Saturday, January 2, 2016

Honor thy father

-->
LEAD CAST:  John Lloyd (Edgar), Meryll Soriano (Kaye), Tirso Cruz (Bishop), Kystal Brimner (Angel/daughter), DIRECTOR: Erik Matti   SCREENWRITER:  Michiko Yamamoto, Erik Matti  PRODUCER:  Erik Matti  EDITOR: Jay Halili  MUSICAL DIRECTOR:  Erwin Romulo (composer); Mikko Quizon (sound supervision)  GENRE:  Crime, drama, family DISTRIBUTOR: Reality Entertainment Inc.  LOCATION: Baguio, Philippines RUNNING TIME:  115 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 2
CINEMA rating: V18

Simple ang buhay ng mag-asawang Kaye (Soriano) at Edgar (Cruz). Kaya lamang ay hindi kuntento si Kaye sa kita niya sa pagtuturo kaya’t pinasok na rin niya ang negosyo ng kanyang ama. Dahil relihiyosa ay madali niyang makukumbinsi ang kanyang mga kasamahan sa kongregasyong kanyang sinasambahan na mag-ambag ng malaking investment dito. Ngunit hindi maisosoli ni Kaye ang ipinangakong kita sa takdang panahon. Dito niya makikilala ang tunay na ugali ng kanyang mga kasamahan sa simbahan dahil pagbabantaan ng mga ito ang pamilya dahil sa anim na milyong pagkakautang. Mapipilitang manghimasok si Edgar upang protektahan ang kanyang mag-ina at lalapit siya sa kanyang mga kapatid. Sila pala ay dating mga kasamahan ng Acetelyne Gang at babalakin nilang looban ang mismong simbahan na kinabibilangan ng mag-asawa.
            Simple din ang kwento at walang paliguy-ligoy na nasusundan natin ang kalooban ng isang desperadong amang handang gawin ang lahat para sa kanyang pamilya. Ibang-ibang John Lloyd ang mapapanod dito na lalong nagpaigting sa katauhan ni Edgar. Matalino ang pagkakasulat ni Yamamoto at ang paghahabi ng daloy ng kwento ni Matti dahil sa bawat eksena ay nakaabang ang manunuod kung anu ang susunod na mangyayari. May respeto ni Matti sa manunuod kaya’t hindi niya isinubo ang mga detalye o ang emosyon. May tiwala siya na kayang timbangin at pagdugtungin ng manunuod ang naratibo sa mga masasakit na pasabog sa lipunang ginagawalan ni Edgar. Ang kwento at ang pagkakakwento ang pinakamahusay na aspeto ng Honor thy father dahil isa ito sa mga pelikulang lokal na kailangan masusi ang manunood.
            Tila naubusan ng kabutihang loob ang mga tao sa Honor thy father. Wala ni isa sa mga tauhan ang kinakitaan ng malasakit at paggalang sa kapwa, kababaang loob, at kagandahang asal. Sa isang banda, marahil ito ay isang pagsilip sa masakit na katotohanan sa kasalukuyang lagay ng lipunan, pero sa kabilang banda, ganito ba kadaling husgahan ang isang salinlahi at sabihing wala nang puwang para sa malasakit at kabutihan? Walang paliguy-ligoy na isinusupalpal sa mukha ng manunuod ang paglubog ng moralidad ng mga lipunan sa pelikula, walang pagtatago sa relihiyon, o tradisyon para lamang maging mas katanggap-tanggap sa mga konserbatibo. Wala ring pagsusumikap na bumawi sa lahat ng kasamaang nangibabaw sa mga tao at biglang magkaroon ng pagbabagong-loob o pagsisisi. Walang pagkukunwari ang pelikula at naging matagumpay ang sining ni Matti at kwento ni Yamamoto. Kaya nga lang, mahirap, lalo sa mga kabataang di pa sanay kumilatis ng produksyon, ang lumabas sa isang maganda at masining na pagtatanghal na lugmok sa kawalan ng pag-asa at pagkanegatibo ng buhay (lalo na’t ang pinag-uusapan ay may kaugnayan sa relihiyon). Walang kahihiyang ipinahahayag ng pelikula na ang pera ay umaalipin sa prinsipiyo at moralidad at sa oras ng kagipitan mas madaling piliin ang madaling paraan, masama man ang maging kahinatnan nito. Tila ba kasamaan ang nasa kaibuturan ng puso ng tao. Totoo na ang kasamaan ay nandiyan lamang at biglang susulpot nang walang pasintabi, ngunit hindi naman totoo na walang kahit isang mabuting kaloobang lalaban dito sa pamamagitan ng pagmamahal, sakripisyo, integridad at pag-uunawa. Ang pelikula ay mainam na gamiting halimbawa ng masining na produksyon o simula ng debate ukol sa moralidad, pero maaaring makapagligaw ito sa murang isipan ng manunuod o sa mga taong walang kakayahang manimbang sa pagitan ng desperadong katotohanan at kathang-isip.