento ang nagkulang ng sapat
na lalim at daloy patungo sa resolusyon. Pawang nagmadali tuloy upang matapos
lang. Pero sa kabila naman nito, hindi maitatanggi ang sinseridad ng pelikula
na ipakita ang iba’t-ibang uri ng pag-ibig sa makabagong panahon. Sa dami ng
kwento, napagtagumpayan pa rin naman nitong pagdugtong-dugtungin silang lahat.
May mga kwentong sadyang naging sentro ng pelikula at maayos ang kinalabasan ng
mga ito. Mahuhusay din ang pagganap nila Nova Villa, Ronaldo Valdez, Jodi Sta.
Maria, Pokwang at maging si Kim Chiu. Maganda ang mga kuha ng pelikula at
mahusay ang pagkaka-edit nito. Sa
kabuuan, maituturing pa rin naming maayos ang All You Need is Pag-Ibig at napanindigan naman nito ang tema na
nais nitong ipadama sa mga manonood.
Hitik naman sa mensahe
ng pag-ibig ang All You Need is Pag-ibig.
Sinikap nitong imulat ang mata ng manonood sa kung ano ang tunay na mahalaga sa
buhay—ang pagmamahal at mga relasyon, mapa ito pa man ay romantiko o pampamilya. Ang karakter ni Love ay patunay na sa
kabila ng yaman at kasikatan, tanging pagmamahal pa rin ang pupuno at bubuo ng
buhay at kasiyahan. Napagod at naubos ang kanyang lakas dahil wala na siyang
pinagkukunan ng pagmamahal. Si Coring naman ay nagmamahal kahit pa hindi siya
minamahal ngunit ang pagbibigay niya ng serbisyo at pagmamahal sa mga pamangkin
ay isa na ring uri ng pagmamahal at ito ay kanyang mare-realize bandang dulo. Si Anya nama’y palutang-lutang sa buhay dahil
sa hindi niya pagpapatawad sa kanyang ama. Nang buksan niya ang kanyang puso sa
pagpapatawad at tunay na pagmamahal, magsisimula ring maging maayos ang kanyang
buhay. Ang mga kabutihan naman ni Mel sa kanyang boss ay nagbunga rin ng
maganda sa huli sa kabila ng masalimuot nitong pinagdaanan. Ang samahan naman
nila Loise at Jaime ay patunay na may forever
sa pagmamahalan—lamang, ang pag-ibig ay tulad ng isang halaman na dapat ay
patuloy na inaalagan at dinidiligan upang hindi ito mamatay. Bagama’t hindi
naipakita sa pelikula ang pinakadakilang pagmamahal—ang pagmamahal ng Diyos na
laging nariyan sa mga sandali ng pag-iisa at kalungkutan, ang pagmamahal na
laging tapat at sapat—may isang mahalagang eksena sa simula ng pelikula na
pawang mensahe na rin ng pagmamahal ng Diyos. Ipinakitang sumuko si “romantic
love” sa Diyos, pero ang sinabi ng Diyos sa kanya ay ipamahagi niya ang kanyang
sarili tulad ng kanyang ginagawa. At tunay ngang ito ang pinakamatinding
mensahe ng pelikula ukol sa pag-ibig—na ito ay unang ibinabahagi at
pinapalaganap—at siguradong ikaw ay makakatanggap. May mga ilang eksena nga
lang sa pelikula na hindi angkop sa mga bata, kaya’t sa ganang CINEMA, ang
pelikula ay nararapat lamang sa mga manonood na edad 14 pataas.