CAST: Jason Abalos (Odie), Ramon Bautista, Glaiza De Castro (Irene), Matet De Leon, Ketchup Eusebio, Diether Ocampo (Jacci Rocha), Jun Sabayton, Alwyn Uytingco;DIRECTOR: Quark Henares;PRODUCER: Furball/Revolver/Postmanila/Reality Entertainment;EDITOR: MUSICAL DIRECTOR;GENRE: Comedy/Romance ;CINEMATOGRAPHER DISTRIBUTOR
LOCATION: Phiilippines ;RUNNING TIME: 112 minutes
Moral Assessment: 3
Cinema Rating: For viewers 14 years old and above
Cinema Rating: For viewers 14 years old and above
Isinalaysay ni Odie (Jayson Abalos) na simula pa ng High school ay magkasundong-magkasundo na sila ng matalik niyang kaibigan na si Irene (Glaiza De Castro) sa hilig nila sa rock and roll music at kung paano siya nain-love dito dahil palagi silang magkasama sa mga gigs. Nasa kolehiyo na sila ng maisipan nilang magbuo ng banda sa mungkahi ni Irene. Hindi naman sila nabigo dahil nakatagpo sila ng mga taong katulad nila ang hilig tulad nila Mo (Kethcup Eusebio) at Junfour ( Alwyn Uytingco). Talentado si Odie na nagsilbing leader ng banda. Siya ang lumilikha ng kanta na tinangkilik ng mga mahilig sa rock music. May mga naniwala at tumulong sa kanila katulad ni Matet (Matet De Leon) na nagsilbing manager ng grupo. Sa kalaunan ay nakilala naman banda bilang Hapipaks sa kabila ng mga dinanas na hirap. Kasabay ng paglikha ng pangalan ay mga unos na sumubok sa kanilang samahan at humamon sa kanilang talento. Naging kasintahan ni Irene ang hinahangaan niyang sikat na rakistang si Jaccirocha (Diether Ocampo) subalit pinaglaruan lang siya nito na labis na ikinasakit ng kalooban ni Odie. Ang problema kasi bagamat labis din ang pagmamahal ni Irene kay Odie ay di niya masuklian na higit pa sa pagkakaibigan ang pagmamamahal nito sa kanya.
Sumasalamin ang pelikulang Rakenrol sa iba’t ibang yugto ng buhay ng mga tao na kasangkot sa mundo ng rock and roll music. Kakaiba ang ginawang trato ng director sa paghahatid ng temang ito na madalas ay umiikot sa madilim na takbo ng buhay at pinatutungkulan pa ng pagka “satanista”. Nagpakita rin naman ng ganitong pananaw sa pelikula pero dahil sa maingat na panulat at direksyon ay naging magaan ang kuwento ng pagsibol, pag-abot at pagpapapahalaga sa mga pangarap. Kahit papaano ay nakapagbahagi ang pelikula ng magagandang aspeto ng musikang rock sa buhay ng isang rakista katulad halimbawa ng paglalabas ng damdamin at pagpapalaya sa matapat na sining ng tugtog at awitin. Nagbigay ng punto ang Rakenrol tungkol sa kalakaran sa larangang ito na maaring pag-isipan ng mga baguhan rakista kung magpapalaot ba sila o hindi. Epektibo sa kanilang mga karakter ang mga nagsiganap bagamat medyo sumamblay kay Diether bilang Jaccirocha. May damdamin ang potograpiya na nakadagdag sa pagiging makabuluhan ng mga eksena. Akma ang ang disenyo ng produksyon at maganda ang seleksyon ng mga awitin na karamihan ay orihinal. Sa kabuuan ay mahusay ang aspetong teknikal ng Rakenrol at maaring ipagbunyi ng rakista bilang pagkilala sa kanilang sining.
Ang talento ay kaloob ng Diyos na dapat lamang pagyamanin upang maging kapaki-pakinabang sa tao at sa lipunan. Ang isang larangan katulad ng sining ng ay may sariling kultura na nililikha ng mga taong gumagalaw dito. Subalit higit sa pagyakap sa isang kultura ay ang personal na pundasyon at pagpapahalaga ng isang tao. Ipinakita sa pelikula na taglay ng mga pangunahing tauhan ang mga aspetong ito ng kanilang pagkatao. Nanatili sa kanila ang disiplina sa sarili, focus sa minahal nilang sining at pag-abot sa pangarap. Kahanga-hanga ang pagkakaibigan nina Odie at Irene. Sa kabila ng natatanging pag-ibig ni Odie sa kaibigan ay di sya nagdalawang isip na magsakripisyo at unawain ang kaibigan. Samantala mayroon din bahagi ng sakripisyo si Irene para sa kanya. Nakakatuwa rin panoorin ang samahan ng kanilang banda kung saan may pagkilala sa contribution ng bawat isa sa grupo. May pag-unawa sa kuwento ng buhay ng bawat isa at naging daan upang magsilbing inspirasyon at hugutan ng lakas ng bawat isa upang magpatuloy. Isang napapanahong pelikula ang Rakenrol lalo na sa mga kabataan at magulang. May malalim na mensahe ng pagpapalago ng sarili at inspirasyon sa pag-abot ng mga pangarap at pakikipagkapwa. Bagamat positibo ang mensahe ng pelikula ay sagana ito sa linya ng pagmumura at mga eksena ng magulong gigs ng mga rakista na di angkop sa mga batang manonood.