CAST: Carla Abellana, Lovi Poe, Jake Cuenca, Dennis Trillo; DIRECTOR: Jun Lana. SCREENPLAY: Jun Lana; RUNNING TIME:100 minutes; LOCATION: Manila; GENRE: Drama
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
Cinema Rating: For viewers 18 years old and above
Madalas awayin ni Jasmine (Carla Abellana) ang kanyang asawang si Bullet (Jake Cuenca) dahil sa pambabae nito bagama’t wala pa naman siyang nahuhuli at napapatunayan. Ang mag-asawang kaibigan din nila na sina Giselle (Lovi Poe) at Aaron (Dennis Trillo) ay madalas namang magtalo patungkol sa pananalapi. Isang gabi ng matinding pag-aaway ng dalawang mag-asawa, nakahanap ng karamay sa isa’t-isa sina Bullet at Giselle. Malalango sila sa alak at makakalimot sa kanilang sarili at dahil dito’y mangyayari ang hindi inaasahan – magtatalik silang dalawa. Bagama’t hindi na naulit ang pangyayari at sila’y nagbalik sa kani-kanilang asawa, madidiskubre pa rin ito ni Jasmine na siyang magiging dahilan ng pagkakagalit at pagkakagulo nilang apat. Sa pagmamakaawa ng dalawang asawang nangalunya, tatangapin pa rin sila ng kani-kanilang asawa ngunit dahil wala na ang tiwala ay magbabago na ang lahat. Magiging mahigpit si Aaron kay Giselle at madalas niyang isusumbat ang pagloloko ng asawa. Si Bullet naman ay magiging malambing at mabuting asawa at ama habang si Jasmin ay malamig pa rin ang pag-trato sa kanya. Makalipas ang isang taon ng pagkakalayo, muling magkikita sina Jasmine at Aaron. Sa mga nasira nilang tiwala sa kani-kanilang asawa, makakahanap ng karamay ang isa’t-isa. Ngunit magiging simula pala ito ng mas matinding problema.
Isang mapangahas na pelikula ang My Neighbor’s Wife na nagtangkang usisain at kuwestyunin ang institusyon ng kasal lalo na kapag nawala na ang tiwala. Maraming nasabi ang pelikula patungkol dito at nagawa nitong gulatin ang manonood sa napakaraming komplikasyon ng tema. Mahusay ang pagkakalahad ng kuwento ng pinaigting pa ng mahuhusay na pagganap ng mga pangunahing tauhan lalo na ang dalawang bidang babae na sina Abellana at Poe. Sayang nga lang at hindi masyadong napanindigan ng pelikula ang dapat sana’y malalim nitong tema ukol sa relasyon dahil halos nauuwi sa pagiging romantiko ang ilang mga eksena sa halip na ma-drama. Pati ang katapusan nito ay pawang hindi angkop sa nais nitong sabihin at patunayan. Sa kabuuan nama’y maayos ang mga teknikal na aspeto ng pelikula at isa pa rin itong maituturing na makabuluhang panoorin.