DIRECTOR: Jose Javier Reyes LEAD CAST: Vic
Sotto, Ai-Ai delas Alas, Alden Richards, Maine Mendoza SCREENWRITER:
Jose Javier Reyes, Bibeth
Ortiza PRODUCER: Marvic Sotto, Martina Eileen delas Alas,
Orly Ilacad, Antonio P. Tuviera, Annette Gozon-Abrogar RUNNING TIME: 115 minutes MUSICAL DIRECTOR: Vincent de Jesus GENRE: Romantic Comedy CINEMATOGRAPHER: Patrick Layugan DISTRIBUTOR: GMA Films LOCATION: Philippines
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating:
PG13 (Viewers aged 13 and below with parental guidance)
Kapwa nasa
event management business sina Vito Carillo (Vic Sotto) at Cora Talatala
(AiAi Delas Alas). Madalas sila magkabanggaan dahil dito at aakusahan ang
isa't isa ng sabotahe katulad ng sabay na event nila sa isang venue. Nakakatulong
ni Vito sa negosyo ang kaisa-isang anak na dalaga si Anna (Maine Mendoza),
gayundin ang kaisa-isang pamangkin ni Cora na si Dondie (Alden Richards) sa
kanya. Lingid sa kaalaman nina Vito at Cora ay magkakakilala at magkakagustuhan
ang dalawa. Sadyang ililihim nila ito nina Anna at Dondie dahil batid
nila na tutulan lamang sila nito. Subalit mabibisto din sila at katulad ng
inaasahan ay gagawa ng paraan Vito at Cora na paglayuin sila. Magiging daan ang
pareho nilang layunin na paglayuin ang dalawa para magkasundo sa mga gagawing
hakbang. Ang pagkakasundong ito nila Vito at Cora ay magiging dahilan
para magkalapit sila. Malalaman nina Anna at Dondie ang madalas na paglabas ng
ama at tiyahin at sila naman ang tutol dito. Kapwa nila susumbatan ang dalawa
sa ginawang pagtutol din sa kanila. Ikakalungkot nina Vito at Cora ang reaksyon
ng dalawa at tila mauunsyami nilang pagtitinginan.
Katulad ng inaasahan sa pelikula na
pinagsama-sama ang mga sikat na artista, pinilit na bigyan ng kanya-kanyang focus
ang mga pangunahing tauhan kaya pilit din ang kwento ng My Bebe Love #Kilig Pa More. Nakadagdag pa dito ang sapilitang
pagtambad ng iba't ibang advertisements
ng mga produktong iniendorso nina Sotto, Mendoza at Richards na sa dami ng mga
mapagsamantalang advertisers na
ito ay sila na yata ang bumuo ng mga eksena. Hindi naman matatawaran ang
kakayanan nina Sotto at De las Alas na magpatawa lalo na kapag magkaeksena
silang dalawa. Medyo maingay lang ang pagganap niya bilang iritableng babae.
Pero maganda ang tandem nina Delas Alas at Richards bilang magtiyahin gayundin
sina Sotto at Mendoza bilang mag-ama. Nakasabay naman at nakitaan ng potensyal
sa pagganap si Mendoza sa mga datihang artista. Epektibo sya sa pagbibigay ng
mga hinihinging emosyon sa mga eksena. Maliban sa kahinaan at kawalang focus ng kwento ay maayos ang ibang
teknikal na aspeto ng pelikula. Akma ang mga inilapat na tunog, musika at pag
iilaw. Tama lamang ang disenyo ng produksyon at naipahatid ang hinihinging
setting para sa mga kaganapan ng mga eksena. Epektibo ang mga kuha ng camera
lalo na kina Mendoza at Richards. Huli nito ang kiliti upang kiligin ang
manonood. Akma din ang costume at make-up katulad ng mga hinihinging corporate attires at ang make-over kay Delas Alas bilang
Cora Talatala.
Puno ng kumpetensya at tensyon ang mundo ng
negosyo. Pero dahil sa inspirasyon ng pamilya at mga mahal sa buhay ay hinaharap
ito ng mga responsable sa management.
Subalit mas nakakadagdag ng tensyon at naaapektuhan ang pamilya kapag naging
personal sa kumpetisyon. Maiiwasan sana ito kung aayon sa gasgas na kawikaan
"trabaho lang, walang personalan". Katulad ng nangyari sa mga
karakter nina Vito at Cora sa My
Bebe Love #Kilig pa More. Kapwa may pinagdaanang kabiguan ang dalawa
sa kani-kanilang relasyon at nafocus ang kanilang atensyon at panahon sa
negosyo at pagtataguyod ng kani-kanilang pamangkin at anak sa katauhan nina
Dondie at Anna. Maayos naman sana ang samahan nina Dondie at Cora bilang
magtiyahin at sina Vito at Anna bilang mag-ama, pero sa punto na
magkakagustuhan sina Dondie at Cora ay iiral ang personal na alitan sa negosyo
at magiging dahilan ng pagtutol na maging maligaya ang dalawa. Sa parte naman
ng pamangkin at anak ay mapipilitan na maglihim at sumuway sa tiyahin at ama
hanggang tuluyang magkalamat ang dating magandang samahan. Ang nakapagtataka
lang na sa konsteksto ng pelikula ay nasa sapat na gulang at mga katuwang na
negosyo ang dalawa para pigilan pa na makipagrelasyon ang dalawa. Mababaw at
makasarili ang dahilan ng pagtutol, lalo na’t sila rin naman palang mga nakatatanda
ang magkakagustuhan at bibigay sa kanilang mga kahinaan. Kung hindi ba naman,
bakit kailangang mag-check-in sila sa
iisang kwarto. Ang pag-ibig na totoo at karapat-dapat ay dapat
ipaglaban at maging matapang na harapin ang anumang balakid.