CAST:Eugene Domingo,Toni Gonzaga,Zanjoe Marudo,Wendell Ramos; WRITER&DIRECTOR:Jose Javier Reyes;GENRE:Comedy/Romance;RUNNING TIME:115Minutes
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers age 14 and above
Kasalukuyang namumrublema si Precy (Eugene Domingo) sa kanyang asawang si Ben (Wendell Ramos) ng bumalik ang pinsang si Belay a.k.a Maribel (Toni Gonzaga) mula sa tatlong taon na pamamalagi sa Japan. Sinalubong si Belay ng kanyang pamilya sa airport kasama si Precy at ang kasintahan niyang si Oca (Zanjoe Marudo). Kasabay ng pananabik kay Belay ay nagulat ang mga sumalubong sa kanya dahil sa malaking ipinagbago ng hitsura at pananalita nito. Mula sa simple at malumanay ay naging sopistikada at kabaklaan ang naging lenggwahe ni Belay. Ikinabahala ni Oca ang mga pagbabagong ito kay Belay dahil inaalala niya na di maiibigan ng konserbatiba at relihiyosa niyang ina ang bagong pagkatao ni Belay na nakatakda niyang pakasalan sa pagbabalik nito. Gayunpaman ay sinimulan ang paghahanda sa itinakdang kasal kung saan samu't saring argumento ang nangyayari tungkol sa maliliit na detalye ng paghahanda na madalas ay kinasasangkutan ng magkabilang partido. Samantala, tuluyang nilayasan ni Precy ang kanyang pamilya dahil di na niya matiis ang kalagayan niya sa piling ng asawa at biyenan na babae. Mabait naman sana si Ben pero mahina ito dumiskarte at nakadepende lagi sa ina na di siya kailanman nagustuhan. Isa sa ikinapundi ni Precy ay ang pagwaldas ni Ben sa inipon niyang pera ng di ipinagbibigay-alam sa kanya at tuluyan itong maubos dahil sa di magandang investment. Kumunsulta si Precy sa abogado upang mapawalang bisa ang kanyang kasal. Sa tuwing magkikita ang magpinsan ay napapalitan sila ng kuro-kuro, payo at mungkahi tungkol sa kani-kanilang sitwasyon --- ang masalimuot na paghahanda sa kasal ni Belay kay Oca at ang napipintong tuluyang pagwawakas ng 18 taong kasal ni Precy kay Ben. May pagkakapareho ang sitwasyon ng dalawa ---- parehong mga mahihina at maka-ina ang mga lalaking natutunan nilang ibigin at parehong biyuda na may kasungitan ang mga babaeng ito sa buhay nila.
Simple pero makabuluhan ang kwento ng pelikulang "Wedding tayo, Wedding hindi". Seryoso ang mensahe na nilagyan ng komedya upang maaliw ang mga manonood. May pagkakataon na eksaherada ang ilang eksena pero binabawi ng mga hirit na patawa. Mahusay ang direksyon at nailabas ng mga nagsiganap ang mga kinailangan emosyon upang maipahatid ang mensahe ng pelikula. Epektibo sina Eugene, Zanjoe at Wendell sa kanilang pagganap. Medyo typecast naman si Toni sa maingay na pagdeliver ng mga linya at nadagdagan pa ng lengguwaheng kabaklaan sa pelikula. May pagkabulgar ang karamihan sa mga salita na medyo alanganin sa setting ng below middle class families at ng may teaching profession background. Hindi masyadong gumamit ng teknik sa camera, sa halip ay puro malapitan ang kuha kaya kitang-kitang and detalye ng mga subjects. Maingat ang pagpasok ng mga flashback scenes at nakatulong sa maayos na daloy ng istorya. Tama lamang ang mga inilapat na musika at tunog, gayundin ang ilaw.
Nakakasakal ang pakikialam ng mga taong nakapaligid katulad sa tipikal na relasyon ng manugang at biyenan sa kulturang Filipino. Kahit sino na may sapat na gulang at kaisipan na may kakayahang magpasya para sa sarili at sa pamilya ay di mapipigilan na pagsawaan ang ganitong sitwasyon. Gayunpaman, nakakabahala na ipinakita sa pelikula na pwedeng basta na lamang layasan ang pamilya dahil sa nawalang pera na di naman talaga ginamit sa masama. Samantala, anumang suliranin na kinakaharap sa pamilya ay nakakatulong kung mayroon tayong napaghihingahan ng saloobin. Ipinakita sa pelikulang "Wedding Tayo, Wedding Hindi" ang kahalagahan na ang mga taong nilalapitan ay may malasakit at hahangarin ang mabuting kahihinatnan ng sitwasyon para sa iyo katulad ng mga ginampanang karakter nina Eugene at Toni. Sinuportahan nila ang pagiging totoo ng isa't isa sa kanilang mga damdamin pero hindi hinahayaan na manaig ang emosyon upang sang-ayunan ang anumang pagpapasya. Tinitiyak na mayroong pakikinig, pag-unawa, pagpapaalala at malayang pagpapasya na pinag-isipan para sa mabuting kapakanan ng lahat. Gayundin naman, ang kasal ay higit pa sa isang araw na okasyon. Ang preparasyon ay hindi lamang nakasentro sa mga material na bagay sa halip ay sa kahandaan ng mga nagkasundong magpakasal. Mahalagang yugto ito sa buhay ng mga ikakasal kaya ang mga magulang ay magsilbi sanang gabay at suporta hindi hayagang nakikialam. Tumbok naman ang kahinaan ng mga lalaki sa pelikula na sa bandang huli ay naisalba ng matanto nila ang kahalagahan na dapat silang manindigan para sa kanilang mga asawa at pamilya. Sa kabuuan ay may aral ang pelikula na maaaring pagnilayan ng mga manonood --- magulang bilang biyenan, manugang, mga anak at kaibigan.