Wednesday, August 31, 2011

TWEEN ACADEMY CLASS OF 2012


CAST: Elmo Magalona ,Joshua Dionisio, Barbie Forteza ,Jake Vargas, Bea Binene ,Joyce Ching, Kristofer Martin, Lexi Fernandez, Derick Monasterio& Louise delos Reyes;DIRECTOR:Mark Reyes;WRITER; Kit Villanueva-Langit;PRODUCER: Annette Gozon-Abrogar (GMA Films),Jose Mari Abacan (GMA Films),Boss Big (SM Development Corporation);GENRE: Comedy/Drama


Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3.5       
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance

Nababahala na ang magkakaibigan na sina Enzo (Elmo Magalona), Kara (Barbie Fortesa), at Georgina (Bea Binene) sa kalagayan nila sa paaralan. Kung hindi kasi sila pinapansin ay pinagkakatuwaan naman sila.  Tinatawag silang mga "imbals" (short for imbalance) dahil sa gawi ng pagdadala nila ng kanilang mga sarili na medyo kakaiba (o kakatwa) sa mga kaeskuwela nila. Nang muli silang makaranas na mapagkatuwaan ay nagkaisa sila gumawa ng paraan upang matigil na ang mga nang-aapi sa kanila. At iyon ay mangyayari lamang kung babaguhin nila ang kanilang mga sarili mula sa kanilang mga kahinaan. Gumawa sila ng listahan ng mga hakbang na gagawin nila sa kanilang mga sarili at itinakda na sa susunod na prom ng paaralan ay mga bagong Enzo, Kara at Georgina na sila --- may mga kompiyansa sa sarili, pagbutihin ang mga kakayahan, at makilala sa kanilang mga kalakasan. Sa maikling panahon ng pagtahak nila sa inaasam na pagbabago sa kanilang mga sarili ay mga taong naging instrumento upang maisakatuparan nila ang pagbabago ng halos nila namamalayan. Katulad ng nabuong paghanga ni Enzo sa remedial class teacher niya na si Ms Madie (Sam Pinto), ang namuong cyber friendship ni Kara a.k.a Supergirl kay Robin a.k.a Colossus (Joshua Dionisio), at ang pagiging mahusay ni Georgina sa larong football at lihim na pagtingin niya sa kababatang si Jepoy (Jake Vargas). Habang pinagdaraanan ng 3 magkakaibigan ang mga pagbabago sa kanilang sarili ay nakasubaybay naman ang mga kanilang mga magulang samantala ang mga kamag-aral na nanunudyo sa kanila ay hinaharap din ang mga kani-kanyang sitwasyon sa pamilya at sa lipunan.

Simple ang daloy ng  kuwento ng "Tween Academy". Pero may diin ang mga mensahe na binigyan-buhay ng mg eksena. Marami ang miyembro ng cast pero nabigyan-lahat ng highlights ang mga tauhan. Sa madaling salita ay markado ang lahat.  Nakasentro sa 3 magkakaibigan ang kwento pero ang ibang tauhan na sa unang tingin ay walang kaugnayan sa sentro ng istorya katulad ng magkasintahan sa pelikula na sina Ashley (Joyce Ching) at Diego (Kristofer Martin) ay makikitaan din ng koneksyon sa bandang huli kung pagbabatayan ang mensahe na nais ipahatid ng pelikula. Hindi mabibigat ang mga eksena ng pelikula na nangailangan ng malalim na emosyon kaya walang masyadong ibinigay sa kanilang mga pagganap ang artista. Akma lamang ang disenyo ng produksyon pero mas mainam sana kung natural lamang lumabas ang make-up  ng mga bidang babae sa mga eksena ng regular classes dahil high school naman ang setting. Hindi rin maganda sa paningin ang mga composition kung saan hindi kinukunan ang buong katawan ng tao. Maganda ang ideya na ginamit sa musical scoring ang music revivals.  Nakatulong ito sa appreciation  ng mga adult viewers para maalala nila ang kanilang mga kabataan.

Ang pagiging kabataan ay minsan lamang darating sa buhay ng tao. Napakahalaga na maging makabuluhan at makulay ang yugtong ito ng buhay upang maging pundasyon ng magandang pagkatao sa hinaharap. Tipikal na mga kabataan na may mga supportive family (kahit na pawang single parents ang ipinakita) ang mga itinampok na tauhan sa pelikula Tween Academy.  Inakp ng mga kabataang ito ang responsibilidad na palaguin ang sarili. May kababaang-loob sila na inaamin ang mga kahinaan at naging bukas para matugunan at maging kalakasan. Sa unang tingin ay hatid ng kayabangan ang maghangad na mapansin pero ipinakita sa pelikula na higit pa sa pagyayabang, ang maghangad na mapansin ay maari rin maging motivation upang hugutin ang mga kagalingan na nasa kanilang mga sarili. Puno ng positibong mensahe ang pelikula na nag-aangat sa magandang kultura ng Filipino katulad ng respeto sa magulang, pagpapahalaga sa kaibigan, pagpapatawaran at pagtanggap ng kamalian, at responsableng pakikipagrelasyon. Sa kabuuan ay ipinakita ng pelikula ang mga tipikal na sitwasyon ngayon ng mga kabataan na pumapasok na sa kamalayan ng paghanga at pakikipagrelasyon. Maliban sa mga tradisyunal na paraan pagpapa-cute sa panahon ng school events, ay nariyan rin ang mga kakaibang lenggwahe at modern technologies tulad ng celphone at internet na dapat isaalang-alang ng mga magulang sa pagsubaybay nila sa kanilang mga anak. Sa kabuuan ay maganda at nakaaaliw ang pelikula subalit dahil sa ilang eksena ng pangungutya sa inosenteng kamag-aral at pagpupuyat sa internet chat ay dapat gabayan ng mga magulang ang mga manonood na edad 13 pababa.