CAST: Kristine Reyes, Derek Ramsey, Anne Curtis DIRECTOR: Ruel Bayani; GENRE: drama; DISTRIBUTOR: Viva, Star Cinema; LOCATION: Philippines; RUNNING TIME :110 minutes
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
Cinema Rating: For viewers 18 years old and above
Isang furniture designer-producer si Ram (Derek Ramsay), tapat sa asawang si Sharmaine (Cristine Reyes) at gustong mamuhay nang maayos para sa kinabukasan ng kanilang magiging pamilya. Sa panahong iniaalok niya ang kanyang mga disenyo upang makuha ang kontrata mula sa Costa Luz beach resort, makikilala niya si Cara (Anne Curtis), anak ng may-ari, si Mr. Zalderiaga. Matitipuan siya ni Cara at hindi siya tatantanan hanggang hindi bumibigay ang kanyang pagkalalaki dito. Paglalabanan ni Ram ang kariktan ni Cara, ngunit mapilit ang babae, at sasabihing wala siyang tangkang umibig sa lalaki—o ibigin nito. Sa paningin ni Cara, isa siyang “liberated woman” na nakukuha ang anumang gustuhin niya. Bagama’t mahal ni Ram ang maybahay niyang si Sharmaine, madadarang din ito sa init ni Cara. Matutuklasan ni Sharmaine ang nangyayari, ngunit tigas nang tatanggi si Cara na mawala sa kanya si Ram. Umiibig na siya, saw akas—amin ni Cara sa kanyang matatalik na kaibigan—at ipaglalaban niya ang karapatan niyang umibig.
Nakakagulat na napakaraming tao ang gustong manood ng No Other Woman—sa unang araw ng labas nito, puno ang isang sinihan sa Makati na karaniwan namang hindi naglalabas ng pelikulang Pilipino. Nang magtanong kami, yon pala’y dahil sa pag-aakalang mas marami itong naglalagablab na eksena kaysa My Neighbor’s Wife. Ngunit lalong higit sa maiinit na eksena, ang dialogue ang nagdadala ng kuwento sa No Other Woman. Makatapos naming mapanood ito, naisip namin: para lang kaming nanood ng isang TV drama sa higanteng screen. Pero narinig namin mula sa isang nanood, “Parang Korean telenobela na pinagkasya sa dalawang oras.” (Hindi kami maka-sang-ayon pagkat hindi kami mahilig manood ng Korean telenovela). May kuwentong maayos at madaling sundan ito, pero nilagyan ng subplots na hindi naman pinakitaan ng resolusyon sa dulo. Kakaunti ang mga tauhan, at halos ay nakatutok ang kamera sa maliit nilang mundo. Magaling ang pagganap ng mga pangunahing artista, ayon sa hinihingi ng kuwento, bagama’t hindi naman gasinong mabigat ang hinihingi ng mga papel nila. Minsan, pagka’t masasabi mo na humigit-kumulang ang magiging katapusan ng kuwento dahil sa takbo ng usapan ng mga tauhan, ang pansin mo ay maaagaw ng nakikita mo, ang ibinibilad na katawan ng mga artista, lalol na ni Curtis, ang magandang karagatan, magarang mga kuwarto, atbp.
Ang pinakamabuting parte ng No Other Woman ay ang pagtataguyod nito sa kasagraduhan ng pag-aasawahan. Malinaw at matuwid ang katapusan. Ipinapakita rin nito ang katotohanan na pighati ang ibinubunga ng kapalaluan at katigasan ng ulo. Palalo si Cara sa pag-aakalang kayang-kaya niyang kontrolin ang sarili—ngunit hindi ito kinunsinti ng kuwento. Naging mahina din si Ram, subalit ipinamalas din ng pelikula ang mapait na ibinubunga nito na maaaring kumitil sa anumang kabutihang nasa buhay na niya. Maliwanag na sinasalamin ng pelikula ang halaga ng pagharap sa sariling kamalian, ang paghingi ng kapatawaran, at ang nararapat na pagpapatawad. Pagkamatuwid ang nananaig sa lahat, na siya lamang karapat-dapat ayon sa batas ng kalikasan, ng tao at ng Dios. Makabubuting panoorin ito ng mga mag-asawa o ng mga taong gusto nang mag-asawa, at nang mapag-usapan ang mga maseselang bagay na humahadlang sa tagumpay at ligaya ng pag-aasawa. May matututuhan din dito ang mga babaeng "Cara" sa ating paligid. Sige, maging pasaway kayo, pero hindi ninyo masasabing hindi kayo binalaan ng No Other Woman.