CAST: Eugene Domingo, JM de Guzman, Kian Cipriano, Cai Cortez; DIRECTOR: Marlon Rivera; SCREENPLAY: Chris Martinez; LOCATION: Manila; GENRE: Comedy; RUNNING TIME:100 minutes.
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers age 14 and above.
Hindi magkamayaw sina Rainier (JM de Guzman) at Bingbong (Kian Cipriano) sa ginagawa at binubuo nilang indie film na pinamagatang “Walang-wala” na siyang ipambabato nila sa mga international film festivals. Si Rainier ang producer habang si Bingbong naman ang direktor. Kasama nila bilang Production Manager si Jocelyn (Cai Cortez). Habang pinag-uusapan ng dalawa ang binubuong kuwento ay nabubuo naman ang mga eksenang ito sa isip ni Jocelyn. Ang “Walang-wala” ay patungkol sa isang ina na si Mila na nahihirapang tustusan ang pangangailangan ng pito niyang anak kung kaya’t mapipilitan siyang ibenta sa pedopilya ang isa niyang anak. Si Eugene Domingo ang pangunahin nilang artista na nais nilang gumanap bilang bida. Sa sanga-sangang imahinasyon at paghihimay nina Rainier at Bingbong, kasama na rin ang panghihimasok ni Eugene Domingo bilang bida ng pelikula, makikita ang iba’t-ibang perspektibo at posibilidad ng “Walang-wala”. Nariyang maging isa itong dokumentaryo, musical at maging isang soap opera.
Isang matalinong produksiyon ang Ang Babae Sa Septic Tank. Nagawa nitong kilitiin ang imahinasyon ng mga manonood sa maraming posibilidad ng isang materyal pampelikula. Sa pagsilip sa mundo ng paggawa ng independent film ay makikita ang maraming realidad na nakapaloob dito. Bagama’t simpleng maituturing ang kuwento ay hitik ito sa mensahe patungkol sa pang-aabuso ng sistema ng sining na siya mismong kinabibilangan ng pelikula. Walang itulak kabigin ang mga nagsiganap at nangungun na riyan si Eugene Domingo na gumanap bilang siya at ginampanan din niya sa iba’t-ibang atake ang papel ni Mila. Isa ito sa pinakamahusay na pagganap ni Domingo at hindi tatayo ang pelikula kung hindi dahil sa husay niya. Sa kabuuan ay pulido ang pagkakagawa ng pelikula sa kabila ng kakulangan nito ng tunay na kuwento. Ang mga komentaryo nito sa lipunan ay sapat na upang mapukaw at makiliti ang mga manonood.