DIRECTOR: Randolph Longjas LEAD CAST: Vhong
Navarro, Alex Gonzaga, Rayver Cruz, John Lapuz, Lotlot de Leon, Janine
Gutierez, TJ Trinidad
SCREENWRITER: Ronald Allan Habon
PRODUCER: Quantum
Films GENRE: Comedy/Horror DISTRIBUTOR: Quantum
Films LOCATION: Philippines
RUNNING TIME: 2 hrs./10 mins.
Technical
assessment: 3.5
Moral
assessment: 3
CINEMA
rating: V14
Kuwento ng limang pinagtagni-tagning buhay at pagnanasa,
mapapadpad ang limang pangunahing tauhan sa misteryosong tindahan ni Santi (TJ
Trinidad) na magbibigay kasagutan sa mga ninanasa nilang makamit sa buhay. Si
Odie (Vhong Navarro) ay isang photojournalist
na nag-aasam na makagawa ng malaking pangalan sa industriya tulad ng kanyang
yumaong ama at mapatunayan sa kanyang boss
na siya ay magaling. Si Chloe (Alex Gonzaga) naman ay nagnanais na maging sikat
na mang-aaawit ngunit wala naman siyang natatanging tinig para makapasok sa showbiz. Si Ato (Rayver Cruz) naman ay
isang chef na nag-aasam na palaguin
ang kanyang restaurant business sa
pamamagitan ng pange-enganyo sa mas marami pang customers na makakatikim ng
kanyang lutuin. Si Pippa (John Lapuz) ay nagnanais na mapansin at mahalin ng
kapwa niya mga lalaki. Habang si Maita (Lotlot de Leon) naman ay nagnanais na makabalik
sa kanyang kabataan upang buhayin ang pagnanasang maibalik ang naudlot na
kasikatan sa showbiz. Lahat silaĆ½
bibili sa tindahan ni Santi. Matutupad ng mga ito ang kanilang inaasam ngunit
lingid sa kanilang kaalaman, may malaki itong kabayaran.
Bagama’t
sadyang mahirap mapagkasya ang limang kuwento sa limitadong oras ng pelikula,
naging matagumpay naman kahit paano ang Buy
now, die later sa pagtatahi ng limang iba’t-ibang kuwento. Naging malikhain
ang kuwentista ng pelikulang ito sa paglalarawan ng limang kuwento gamit ang
mga makabuluhang simbolo. Nagbigay aliw sa pelikula sa pamamagitan ng magandang
disenyo, mahuhusay na artista, at tapat na hangaring makapaghatid ng bagong
putahe at magandang aral gamit ang sining ng pelikula. Sa pelikulang ito ay
maaaliw at mapapaisip ang manonood ng sabay. Sa limang kuwento, kaabang-abang
ang kay Ato at Pippa…ngunit di rin nagpahuli ang kuwento ni Maita. Sa kabuuan, iniangat
ng pelikulang ito ang panlasa ng manonood sa komedya sa pamamagitan ng
paghahain ng makabagong uri ng sining sa pelikula. Sayang nga lang at limitado
ang oras ng pelikula, disinsana’y, nabigyan ng pantay-pantay na bigat ang
limang kuwento.
Hitik
sa mensahe ang Buy now, die later. Ipinakita ng pelikula kung paanong
kumikilos ang demonyo sa buhay ng isang tao sa pamamagitan ng pag-aakit nito na
busugin ang anumang pagnanasa na hindi isinasaalang-alang ang Diyos at ang
kapwa. Ang ating mga pangunahing kakayanan tulad ng paningin, pandinig,
panlasa, pandama at pang-amoy ay dapat higit sa lahat ay ginagamit sa
kabutihan—ngunit nang dahil sa pagiging makasarili, nagiging tulay ang mga ito
ng pagkakasala. Sa paghahanap ng mga tauhan ng mga bagay sa buhay na nagdudulot
ng panandaliang ligaya, panandaliang aliw, panandaliang kasikatan, panandaliang
pagmamahal, ang napala nila ay kapahamakan at kawalang katahimikan. Bilang mga
taong likha ng Diyos, gaano man katindi ang isang pagnanasa, biniyayaan ang tao
na mag-isip at pumili ng tama. Si Santi bilang simbolo ng demonyo at tukso ay
ipinakitang nagbabalatkayo sa maganda at mapang-akit na anyo. Sa kabuuan,
naihatid ng pelikula ang mensaheng ang tao ay dapat ituon ang kanyang pansin sa
dapat at nararapat tungo sa kabutihan ng nakakarami. Sakaling magkamali at
magkasala, laging hindi pa huli ang lahat upang ipaglaban ang kabutihan—at ito ay
naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at paggawa ng kabutihan. Dahil sa mabigat na tema ng pelikula,
minamarapat ng CINEMA na sa mga kabataan edad 14 pataas lamang ito ipakita, at kailangang gabayang mabuti ng mga magulang ang mga batang manonood na may
gulang 13 pababa.