DIRECTOR: Wenn V. Deramas LEAD CAST: Vice
Ganda, Coco Martin SCREENWRITER: PRODUCER: Charo
Santos-Concio/Star Cinema GENRE:
Action/comedy DISTRIBUTOR:
Star Cinema LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 119 mins.
Technical
assessment: 3
Moral
assessment: 3
CINEMA
rating: V13
Mag-isang itinataguyod ng photographer na
si Eric Villavicencio a.k.a Erika/Nathalia Nutreila (Vice Ganda) ang
pagtatuguyod sa bunsong kapatid na si Abi (Nadine Samonte) at dalawang
pamangkin na iniwan sa kanya ng mga ina nito na si Edith (Valerie Concepcion).
Mahirap ito para kay Erika lalo na ng magkaroon ng sakit na nakakabulag ang
pamangkin na si Jimbo (Marco Masa). Puproblemahin nya ang panggastos para
maisalba ang paningin nito. Samantala, maa-assign
kay Eman Castillo (Coco Martin), isang police
agent ang misyon na iligtas at proteksyunan ang nawawalang contestant ng Ms. Uniworld na si
Nathalia Nutreila ng bansang Uzeklovakia. Napakahalaga ng misyon na ito kay
Eman para sa kanyang promosyon at sa relasyon nila ng kanyang ama. Matalik na
magkaibigan sina Eman at Erika bago pa nagladlad bilang bakla ang huli na
siyang pagsisimulaan ng di nila pagkikibuan dahil may mararamdaman si Erika
para kay Eman. Stratehiya naman ng bagong misyon ni Eman na humanap ng
magpapanggap na Ms. Uzeklovakia sa Ms. Uniworld contest. Dahil sa pagkakahawig
ni Erika sa kandidata ay lalapitan at aalukin ni Eman na tulungan siya nito sa
misyon. Tatanggi sa simula pero papayag din sa kalaunan si Erika kapalit ng
halaga na kailangan niya para mapagamot ang pamangkin at mahanap ang lumayas na
kapatid na si Edith. Habang abala sa misyon si Erika ay si Abi ang mag-aasikaso
sa mga eye check-up ni Jimbo sa doktor
kung saan makikilala at makakapalagayang-loob niya si Tristan (James Reid) na
kapatid sa ina ni Eman.
Nakasentro
sa sakripisyo para sa pamilya ng isang binabae sa halip na tipikal na
paghahangad sa atensyon ng lalake ang pelikulang Beauty and the Bestie. May kababawan at di kapani-paniwala ang kwento subalit nabigyan
ng magandang trato ng direktor at characterization
ng mga nagsiganap. Payak ang mga linya at minsan ay may halong panunuya pero
naging epektibong punchline na
pampatawa at lahat ng nagsiganap ay naging kabahagi nito. Malikhain ang
paggamit ng mga lengwaheng bakla bilang salitang banyaga at nakakaaliw ang mga
eksenang ito sa pelikula. Mahusay ang pagganap ni Martin bilang kaibigan na mapagmalasakit,
maunawain at may pagtanggap sa kabila ng hayagang pagkakagusto ni Erika sa kanya. Nakapaghatid ng excitement ang mga eksenang buwis-buhay
dahil sa visual effects. Tama lamang
ang disensyo ng produksyon, gayundin ang mga costume at make-up.
Nakatulong ang mga ito na maibigay ang karampatang eksena. Nakadagdag sa paghahatid
ng kilig ang tambalang Reid at Samonte. Mahahalata ito sa reaksyon ng mga
manonood kapag may eksena ang dalawa. Sa kabila ng kababawan at mga tagpong corny ay nakakaaliw panoorin ang
pelikulang Beauty and the Bestie.
Anumang
gampanin mayroon ang isang tao sa pamilya at sa propesyon ay dapat siyang maging
responsable. Pinakita sa pelikulang Beauty
and the Bestie na ang isang miyembro ay handang magsakripisyo para
maitaguyod ang pangangailangan ng pamilya. Ang kabuhayan na naiwan ng magulang
ay maaring pagyamanin upang mapagkunan ng pangtustos sa pangangailangan. At
kung may magkasakit o matinding pangangailangan ang pamilya ay gagawin ang
lahat; pwedeng isangtabi ang pride at
ang nasaktang damdamin para maisalba at maisaayos ang buhay na nalagay sa peligro.
Nakitaan ng pagbibigay ng tamang paggabay sa pananamit at pakikipagrelasyon
bilang kuya o ate sa nakababatang kapatid. Kahanga-hanga din ang karakter na
ginampanan ni Coco Martin, kung saan nakitaan ng kahinahunan sa sitwasyon,
dignidad sa trabaho, paggalang sa magulang, malasakit sa kapwa, pagtanggap nang
walang pagsasamantala sa kaibigang bakla. Malakas din na mensahe ng pelikula na
maaring mangibabaw ang matapat na pagkakaibigan sa pagitan ng isang binabae at
lalaki kaysa paghahangad ng higit pa.